Akdaan | My Brute | Read One Piece! | Blogger Profile

Biyernes, Oktubre 23, 2009

Buti pa Ako

“Bakit gising ka pa?” ang tanong ko sa aking sarili habang pinapanood ang pag-blink ng “:” sa black and white na screen ng Nokia 1100 ko. 04:08 na daw sabi nitong “24-hour” na orasang nagsisilbing screensaver. “Kasi nag-kompyuter ka lang buong gabi, kaya ngayon, nagka-cram ka sa paggawa n’yang reaction paper mo.” naman ang agad kong sagot. ‘Yon di ‘ata ang sagot ko noong nakaraang madaling araw, at nung madaling araw bago ‘yon.

Gusto ko na rin sanang matulog, pero bukod sa reaction paper na pwede ko pa namang ipagpabukas, ay naiirita ako sa butas nitong bed sheet ng kutson kong walong taon ko nang tinutulugan. Lumulusot yung paa ko at lumalaki lang yung butas, nakakatamad namang palitan pa ‘to at mag-ayos ng higaan. Ang tigas pa nitong mga unan ko. Ang kati din sa batok nung pillow sheet nila, parang may tuldok-tuldok; humulmol ata ang tawag dun. Dagdag pa ang sadyang kainitan ng panahon na nagdudulot ng patak-patak na pawis sa likod ko. Ayaw naman kasi ng aking mga magulang na ipa-erkon ang bahay, kaya’t kahit na naka-number three na ang electric fan sa kwarto ko, at nakahiga lang naman ako, ay pinagpapawisan pa rin ako.

At parang napagod sa kakareklamo ang utak ko, kaya sapilitan na akong pinahibing ng antok.

Kinabukasan ay nagising ako sa lakas ng T.V. ng kapitbahay, rinig na rinig ko ang boses ni Willie Revillame habang kumakanta s’ya sa Wowowee. Nagdadalawang isip pa akong bumangon kahit na alas dose na ng tanghali, wala naman kasi akong lakad ngayon, at wala naman akong ibang kasama sa bahay.

Wala akong ibang kasama sa bahay, yes, pagkakataon na para kumilos ng walang bawal! At dahil sa realisasyong malayang malaya ako ngayon, ay inangkin ko na naman ang laptop ng aking ina, binuksan ang router, nagbukas ng cereal, nilabas ang gatas, kumuha ng mangkok at kutsara, at nag-almusal habang nagfe-facebook. “Ansarap mabuhay.” bulong ko naman sa aking sarili.

Sa pagtingin-tingin ko sa mga pinost ng mga kaibigan ko ay nakita ko ang isang bidyo mula sa isang dati kong kaklase, “Google’s Office” ang title. Naintriga ako, kaya’t pinindot ko ang tatsulok na buton para i-play ito. At habang nasasaksihan ng aking mga mata ang libreng-mamahalin-dapat na mga pagkain, libreng masahe, libreng gym, libreng kotse, at ala-playground na kapaligiran na tinatamasa ng mga empleyado ng Google, ay sabay na gumuho ang masayang timpla ng araw ko. Biglang bumagal ang internet sa luma na palang laptop, at biglang kumunat ang hindi naman pala masarap na cereals.

Sabi nga, “there is always someone out there better than you.” Bwisit, bigla na din tuloy pumanit ang restaurant ko sa Café World, biglang humina ang karakter ko sa Mafia Wars, biglang nabulok ang bukid ko sa Barn Buddy, biglang lumiit ang utak ko sa Who Has The Biggest Brain?, at bigla ako naging mumurahin sa Friends For Sale.

At bigla na ding uminit, kaya’t ninumber three ko na itong elektripan na puro alikabok, bago magtype muli para dito sa reaction paper…

Tungkol sa relief operation sa Montalban, noong Oktubre 10, dapat ‘tong reaction paper ko. Tungkol sa pagbyahe namin ng halos dalawang oras, mula sa UP-Diliman hanggang sa nasabing lugar, sa tuktok ng isang garbage truck; sa kaba na naramdaman namin habang tumatawid sa mahabang tulay na gawa sa halo-halong kahoy; sa ganda ng biak-na-bato na pinaghihiwalay daw ni Bernardo Carpio; sa mga larawang kinuha ng masasaya kong kasama; sa mga puting bato na mas malaki pa sa tao; sa sobra-sobrang init na naranasan namin; sa sayang dulot ng bagong karanasan namin.

Sa totoo lang ay hindi ko naman ginustong sumama sa relief operations nung una. Sino nga naman ang gugustuhing gumising na madaling araw, magbyahe papunta sa malayong lugar, magbuhat ng mabibigat na bagay, para lang tulungan ang mga taong ni hindi mo naman kilala? Si Mother Theresa, malamang. Pero ako, na hirap gumising ng maaga, sanay matulog sa byahe, at halos walang kakayahang magbuhat ng mabibigat na bagay, ay hindi. Nag-positive thinking na lang ako na magiging masaya ang karansan na iyon, para hindi ako tamarin dahil kailangan s’ya sa Hum 1. Inisip ko na dahil kasama naman ang blockmates ko, ay parang bonding na rin ‘yon, dahil kasama naman ang crush ko ay oras na para magpasikat, na dahil libliba ng lugar ay maraming kakaibang tanawin ang makikita, na magiging masaya dahil kakaiba.

Hindi pala.

Nagbago ang lahat nang makapunta na kami sa sira-sirang Chapel na nagsisilbing sentro ng relief operations. Dinaanan namin ang makapal na pila ng mga tao, sa ilalim ng nagbabaga at tirik na araw. Isa ako sa mga naatasang mag-interbyu sa mga ri-relief-an (para daw sa documentation), kaya’t agad naman kaming nagsimulang magtanong-tanong gamit ang mga questionnaire na binigay sa amin.

Marami ang nawalan ng mga tanim na saging, o kamoteng kahoy dahil tinangay ito ng putik, tinabunan; ang naubusan ng maisusuot na damit dahil naputikan din ang mga ito o inanod na sa kawalan; ang nasiraan ng mga gamit pangkain; mga nasiraan ng mga notebook o mga libro; at ilang nawalan ng bahay mismo. At sa bawat sagot nilang mga nasalanta, ay unti-unti akong nakabuo ng awa sa aking sarili…

Para pala akong tangang reklamo nang reklamo; sa butas na bed sheet, sa makunat na cereals, sa lumang laptop, sa kawalan ng erkon, at sa pagtulong mismo. Nakakaawa ako at ni hindi ko binibigyang halaga ang mahahalagang bagay na meron ako, at na may gana pa akong magreklamo. Nakakaawa ako dahil sa kabila ng trahedya nangyari, ako na hindi naman nito naapetuhan, at may kakayahang tumulong ay puro luho pa ang iniintindi.

Hindi naman kailangan ng awa, ng motibo, o ng kapalit, para lang tumulong. Simple lang naman: Kailangan nila ng tulong at kaya mong tumulong, ‘di tumulong ka. Hindi yung pupunan mo lang ang luho mong hindi mo naman talaga kailangan, hindi yung magbabasa ka ng kung ano-anong pocket book para kiligin at umasa sa mga pantasya; hindi yung magda-download ka ng mga pelikula para umasa na kaya mo rin yung ginawa ng bida, dahil bida ka din; hindi yung manonood ka ng kung ano-ano para mainggit sa luhong natatamasa din ng ibang tao.

Luhong natatamasa ng ibang tao, tulad sa “Google Office.” Libo-libo ang opisina ng Google, at lahat ay magarbo at may kanya-kanyang pakulo para punan ang sari-saring luho ng kanyang mga empleyado. Kung kalahati man lang sana ng ginastos para dito ay naipamahagi sa mga nangangailangan…

Hindi ito inggit dahil mas maganda ang buhay nila kaysa sa akin. Ito ang solusyon.

Sigurado akong hindi pa sapat ang kakaunting tulong na naipamahagi namin sa Montalban, pero sana, matanto din ng mga kapwa ko may kakayahang tumulong, o nang ibang kayang solusyonan na mismo, ang obligasyon naming tumulong. Sana maisip nating lahat na “there is always someone out there, in a worse situation than you.” At sana kumilos tayo para mawala ang pagkaka-ibang ito, para mawala ang “better” at ang “worse.”

Malamang sabihin mo na pangit ang sanaysay na ito, buti ka pa nga, nababasa mo ‘to.


[October 20 - 21, 2009, reaction paper for Hum 1]

Mga etiketa:

pinost ni: Nolram Ateug nang 4:39 PM

1 komento

+ + +

Linggo, Oktubre 18, 2009

Trust

Sabi mo ika'y may supot,
na sa ari mo'y pambalot.
Sabi mo ay ayus lang,
kaya't 'di na 'ko naglagay ng harang.

Ikaw ay nagmadali,
at pagkalipas lang ng sandali,
sa maliit kong katawa'y pumasok,
ang likido mong mapusok.

Ako ay nabigla,
at agad napaluha.
Sinisisi mo ang supot,
pero trahedya'y 'di na mababaluktot.

Tulong mong pinangako,
nasaan na? Naghihintay ako.
Sa sarili, ako na ang nag-ahon.
Nasaan ka sa ganitong panahon?

[October 17, 2009, requirement for Hum 1]

Mga etiketa:

pinost ni: Nolram Ateug nang 3:19 PM

0 komento

+ + +

Huwebes, Oktubre 15, 2009

Palusot sa Pagpupuyat

“Psst!” Ayan na naman ang nakakairitang sitsit ng aking ina. Na kahit isang palapag ang pagitan namin, ay napuputakti pa rin ang malalaking kong tenga. Para s’yang alarm, mas nakakagising pa nga kaysa sa alarm.

Gusto na n’ya yata akong patulugin o gusto lang n’yang makatulog na. ‘Rinig din kasi sa kwarto nila, sa taas, itong ingay ng T.V. na dumadagdag pa sa ingay ng aking amang humihilik. Ako naman, dito sa baba, ay hinihintay matapos ang alam kong maikling mga patalastas. Habang pilit hindi iniintindi ang makabasag taingang sitsit galing sa taas.

At naubos na ang mga patalastas, balik sa i-Witness. Ang dokumentaryo nila ngayon ay “Don’t English Me!” ni Howie Severino, tungkol sa kung ano ba ang dapat wikang panturo. Matagal ko na itong inaabangan(mga tatlong araw ata), hindi dahil sa interisado akong maging parte ng kahit na anong ilegal na kalakalan, kundi dahil gusto kong malaman ang tunay na kalagayan ng lipunan. Isang kaalaman na hindi ko makukuha sa panonood lang ng mga telenobelang mas maagang ineere.

Mga telenobelang mas maagang ineere, yan ang Darna, Stairway to Heaven, at Rosalinda. ‘Yan din ang panahong pinapapahinga na muna namin ang T.V., dahil alam na naming wala kaming mapapala, o baka mainis pa nga kami, sa mga palabas na iyon. Mga palabas na masasabi kong perpektong depinisyon ng salitang “cliché.”

Bakit?

Una, laging happy ending. Kahit na ilang dekada nang walang kumunikasyon, ilang libong milya ang layo, at ilang daang tao na ang nakilala, ay magkikita, maaalala, at magkakatuluyan pa rin ang mga bida, anumang mangyari. O kaya naman ay iskwater ang babae, at anak ng pinakamayaman at pinakamakapangyarihang kontrabida ang lalaki, o vice versa. Sa katapusan, biglang yayaman ang isa sa kanila o tatanggapin na lang ng mga kontrabida ang lahat. Ganyan din ang timpla kapag pangit ang isa sa mga bida, magpaparetoke na lang s’ya at tapos na ang problema! Minsan naman, pinaghahalo-halo, pero ganun pa rin ang ending, “and they lived happily ever after.”. Sa huli, pinaaasa nila ang mga manonood sa mga pantasyang point zero zero zero something ang posibilidad na mangyari. Sinasaksak din ng mga ito sa utak nating mga manonood na kailangang maging maganda o gwapo para lang magkaroon ng makulay na love life. Na lahat ng pangit ay kontrabidang walang kaluluwang pagsasagaran ng kasaman, o ekstrang binabatuk-batukan lang para may mapagtawanan.

At ikalawa, lahat sila ay tungkol sa “wagas at tunay na pag-ibig,” soul mate, tadhana, at “love conquers all.” Kumbaga sa pagkain ay nakakaumay na. Ito’t ito ang lang ba ang interes ng mga Pilipinong manonood?

‘Di ba’t makabayan ang mga Pinoy? Marami ngang nagsusuot ng mga t-shirt, sando, short, cap, jacket, bag, sapatos, burloloy, at kung ano-ano pang may three stars and a sun. Ibig sabihin, handa ang Pilipino na… makisabay sa uso. Kailan ba nauso yang three stars and a sun? At kalian namatay ang nagpasimuno ng ganyang design? Ibig sabihin ba ay maituturung ng bayani si Francis Magallona dahil napukaw n’ya ang pusong pagkamakabayan ng masang Pilipino?

Ganito kamakapangyarihan ang mass media. May isang celebrity lang ang namatay, at kumalat na sa buong Pilipinas ang kanyang negosyo. Kung sino-sino na ang nagtatak ng three stars and a sun kung saan-saan. At katulad ng mabilisang pagsulpot ng piniratang t-shirts na ‘to ay ang dalian din pagkabura ng mabuting intension ng Master Rapper. Marahil nga’y makabayan naman talaga si Francis M., batay sa mga kanta n’ya, pero hindi ito ang nakikita ng karamihan. Nag nakikita lang natin ay astig, cool, maganda, sosyal, at uso ang mga patriotic t-shirts n’ya. ‘Yun lang kasi ang pinapakita sa T.V., mga gwapo’t macho o maganda’t sexy na artista pa ang nagsusuot sa kanila. Kakaiba nga naman, bandila sa t-shirt, pero hindi naman pinalabas sa T.V. ang mga kaakibat na obligasyong moral sa pagsusuot ng bandila… Maski nga ako ay naakit at ginustong bumili ng kahit isa man lang sa mga gano’n(lalo na yung mukha ni Rizal na niretro). Pero nang makita ko, sa paglipas lang ng ilang araw, ang unti-unti pagbabago ng kaastigang dala ng pagsuot nito, patungo sa pagiging nagpapaka-patriotic at nakikisabay sa uso, ay sinuka ko na ang kagustuhang makapagsuot nito. Bukod pa sa wala akong pera.

Kawalang ng pera, yan ang nagtulak kay Kodi na tanggapin ang trabahon alok ni Cholo kahit na pinagbawalan na s’ya ng kasintahang si Tristan – paalala ng kapatid kong pilit binubuhay ang usapang telenobela sa bahay. Kahirapan, isang konspeto lalo lang pinalalabo ng mga telenobela. Hindi ba’t kapansin-pansing dadalawa lang ang uri sa nobela? Kung hindi nalulunod sa sobrang kayamanan, ay lumulutang na parang bangka sa sobrang kahirapan ang mga karakter. Lalo namang kapuna-puna na hindi binabanggit kung bakit nga ba mahirap sina Jodi at Tristan. Dahil ba ninakawan sila? O dahil walang pamana si Tristan? O dahil tinakwil si Jodi? O simpleng dahil nagtanan sila?

None of the above. Hindi ako sigurado kung ito ang tamang paliwanag, pero malinaw para sa akin na hindi lang sina Jodi at Tristan ang naghihirap sa paligid nila; pati nga mismo ang best friend ni Jodi ay mahirap. Ibig sabihin, may mas malawak at mas malaking dahilan kung bakit naghihirap ang mga cliché na tauhang ito. At kung anuman ‘yon, ay hindi ko pa kayang ipaliwanag ng tuwiran.

Kaya ako nanonood ng mga dokumentaryo tuwing gabing mag-uumaga Kulang pa kasi ang kaalaman ko, nauuhaw ako. Kulang pa ang kamalayang political, praktikal na kaalaman, kamulatang pangkalikasan at kasanayang panlipunan ko. Ito ang mga bagay na sa tingin ko ay mas karapat-dapat pagtuunan ng pansin at oras kumpara sa “love conquers all.” Mga bagay na may kabuluhan…
Hindi ba’t mas may kabuluhang malaman na nauubos na ang Philippine Eagle at Philippine Crocodile kaysa na mahal na mahal nina Rosalinda at Fernando Jose ang isa’t-isa, naa kulang-kulang ang mga gamit sa pampublikong paaralan, ospital at opisina kaysa na mahal na mahal nina Narda at Eduardo ang isa’t-isa, na sa sobrang kahirapan ay maraming paslit ang napipilitang magtrabaho, kaysa na mahal na mahal nina Jodi at Cholo ang isa’t-isa? Nakakarindi, bukod sa paulit-ulit ay wala namang saysay. Samantalang ang mga bagay na nangyayari sa paligid natin, mga bagay na s’yang dapat nating pinagchichismisan, ay hindi nabibigyang diin, nasa likod, sa hulihan. Itong mga bagay na maar pa ngang makatilong o makapagpamulat sa atin.

Pagkamulat, yan ata ang tawag sa naranasan ko nang mapanood ko ang “Don’t English Me!” Tinatalakay nito kung epektibo nga ba bilang“mode of instruction” ang Ingles. At sa huli’y pinakita nito kung gaano kabaluktot ang pagiisip na kung magtuturo ka ng isang asignatura gamit ang Ingles ay gagaling sa asignaturang iyon at sa Ingles ang tinuturuan mo. Dati pa naman ako naniniwalang hindi dapat itulak na Ingles ang wikang panturo, pero mababaw o malabo ang dahilan ko: dahil Pilipino ang pambansang wika natin. Pero dahil sa award-winning na dokumentaryong ito, ay nakita ko na mas epektibo nga kung ang wikang alam ng magaaral ang gagamitin sa pag-aaral. Na hindi lang sa simpleng simbolismo na dahil wikang pambansa ang Pilipino nakaipit ang kabaluktutan ng pagtuturo sa Ingles. Nagbigay kasi si Howie ng mga konkretong halimbawa, ang Lubuagan Central Elementary School. Sa paaralang ito ay ang wikang lokal nila ang wikang panturo. At nabigla ako nang mabaybay ng isang batang anim na taong gulang ang salitang “astronaut,” nang halos walang kahirap-hirap, samantalang ang hayskul na taga-Maynila, kung saan Ingles ang wikang panturo, ay napatanga na lang ng sya ang pagbaybayin. Ang galing.

Ang galing, kahit na antok na antok na ako at may klase pa ako sa loob na lang ng halos siyam na oras, ay natuto ako. Kahit na mahalata sa klase ko, nang alas-otso ng umaga, na apat na oras lang ang tulog ko, may natutunan ako. Kahit na pagkauwi ko ay babangagin na naman ako sa sermon, natuto naman ako.

Bakit ba kasi kung ano pang gusto kong palabas ay s’ya bang panghuli?

Ewan. Wala rin naman akong magagawa para baguhin ‘yon. Masyadong malaki ang mga kumpanyang ‘yan para magreklamo ako. At kahit na magreklamo ako, kahit na ipa-imbestiga ko it okay Mike Enriquez, ay hindi naman ako papansinin. Abala sila sa pagtatrabaho, sa pagkita.

Kapangyarihan, yan ang hawak ng telebisyon. Sobra-sobra at umaapaw na kapangyarihan. Kung ano ang ipalabas nila ay s’yang paguusapan ng buong Pilipinas, kung anong hindi, ay s’yang hindi natin makikita.

Nito lang ay marami ang natuwa kay Richard Guiterrez dahil nagsilbi s’yang tagapagsalba ng buhay ng Philippines Number One Sexiest, Cristine Reyes. Pinakita sa 24 Oras kung gaano kahirap ang naging sitwasyon ni Cristine sa tuktok ng kanilang bubong habang giniginaw, nagugutom, at kasama ang lola n’yang hindi marunong lumangoy. Sinubaybayan ng taumbayan kung paano sinubukang tangayin ng malakas na hangin ang nakaupo at kaawa-awang si Cristine. Hanggang sa dumating ang isang napakaganda at nakakakilig na balita: Richard Guiterrez, niligatas si Cristine! Dumaundong sa buong Pilipinas, at hanggang sa Washington Post ang balitang ito. Marami ang nagpasalamat, nabaitan, at humanga kay Richard dahil sa pinamalas n’yang katapangan sa pagsuong sa rumaragasang daloy ng baha gamit ang hiniram n’yang speed boat, para maialis sa peligro ang kanyang kaibigan. Nagulat pa raw si Cristine ng Makita n’ya ang poging mukha ni Richard, hindi daw n’ya inakalang ililigas s’ya nito. Nakakakilig daw sabi ng kapatid ko. Pero, hindi binalita na dapat ay naligtas na si Cristine tatlong oras bago pa dumating si Richard, at tumanggi lang ito dahil nga hinihintay nya si ‘Chard. Halos walang nakaalam nito. Na pinlano ang lahat bilang gimik sa pelikula nilang Patient X. Scripted, pati ang pagsasabi ni Cristine na nagulat s’ya kay Richard. Bukod pa dito ang naging kadamutan ng aktor sa pagligtas ng iba pang na-stranded sa paligid. Ang pamilya lang kasi ni Cristine ang niligtas n’ya, at kahit na maari naman n’yang ipahiram man lang ang speedboat kung ayaw na n’yang makipagsapalaran para sa mga taong hindi naman n’ya kilala, ay hindi n’ya ito ginawa.

Salamat na din sa ginawa n’ya, kahit papano’y nakatulong s’ya.

Ang napakaganda, napakasexy at napakamabait na si Angel Locsin din ay nagpupunta sa mga relief mission. Nagpupunta s’ya sa mga liblib at mapuputik na lugar nang naka-shorts at sando. Nagbigay s’ya ng limandaang libong pisong donasyon sa Gabriela Women’s Party at lahat ng ito ay lingid sa kaalaman ng nakararami. Hindi naman kasi nababalita. Ang pinapakita sa 24 Oras, Saksi o TV Patrol ay mga artistang nasa sementadong relocation centers habang naka-long sleeves. Ang binabanggit lang ay ang mga nagdo-donate sa Kapuso o Kapamilya Foundations. At hindi lang si Angel ang may ganitong kalagayan, marami din sa mga party list ang tumutulong nang walang media coverage. Mga party list na napagkakamalan pang hindi tumutuolng sa gitna ng sakuna at kinagagalitan pa ng iba.

Dinidikta ng mass media ang kamalayan natin. Kung anong gusto nilang ipapaniwala sa atin ay s’yang ating tatanggapin. Napakalaki ng papel nito sa buhay nating lahat. At hindi ginagamit ng institusyong ito ang dapat n'yang gawin. Sa nakikita naman natin, hindi tayo minumulat ng mga palabas sa T.V. sa buong katotohanan, puro pantasya, kunmg anong maganda't masaya ay s'yang ipalabas.

Lalo na sa mga patalastas. Marami nang mas kontrobesyal na patalastas na sobrang lantaran ang pagsasaksak sa utak nating kung ano-anong kaisipan. “Isa higit sa dalawa,” yang linyang yan mismo ay ginamit sa patalastas. At maski yung nanay ng bata ay kinakanta yan. Sapilitang pagpapasok ng baluktot na kaisipan. Pati ang toyo na naglalakbay ang aroma. Lahat ay mali at walang katotohanan. Kadalasan pa ay gumagamit ng maskara, “samahan ang pamilya sa pagkain, ng healthy Pancit Canton.” Grabe. Sobrang in-eextend ang katotohanan sa puntong nagiging kasinungalingan na.

Sa lahat nga naman ng pila ay laging may nahuhuli. At sa kasong ito, nasa dulo ang mga kailangang panoorin. Nasa harapan at gitna ang mga pantakas natin sa katotohanang magulo at hindi perpekto ang buhay ng tao.

Siguro kaya nila nilalagay sa unahan ang “love conquers” nilang mga palabas ay dahil marami umanong nanood. Kumpara sa mga dokumentaryong kanina ko pa sinisingit.

Anong oras na uli pinapalabas ang simula ng set ng mga telenobela nila? Alas-siete ng gabi. Alas-sais ng gabi naman ang tinatawag na rush hour, ang halos sabay-sabay na uwian ng halos lahat ng mga opisina...

Wala na palang nakakapagtaka kung bakit madaming nanonood ng mga telenobela, pano ba naman ay sakto lang pagka-uwi ng mga tao.

Samantalag mga dokumentaryo ay ala-una ng madaling araw nagsisimula. May gising pa ba no'n? Meron, mga call center agent at mga taong katulad ko. Kami na di hamak na maliit ang bilang kumpara sa mga saleslady, government office worker, karpintero, kartero, taga-bantay ng stall, at estudyanteng maaga natutulog.

Hindi na nakapagtataka na marami nga ang nanonood sa mga telenobela, kahit na cliché na cliché na cliché ang mga kwento nito. Kahit na nakakaantok lang manood nito. Kahit na sawang-sawa na ang tao na mahulaan kung ano ang susunod na mangyayari sa bawat twist nila sa kwento. Hindi na nakakapagtaka.

Pero ako, bilang isang batang may pakielam sa lipunan at sa aking paligid, ay patuloy na magpupuyat para lang mamulat ng mamulat.

“Psst!” ayun na naman ang sitsit ng aking ina na mukhang bababain na ako. Kaya't umakyat na lang ako dahil ang pinakahuling palabas na lang rin pala ang pinapalabas sa T.V., ang Lupang Hinirang. At bigla nang naglaho ang mga umaalong tatlong bituin at isang araw sa ating bandila kasabay ng pagpindot ko ng “Turn off.”


[October 13 - 15, 2009, final paper for Fil25, Timpalak Panitik entry]

Mga etiketa:

pinost ni: Nolram Ateug nang 8:37 PM

0 komento

+ + +

Linggo, Oktubre 11, 2009

Ang Mabakal ng Nagtuturo sa Ingles

Each Filipino surely knows a minimum of about 20 English terms (excluding English numbers), and supposedly know how to use them. We are also regarded as good English speakers compared to other countries. Moreover, being a call center agent, these days, is one of the best jobs out there, and it requires English fluency. Almost all of road signs and other notices are in the English language. Even television show titles, band names, product brands, school books, and company names are widely in English. Plus, never forget that English fluency = intelligence. So does this mean that if we teach in English, the next generation will be more intelligent?

Syempre hindi. Ang paggamit ng Ingles bilang panturo sa kabataang Pilipino, para humusay sila sa naturang wika, ay isang malaking kabalintunaan. Para ka na ring isang ibon na nagtuturo sa isang pusa kung paano lumipad, habang humuhuni. Sa madaling salita, malabo.

Isang mahusay na halimbawa nito, ay ang isang eksena sa pagitan ng isang tutor sa Algebra at ng isang tipikal na hayskul. May takda yung estudyante tungkol sa pagkuha ng value ng “x.” Paulit-ulit sinasabi ng tutor na kailangan n’yang “i-transpose” ang lahat ng “constants” sa isang panig ng equal sign at ang lahat ng “variables” sa kabila. At paulit-ulit na kamot sa ulo lang din ang nagiging tugon ng estudyante, hindi nagsasalita at nakayuko. Ang tutor naman ay malapit ng mainis kaya’t naisigaw n’ya sa tagalog ang kanyang panuto: Ilipat mo lahat ng konkretong number dito at lahat ng letra dito! Pagkarinig nito ay mabilis nang nasagutan ng magaaral ang takda.

Pinapakita lamang ng insidenteng iyon ang dobleng hirap ng sabay na pag-aaral ng aralin at ng wikang panturo. Dahil sa hindi pa gamay ng mag-aaral ang wikang Ingles, o anumang wikang dayuhan na gagamitin sa pag-aaral, ay mas mahihirapan s’yang intindihin ang kanyang guro.

Hindi naman kailangan na Tagalog ang wikang panturo sa buong Pilipinas. Ang importante ay na kung ano ang gamay na wika ng mga magaaral ay s’yang dapat gamitin, at ang wikang ito ay ang wikang lokal. Natural lang na sa wikang alam ng bata s’ya mas may maiintindihan at matututunan. Hindi ito tungkol sa kung aling wika ang mas sikat o mas kailangan, ang tanong ay kung saang wika mapapadali o magiging mas epektibo ang edukasyon. Ang mga Pilipino ay Pilipino. Filipino ang pangunahing lenggwahe natin, “mother tongue” sa wikang banyaga. Kaya, sa wikang ito, ang Filipino, mas maiintindihan at mas makakapagpaintindi ang mga estudyante at gurong Pilipino.

Kung ang gusto lang din naman ng gobyerno ay ang pagalingin ang Pilipino sa universal language, sa pagpasa nito ng batas na Ingles dapat ang wikang panturo, ay ito rin ang pinakamabisang paraan. Ang Ingles naman kasi ay isa ring asignatura, at tulad ng matimatika, siyensya, kasaysayan, atbp., mas madali itong maiintindihan ng mag-aaral kung kabisado na n’ya ang sarili n’yang wika. Kumbaga, hindi ka matututong tumakbo hangga’t hindi ka sanay maglakad.

Ang magandang patunay naman na magiging matagumpay ang ganitong sistema (na wikang lokal ang wikang panturo) ay ang dokumentaryo ni Howie Severino na “Don’t English Me!” Pinakita n’ya dito ang sitwasyon sa Lubuagan Central Elementary School, kung saan wikang lokal ang wikang panturo. At hindi kagulat-gulat na mas mahusay pa ang mga elementarya nitong magaaral kaysa sa ilang hayskul, na taga-Maynila, sa wikang Ingles.

Ang wika ay isang napakainportanteng aspeto sa pagtuturo, at sa kasalukuyang naghihingalong kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas, sikapin sana nating gawin ang lahat ng paraan para mapabuti naman ito. At isang napakagandang simula ang paggamit sa wikang maiintindihan natin parepareho.

Right?


[October 9 - 11, 2009, final paper for Kom 1 (persuasive essay)]

Mga etiketa:

pinost ni: Nolram Ateug nang 8:00 PM

0 komento

+ + +

Lunes, Oktubre 5, 2009

Blankong Papel

Ano ang dapat 'kong gawin?

Paano ko ito tatapusin?

Sino ang pwedeng tumulong sa akin?

Ilang isip pa ba ang aking pipilitin?

Kailan kaya ako may maihahain?

Saan ako dapat hindi kulangin?

Bakit hindi ako sipagin?!


[October 3, 2009, product of having no ideas for requirements]

Mga etiketa:

pinost ni: Nolram Ateug nang 1:36 PM

0 komento

+ + +

Biyernes, Oktubre 2, 2009

artsandsciencesgallery.com

Ilang oras na lang bago mag-tanghalian nang makarating ako sa Uste. Nagmamadali kong nilakad ang covered walk para makarating sa puso ng pa-krus nilang teritoryo. Sa harap ng kanilang Main Building, ay ang isang mapag-anyayang pinto. At nakatindig sa gilid nito ang pangit na gwardyang hinarang ako noong nakaraan, dahil naka-shorts at tsinelas lang daw ako. Pwes, naka-maong na pantalon at rubber shoes na ‘ko ngayon. Tignan natin kung mapigilan pa n’ya ‘kong pumasok…

At hindi man lang n’ya ako napansin. Swabeng-swabe ang paglagpas ko sa kan’ya, na parang isang eksena sa telenobela kung saan nagka-salisihan ang mga bida. Para tuloy s’yang ilong na ang tanging trabaho ay papasukin ang mga oxygen, at pigilan ang mga hindi; gaano man kadumi o kalinis. Eh pa’no pala kung may bomba akong dala? Patay na!

Matapos akyatin ang isang hagdang kahoy, na halos tatlong nakahigang maiingay na Thomasian ang lawak, ay nakarating na ‘ko sa kanilang Museum of Arts and Sciences. Pinasok ko ang bukas nitong pinto, dineposit ang luma kong bag, nagbayad ng bente pesos na entrance fee (kahit nakapasok naman na ‘ko), at naghanda nang libutin ang malamig, siksik, at tahimik na museyo.

Sa unang limang hakbang ko pa lang ay ginulat na ako ng liyon, cheetah, St. Bernard, orangutan, at usa na nakaabang sa isang gilid. Napalayo ako at nanlaki ang mga mata, buti na lang at walang nakakita, halos wala naman kasing tao. Mga stuffed animals lang pala sila, buti na lang. Tinext ko na nga lang ang kaibigan kong si “Yen” (hindi n’ya tunay na pangalan), para samahan ako sa araw na ‘yon, tour guide! At habang hinhintay ko s’ya, pinagpatuloy ko na ang paglibot. Wala namang masyadong kakaiba sa mga stuffed animals nila. Makatotohanan ang mga lemur, musang, squirrel, cockatoo at daga na paulit-ulit kong nakita. Teka, may squirrel ba sa Pilipinas? Saka cockatoo? Sa pagkaka-alam ko, wala. Ibig sabihn, karamihan sa mga hayop dito ay imported. Grabe din, pati ba naman stuffed animals, inaangkat pa? Ayus lang sana dahil may tig-isang Philippine eagle, at tarsier naman. Kaso, bakit kaya mas marami ang kopya/piraso ng squirrel, flying squirrel, lemur, flying lemur, cockatoo, (flying cockatoo?)macau, at toucan? Nasa Pilipinas pa naman ako ‘di ba? At bigla nang dumating si Yen. Yep, nasa Pilipinas nga ako.

Katapat naman ng hilera ng dayuhang mga stuffed animals, ay mga estanteng may mga shell. Mga shell, na halos pare-pareho ang itsura at kakaunti lang ang kapansin-pansin. Ang pinakanatandaan ko lang ay yung isang parang maliit na violin at yung isang paikot na shell na ginagamit na halimbawa, ng mga textbook, sa manipestasyon ng pi sa kalikasan. Binaggit ko ito kay Yen, at “oo nga” lang ang naging tugon n’ya. ‘Di ko pa sigurado kung na-gets nga ba n’ya ko. Wala man lang naman kasing nakasulat na kung anong tungkol sa mga shell. Mga codes lang, halo-halong numero at titik na hindi namin maintindihan. Naglagay man lang sana sila ng maikling trivia: “This shell shows pi.”

May mga bato pa sa isang gilid, na hindi ko pa malalamang fossils pala kung hindi sinabi sa akin ni Yen. Hindi halata yung imprints sa karamihan, pero nakakapanindig balahibo yung isa, kitang-kita yung hugis ng bungo ng isang hayop…

Sa gitna naman ay ang pinakamakulay na pwesto sa museyo. Mga origami, paper mache, at mga papel na ginupitan ng sari-saring desenyo (jeep, tao, ibon, mukha ni Cory, atbp.) ang makikita dito, iba’t ibang kulay sila at tunay namang nakakamangha. Maliban pala sa ilang mga paper mache, nakakatawa kasi yung pagkaka-gawa sa iba, parang minadali lang… Nagulat na naman ako nang tinuro sa ‘kin ni Yen ang mga naka-displey na iba’t-ibang hugis ng stainless na gunting, bigla akong nagtaka kung bakit may mga modernong gunting doon. ‘Yun pala yung mga ginamit sa paggugupit nila ng desenyo. “May mailagay lang…” naisip ko.

Kapuna-puna na naman na dayuhang sining ang naka-displey. Ang origami ay mula sa mga Hapon, ang paper mache, sa Gitnang Silangan, at ang paper cutting, sa Tsina, Europa, at Mexico. Bakit kaya hindi paggawa ng pamaypay mula sa abaka, pitakang yari sa palaka, o barrel man ang itampok nila? Walang laman na “Pinoy!”

At, isa pang nakaka-iritang puna, walang mga petsa! Kulang-kulang pa ang mga impormasong nakasulat, yung iba nga wala! Ni hindi kumpleto ang scientific names ng mga hayop, samantalang ang dali-daling i-google nun! Nakakairita, kasi kung ang itsura lang pala ng mga hayop, mas madali, mas malinaw, mas mabilis at libre ko pa yang makikita sa internet.

Hay. Kahit na may hinanakit ako, tumuloy na rin kami sa ikalawang palapag ng museyo(dahil ayoko din namang masayang ang bente ko). Dumiretso kami sa kwarto ng mga religious relic. Puros estatwa o ukit ng mga santo, madre, pari, anghel, ni Maria, at ni Kristo. Kulang-kulang pa din ang impormasyon dito. May mga petsa na (16th hanggang 17th siglo), pero katawa-tawa pa rin ang pagsisikap nilang ipakilala ang ilang di-makilalang estatwa; “A Man Praying, A Man Holding the Bible, o kaya ay A Christian Woman” ang ilan.

Mabuti na rin at may mga petsa itong mga estatwa, naalala ko tuloy na, sa gitna at pagkatapos ng rebolusyon, ay nanatiling Kristyano ang mga Pilipino. Na hindi tulad ng pagsunog ng Espanya sa mga Anito ng Pilipinas, ay iningatan ni Juan si Hesus. Ang espada lamang ng Espanya ang naitakwil, at ang krus ay nanatili. Nandun pa nga yung malaking krus, nakasabit sa gitna nang kwarto, naka-pako pa dun si Kristo. Gusto ko sana hawakan, kaso bawal, may security cameras pa naman daw. Tsk!

Pagkalabas namin ni Yen, na tahimik lang (di tulad ko) dahil bawal nga naman mag-ingay sa loob, ay una naming nakita ang isang malaking armory. Ang itim nitong katawan ay may mga pulang disenyo at mga parteng natuklap na ang pinta kaya kita na ang kayumangging kahoy. Bahagya pa kaming nagtalo kung ano ba ito, mukha lang kasing kabinet. Katapat naman nito ay isang estanteng may salamin na may mga sulat/liham. “Mga publikasyong kulay kape, kakaiba ang alpabeto at lenggwaheng gamit, may kaunting mga punit at… MAY SULAT NG MARKER?! Ano yun?!” Ganyan ang naging takbo ng utak ko pagkakita ko sa “1598” na sinulat gamit ang isang marker sa lumang papel. Sinalamin pa naman nila para hindi mahawakan, tapos sinulatan lang pala ng permanent marker. Grabe, binigay nga yung impormasyong kanina ko pa hinahap, sinira naman yung artipakto.

Ang sumunod na displey naman ay mga sinaunang paso, banga, tasa, at plato. Tig-isang pwesto, na kasing lawak ng isang wide-screen LCD TV, ang mga bansang Tsina, Korea at Japan. Kahit na pinagtagpi-tagpi na lang ang mga paso, banga, tasa at plato nila, kitang-kita pa rin ang kagandahan ng mga disenyo. Sa pwesto ng Japan, may mga manikang mukhang Mongolian Emperors, nakakatakot. Ni hindi nga na naman namin sigurado kung ano ba yung mga manikang yun, o kung mga manika nga sila. Wala na naman kasing nakasulat! Sa pwesto naman ng Tsina, may mga mapa ng mga ruta nila para sa pakikipagkalakal. Ang nakakatuwa sa mga mapa, ay para silang gawa ng bata. Tuwid ang mga linya nito at walang kadeta-detalye. At kung ikukumpara s’ya sa mga mapa ngayon, na eksaktong-eksakto ang pagkakaguhit, o sa mga galing pa mismo sa mga satellite, sa Google Maps, ay malamang manliit s’ya. Anlayo na din kasi ng narrating ng teknolohiya natin.

Sa sumunod na hilera naman ay may mga antigong gamit para sa mga relihiyosong sakramento, mga chalice, krus, baso, bote, at tray. Sa tapat nila ay may baby grand piano, na hindi na naman namin malalamang baby grand piano pala kung wala ditong nakasabit na: “Please ask for assistance when playing the baby grand piano.”

Sa isang gilid naman ay mga sinaunang pera at mga medalya. Ito na ata yung may pinaka-maayos na impormasyon sa buong museyo. May petsa, nakasulat kung saang bansa ginamit, at nakasulat kung bakit ginamit. Nakita namin yung kakaibang kapal ng mga barya at mga medalya, yung mga sinaunang piso, at mga pisong papel na dolyar na dolyar ang istilo. Naalala ko tuloy yung kinuwento sa ‘min ni Prof. Digna Apilado, sa Kasaysayan 1, na “ang pera noon ay dolyar na dolyar ang itsura, magugulat ka na lang pag nakita mo yung mukha ni Rizal.” Si Rizal pa, nabanggit din na mga Amerikano ang naghirang sa kan’ya bilang Pambansang Bayani. Dahil nga payapa, hindi subersibo at kampi s’ya sa mga kolonisador. At kitang-kita ko naman dito ang naging suporta ni Uncle Sam sa kan’ya. May medalya pa para sa ika-isangdaan n’yang kaarawan, nasa pera din s’ya. At si Andres Bonifacio? Ang pasimuno ng rebolusyon na pinag-isa ang buong Pilipinas at nagapaalis sa mga mananakop. Wala. Ni Andres, ni Bonifacio, wala.

“Next!” para rinig kong bulong ni Yen. Kaya minasdan na namin yung susunod, isang upuan. Isang magarang upuan na gawa sa makintab na kahoy, dinikitan ng madisenyo at puting kutson, at inupuan ni Pope John Paul II noong January 1995 nang bumisita s’ya sa Maynila dahil sa World Youth Day. Yan, kumpleto. Edi ang dami kong nabahagi. Itong iisang upuan na ‘to kasi ay may katabing isang estanteng puro impormasyon tungkol lang sa kan’ya lang ang nakalagay. At kahit na kasisimula ko pa lang basahin ang “Please do not touch” na karatula, ay hinaplos ko na ito. Mainit! (joke) Wala namang tumunog na alarm.

Eto na! Ang pinakapaborito kong seksyon sa buong museyo. Ang pwestong nakalaan para sa Pilipinas! (clap, clap, clap, clap) Tatlong pwestong kasing lalaki ng sa Tsina, Korea at Japan ang binigay nila para sa Pinoy! “Masayang masaya na sana ako, pero nanalumo ako nang makita ko ang mga bangang Pinoy. Parang gawa lang ng mga artistang hinamon ng isang reality show. Lala na’t paglingon ko’y tanaw ko ang katapat nitong mga banga/paso na gawa naman sa Tsina. “Worlds apart” ika nga.” Gan’yan na sana ang isusulat ko, bago ko naalala: Aba teka, magkapareho ba sila ng panahon ginawa? Baka naman kaya mukhang amateur ang bangang Pinoy ay dahil ginawa iyon noon pang pre-history. ‘Di tulad ng sa Tsina na pinangangalakal na nila gamit ang mga bangka. Baka naman kaya “worlds apart” ang kalidad ay dahil “ages apart” ang pagitan ng paglikha. Kaya napakaimportante talaga ng mga petsa. Natawa naman ako bigla, dahil sa nakita kong hawakan ng takip ng isang bangang Pinoy na hugis tao. At hindi lang ulo, dalawang braso, at dalawang binti ang nakalawit sa kanya, pati titi nakatingala sa langit! May nabuo tuloy akong teorya tungkol sa pinagmulan ng barrel man ng Baguio…

Sa sumunod na estante naman ay mga gamit pang-digma. Napaka-pino ng mga espada, sibat, at palasong nakasabit. “Mas magaling sila sa bakal” komento ni Yen, na kitang-kitang tunay naman. Iba’t iba ang disenyo ng mga esapada, walang patuwid at simpleg katulad sa mga Romano, at wala ding medyo patagilid na parang katana ng mga Hapon. Ang meron, pagewang-gewang na parang malaking kris, pakurba at makapal na parang malaking itak, at iba pang may mga pinong disenyo ang patalim at hawakan. Pati palaso, kakaiba. Yung isa nga ay pabuka yung dulo, yung tipong pag tinamaan ka, ay hindi ka maililibing na hindi iyon kasama, malabo na kasing mabunot pa nang hindi nawawarat ang katawan mo. May isa ding kalasag, gawa sa kahoy, payat at may disenyong butiki, ang kyut nga. May isa ding “armor” daw, sabi ni Yen. Hugis vest nga, pero mukhang buhol-buhol na kadena.

Naghanap ako dito ng sandatang ginamit noong panahon ng Katipunan. Bolo, itak, o rebolber sana, kaso, wala naman. Puro mukhang (dahil di naman kami sigurado kasi wala paring nakasulat) pre-kolonyal…

Yung sumunod naman ay mga kagamitan sa paghahabi ng tela. May mga tela na may makukulay na pattern, hawig sa mga nasa banig. Yung isa, may mantsa pa na di namin malaman kung dugo ba dahil sa pakikipaglaban, alay, o regla lang. Wala pa rin kasing nakasulat. Pati yung mga kahoy doon na mukhang simpleng tabla lang hindi naming maintindihan kung paano ginagamit sa paghahabi. Kaya tumuloy na lang kami sa huling sulok ng museyo. Pinoy pa rin, mga lumang instrumentong etniko naman. May mga gitara na iisa lang ang string (o iisa na lang ang natira), mga flute, at ang pinakakinatuwaan namin, violin. Buhok ng tao kasi ang ginawang string, pati sa bow. Madami pang ibang instrumento, pero dahil nga sa kawalan ng mga nakasulat na impormasyon, hindi na naman namin malaman kung ano sila, may tabuli ata, saka kalintyaw? Hay. Buti sana kung parang Jollibee ‘to na palaging may pwedeng pagtanungan.

Katabi din ng mga instrumentong di namin matukoy ay ilang mga estatwa/rebultong Pinoy. May isang medyo hugis tao, gawa sa putting bato, at may isang taling buhok ng tao sa tuktok. Nakakapangilabot nga, para itong may sumpang sandaang taon na n’yang hinihintay ipasa. Yung dalawa pang estatwa/rebulto, gawa na sa kahoy na may barnis pa, halatang bago (na tinabi sa mga luma). Yung isa nga ay life-size at mukhang Aeta, payat, kayumanggi (kahoy eh!), kulot, matangkad, at may panaggalang may disenyong butiki.

Pagkatapos, tapos na. Yun na yun. Bumaba na kami sa hagdan, at pinagmasdan sandali ang grandfather’s clock na nakatayo, kunwari meron pa.

Kinuha na namin ang luma kong bag at ang bagong sa kan’ya. At tuluyan ng lumabas sa Museum of Arts and Sciences, na dahil sa halos kawalan ng teksto/impormasyon ay pwede na ring tawaging Gallery of Arts and Sciences. Para lang kasi kaming nag-internet at nagtitingin sa mga litrato, na wala man lang maski caption! Kaya din siguro kakaunti lang ang tao doon, alam nilang mas madali at mura pa kung igu-google na lang nila. Sana lang, hindi ganito ang karamihan ng mga museyo, sana gumagawa sila ng paraan para agawin ang mga mata ng kabataan mula sa mga monitor…

Paglabas namin ay maingay na, kaya nagsimula na din ako ng kwentuhan, “Ano na uli yung P.E. mo?”


[from September 29 to October 1, 2009, reaction paper for Kas 1, make-up essay for Fil 25]

Mga etiketa:

pinost ni: Nolram Ateug nang 2:51 PM

0 komento

+ + +