Martes, Agosto 18, 2009
Apat Titik
Medyo naaamoy ko pa ang amoy-sinigang na hininga ni Eric habang sinasabi niya na ayaw niyang sumama sa rali bukas sa SONA dahil delikado at nakakatakot.Nilunok ko muna ang nginuya kong giniling na baboy, bilang bwelo pangontra-ingay sa canteen, bago isigaw sa kanya na marami naman dung tao na hindi siya pababayaan at na nananakot lang ang mga pulis sa training nila kuno para mag-disperse; “kung sobrang dami ng tao, wala din silang magagawa!” dagdag ko pa, habang umaasa na naiintindihan niya ako. Iling lang ang naging tugon niya – ayaw pa rin.
“Masaya kaya ‘yun! Madami kang makikilala! Saka, ayaw mo man lang bang maranasa’ng mag-rali? Subukan mo nga kasi! Experience din ‘yun!”
Iling ulit.
“Malay mo may chicks dun.”
“Oh? Ah, hindi pwede yun, malamang wala rin tayong ka-edad dun, takot din,” ang naintindihan kong sinabi niya, kasabay ng kaniyang pag-lingon. Pagkatapos niyang sabihin iyon ay nag-aayos na kami ng kanya-kanyang baunan at nag-handang umalis mula sa magulong canteen.
Ang hallway na sunod nami’ng dinaanan ay mas kakaunti ang tao. ‘Di tulad sa canteen, dito ay malinaw naming naririnig ang isa’t-isa. Nagsimula ako ng usapan para ipaalam sa kaniyang hindi pa ako sumusuko,
“Oh, ano? Ayaw mo pa rin ba talaga?”
“Tsk, ayoko nga. Halos isang dekada pa bago tayo mag-eighteen eh sasali ka na sa mga ganyan? Saka na lang, pag nag-aral tayo sa PUP siguro,”
“Halos isang dekada, limang taon na lang.”
“Oh, di kalahating dekada.”
Habang tinatawanan ko siya ay pumasok na kami sa CR namin, na dating sa mga babae kaya wala yung de-sabit na inidoro, at dumeretso sa dalawang magakaiba at magkatabing cubicle.
“Maganda nga yung ganitong hayskul pa lang ay mulat na tayo eh, daig natin mga klasmeyt natin!”
“Hay. Eh, hayaan na natin yang rali-rali sa mga matatanda, tutal matatanda din naman ang gumagawa ng problema. ‘Wag na natin pakielamanan ‘yan.”
Ang lakas ng tama sa akin ng huling pangungusap ni Eric. “‘Wag na natin pakielamanan ‘yan,” wala man lang “muna”; ang sarap sagutin, barahin, patunyang mali!
“An-“ naputol ang pangontra ko.
“Ikaw talaga, obligado ka lang sumama dahil sa NGO mo’ng ina, mangdadamay ka pa! Hehe,”
“Ah, haha.”
Nakalabas na kami ng sarili naming cubicle at hinihintay ko na lang s’yang mag-ayos ng buhok nang napagpasyahan kong ituloy ang naudlot kong sagot, “Pero ‘di nga, importante din kaya sa atin yun. Kung ipapaubaya natin ‘to sa kanila, ano pang magiging kontribusyon natin? Eh, tayong mga estduyante at anak din naman ay naapektuhan ng problema. Hindi mo ba naiisip, kapul din tayo sa mga nangyayari! Hindi mo ba nami-miss ang mama mo na kinailangan pang mag-DH? Hindi ka ba naiinis sa tatay mong karpintero dahil hindi ka mabilhan ng PSP? Ako nga naiinis din eh! O kaya eh may natututunan ka ba sa ala-sardinas nating kondisyon sa klasrum? Eh di ba mabaho pa yung katabi mong si Michael? Sa dulo, sa ‘tin ang bagsak. Ayaw mo man lang bang ipakita yung inis mo? Ipagsigawan sa-“ biglang naputol ang momentum ko dahil bumukas ang ikatlong cubicle. At mula doon ay lumabas ang isang bata na lumapit sa ‘kin, sa may pinto. Siguro’y napansin niyang nakatingin kami sa kaniya o sadyang pinlano niya na mang-asar sa sinabi niyang, “Pinagsasabi mo kuya? Mag-DOTA na lang kayo!” bago siya tumakbo paalis. Nagdulot naman ito ng mahaba at malakas na tawa mula kay Eric. Buwisit na bata ‘yon…
‘Rinig ko na naman ang ingay kanina sa canteen; mistulang lumipat lang ito sa aming klasrum. Kahit na kanina pa nagsimulang magsasalita si Ms. Agliam, kasabay ng buong klase, ay hindi pa rin ako mapakali dahil ayaw talaga akong samahan ni Eric at wala siyang paki; hindi ako susuko! ‘Di nagtagal, dahil sa kawalan ng ideya, o sa paggiging desperado ay nagsulat ako ng mensahe para kay Eric sa isang pahina sa luma ko’ng “Save the Earth” notebook, imbes na kopyahin ang “ass.” daw namin. Pagkatapos kong pilasin ay tiniklop ko ito sa kalahati ng apat na beses, para hindi mabasa ang laman, kahit na alam kong sa paglalakbay nito ay may magbubukas din sa kanyang iba. Ipinapasa ko na ito sa iba pa naming kaklase para ito’y makatawid ng dalawang rows mula sa inuupuan ko, patungo kay Eric, sa harapan. Ang nakasulat: “Hoy, Eric. Sumama ka na bukas kung ayaw mong ipagsigawan ko sa buong kalawakan na crush mo si _____! Sige, umayaw ka pa’t isusulat ko na siya sa susunod!” na may kasamang drowing ng diablong tumatawa; tama, blackmail ang huling paraan ko. Pagkabalik sa akin ng papel ay binasa ko ang “Bahala ka,” na tugon niya na may kasama ding drowing, poker face naman. Natawa ako ng mahina bago ko isulat na “Tsk, sumama ka na kasi, kahit mga isang oras lang tayo dun, libre naman pamasahe at may jeep na aarkilahan daw. ‘To naman, minsan lang naman kita yayain nang ganito, ‘di ba?” sabay drowing ng smiley bago ko ipapasa ulit. Kaso, pagkatapos kong maipasa sa mga kaklase namin yung papel, ay tapos na din pala ang klase at nagsisilabasan na silang lahat. At dahil wala naman silang paki sa papel namin, ay mukhang binale-wala at itinapon na nila ito sa pula naming sahig, kasama ng ibang kalat na hinahangin ng dadalawang bentilador sa klasrum. Naging kalat lang papel ko at bigo pa rin ako.
“Yehey!” ang narinig ko mula kay Eric pagkatapos na pagkatapos nang mahigit isang oras naming paglilinis sa buong kwarto, kami kasi ang nahuli sa mga lalabas kaya napagtripan kaming paglinisin ni Ma’am. Ngayon ay pwede na kaming maglakad pauwi, dahil mag-kapitbahay naman kami, araw-araw kaming magkasabay. Malapit lang ang klasrum namin sa kinakalawang na gate, pero bago pa man din kami makalapit doon ay tinawag si Eric ni Joana, ang pangalang dapat na nakasulat sa blanko kanina.
“Oh, bakit, Joana?” tanong ni Eric na halatang nahihiya.
“Ano, bili ka naman nitong tickets ko, limang piso lang isa. Kasali kasi ako sa “Beauty Contest” nitong baranggay eh, bukas na ang deadline. Sige na, mabait ka naman eh…” naman ang naging sagot ni Joana habang nakangiti ang kaniyang bibig at mga mata.
At ano pa nga ba ang ginawa ni Eric? Bumili siya. Sampung piraso, kasabay ng pagbili niya ay ang pagkaubos ng isang linggo niyang baon. Naglulundag sa tuwa si Joana, na nagpatalbog sa malulusog niyang suso, na kanina pa tinititigan ni Eric, at niyakap pa nang sandali si Eric - na abot buwan naman ang ngiti. Bago siya tumakbo paalis, ay inimbitahan din niya na manood si Eric bukas sa Coronation dahil sasayaw silang mga kalahok ng Wonder Girls. Tinugunan naman ito ni Eric ng isang buong pusong pag-tango kasabay ng masiglang “Syempre, naman!” Sa puntong iyon ay bigla na lang nablanko ang utak ko at hindi sinasadyang sambitin ang, “Puta…”
[July 2009, for an organization's application process, first work ever published!]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 9:49 PM
+ + +
0 Komento:
Mag-post ng isang Komento
<< Home