Pula, Bantay, Buhay
Hindi ko talaga makuhang magustuhan ang Pinoy Big Brother (PBB). Kadalasan tuloy ay natatahimik na lang ako kapag ang pinaguusapan na ng mga kaklase ko ay kung gaano nakakakilig sina Melai at Jason, o kung gaano nakakatuwa si Rika. Hindi ko alam kung anong meron sa mga buhay nila sa loob ng de-kamerang bahay ang napaka-interesante – o siguro hindi ko nga lang maintindihan.
Kahit na yung mga naunag bersyon nito, yung sina Kim at Gerard pa. Hindi ko talaga sila pinanood ni isang beses. Nakilala ko na lang sila nitong naging mga artista/singer/dancer/endorser/model na sila – nung nakakawala na sila mula sa mga kamera sa bahay ni Kuya.
Ang dating nga sa akin ay para silang ikinukulong sa buong panahon nung palabas. Sa totoo lang, literal naman talaga silang nakakulong dahil kapag lumabas sila, mafo-forced eviction (o anumang termino yun) sila, matatalo at mawalan ng pag-asang makuha yung pinangakong mga premyo, at sumikat. Lahat pa ng sulok nung bahay ay may kamera at mic, para talaga silang nasa loob ng high-class na selda (may pool, magagarbong appliances, komportableng tulugan, atbp.).
Naalala ko tuloy yung 43 na health workers galing Morong. Ikinulong din kasi sila (ng militar). Kaso, balita ko, walang magarbong selda o mga kamera. Sabi pa nga’y ni hindi sila nakakakita (nakapiring kasi). At wala din silang forced eviction- forced eviction, ni hindi nga sila pinabibisita sa mga kamag-anak, abogado, o sinoman (maliban siguro sa mga dumakip mismo) dahil baka bigla daw silang lumabas ng bahay.
Siguro kaya maraming nanood ng PBB ay dahil masaya at nakakainggit ang mga housemates nito. Kasi madalas ay mayroon silang games at activities. Na lahat ay nakukuha ng mga kamera para makita ng lahat ng bata’t matanda.
Sana, may mga kamera din sa loob ng Camp Capinpin. Para mapanood dn ng lahat ng bata’t matanda kung paano hinihila ng mga sundalo ang underwear ng mga health worker sa tuwing nababanyo sila… Siguro nga lang, maraming mandidiri kapag hinuhugasan na nung sundalo yung pwet ng health worker na katatae lang.
Batay sa mga kwentuhan na naririnig-rinig ko, para lang silang naglalaro sa loob ng bahay ang mga housemate. Nagkakatuwaan, nagpapakisamahan, at nakikipag-inlaban. At kapag nagawa nila ito ng mabuti, may premyo! Masaya nga naman at siguro nga’y nakakainggit, pipilitin lang nilang mabuhay ng normal sa loob ng bahay, ay magkakaroon na sila ng positively abnormal na buhay sa labas ng bahay!
Ang dami ko ngang kakilala ang gustong maging housemate. Naaalala ko noong hayskul pa ako na halos sampu sa mga kaklase ko ang talagang nagpunta sa auditions para makapasok sa bahay. At batay sa kwento nila, sa kabila ng matinding init na dala ng tirik na araw, at sa halo-halong singaw ng magkakadikit na katawang nanlilimahid sa pawis, ay pumila sila. Pero, sa sobrang dami nilang kakumpetensya, inabutan sila ng deadline – natapos ang audition nang hindi sila inaabot. Sa pagkakatanda ko’y mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon ang audition (late na sila dumating). At kung natatapos ang isang aspirant kada minuto, mayroong 600 aspirants ang nakapag-audition. At labas pa sa 600 na yun yung ibang mga hindi na inabutan – gano’n karami ang gustong mag-housemate (sa Maynila pa lang).
Paano ba naman nila hindi gugustuhing maging housemate (sundin lahat ng sabihin ni Kuya, burahin ang sariling privacy, at putulin ang koneksyon sa iiwang buhay), kung maari silang maging Big Winner (na may sariling bahay at lupa, appliances para sa bahay, kotse, negosyo, maluhong bakasyon, at pambansang kasikatan)? Pa’no nga rin ba magagawang tanggihan ng naglalaway na aso ang mag-sit sa harap ng malinamnam na Pedigree?
Sana ganito din ang sitwasyon ng mga nars (o ng mga edukado) sa Pilipinas – para hindi na nila kailanganing maging OFW (DH, caregiver, yaya, o japayuki) para lang mabuhay. Para naman maranasan din ng bayan natin ang worldclass nilang kakayahan at galing – hindi yung nakakalat sila sa mundo habang iniinsulto ng mga banyaga.
Pero paano gaganahan man lang ang aso na mag-sit kung ang kaharap n’ya ay instant noodles at baril? Mas malamang na maghahanap na lang s’ya ng ibang among pagsisilbihan.
Bilib ako sa mga nars o doktor na nasa Pilipinas, malaking sakripisyo kasi ito sa parte nila. Kaya nga hindi ko talaga maintindihan kung bakit dinukot yung 43 na nasabing health workers. Kung tutuusin ay nagpapakabayani na sila sa pag-aalok pa lang ng libreng tulong-medikal sa Morong, Rizal, pero parang gusto silang gawing martir ng mga militar.
Ang pagkakaintindi ko sa panig ng AFP, kaya daw nila hinuli yung 43 ay dahil myembro sila ng New Peoples’ Army (NPA). Pero, para sa akin, hindi ito sapat na basehan para ilegal na hulihin ang naturang mga health workers. Napakwestyunable nito dahil walang pisikal na ebidensya, pero hindi pa rin s’ya sapat kahit na sabihin nating totoo ang pahayag nila. Iniisip ko, paano kaya kung ang NPA naman ang dumakip sa mga health worker na tumutulong sa AFP? Nakakatakot – buti na lang at hindi nila ito ginagawa. Naalala ko din na maituturing na din pala itong diskriminasyon – porke NPA sila ay wala dapat silang makukuhang atensyon-medikal? Kahit nga sabihin nating terorista (yun kasi ang iginigiit ng AFP) nga ang NPA, walang kinalaman yung 43 na health workers – ginagawa lang nila kung anong dapat na ginagawa ng isang health worker.
Buti na lang at gusto ng mga housemate ang pagkakakulong sa kanila – at mayroon itong mga kapalit.
Palaging tumitindi ang kasabikan sa tuwing papalapit na ang pagtatapos ng PBB. Dumarami ang mga nanonood at nagiging lalong determinado ang mga housemate. Kaya nga tuwing iaanunsyo na ang mga mananalong housemate ay daan-daang tao ang nag-aabang sa harap ng bahay ni Kuya, at, malamang, milyon-milyon ang nanonood sa TV. Ganito rin naman sa lahat ng bagay, pag malapit na ang deadline, cramming.
Sabi sa ilang artikulong nabasa ko, ganito daw ang ginagawa ng AFP, cramming. Hindi daw kasi nila naabot ang target ng kanilang Operasyon Bantay Laya (OPL) – na dapat ay maubos ang mga rebelde. Kaya ang resulta, nagiging desperado sa pagbabawas ng kanilang bilang. Sabi nga nung isang heneral (na nag gawad pa ng parangal sa dalawang sundalong namuno sa pagkulong sa 43 health worker), “this has been the military’s greatest achievement for the past few years” (paraphrased). Hindi ko alam kung matatawa ako o malulungkot – siguro naramdaman ko pareho. Nakakatawa kasi swak na swak sa militar ang imahen ng aso na pinapagba-bite sa harapan ng medalya at cash prize. Sa kabilang banda, nakakalungkot dahil tinuturing pala ng AFP na tagumpay ang naturang krimen.
Krimen, krimen iyon dahil wala kahit na anong warrant ang mahigit 200 na sundalong dumakip sa 43, sinusuway nila ang utos ng Korte Suprema na dalhin ang 43 sa korte, at ang pagbabawal man lang sa kanilang mabisita. Hindi rin naman ata tama ang sinasabi ng AFP na kailangan muna nilang patunayan na inosente sila bago sila pakawalan, dahil labag ito sa karapatang pantao na nakasaad sa Universal Declaration of Human Rights. Sabi kasi sa UDHR, “Everyone… has the right to be presumed innocent until proven guilty.” (Article 11). Nakakatakot nga naman kung ang pagiging inosente ang kailangang patunayan. Kung ganun kasi, pwede nang ikulong kahit sino…
Para kang kumuha ng kahit sino para ikulong sa bahay ni Kuya. Swerte kung gusto nung unsuspecting someone na maipasok, pero paano kung hinde? O kaya, paano kung mahilig pala magmura yung mga nakuha mo? Baka magtunog dial tone ang PBB.
Kaya maganda rin talaga na sinasala ng staff ng PBB ang mga magiging housemate eh. Sa ganoon paraan, nagiging sigurado sila na matino ang papanuorin nga masang Pilipino…
Hindi ko gusto ang PBB, pero mas ikinaiinis ko ang nangyari/nangyayari sa Morong 43. May mga mali sa PBB, pero walang katama-tama yung sa Morong 43. Para sa akin, mas kaabang-abang na ipaglaban ang pagkakaroon ng 43 Big Winners…
[Marso 5, 2010; reflection paper para sa Soc Sci, bitin na bitin na pagpapahayag ng saloobin tungkol sa Morong 43 >:(]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 1:23 AM
+ + +
Hienddie eh
Malapit na ang 2010 presidential elections at unti-unti nang nagsisimulang mangampanya ang mga presidentiables (kahit nga hindi presidentiables), kahit hindi pa naman talaga nagsisinula ang campaign period.
Pinagagawa kami sa klase ko sa Filipino 40 nang mapanuring papel tungkol sa isang espisipikong political ad. At ang una kong naisip ay kung ano ba muna ang political ad? Ito ba yung mga poster o banner nang mukha ng mga politiko na bumabati ng maligayang pasko o manigong bagong taon nang mas malaki pa ang pagkakaprint ng kanilang pangalan at kahit Enero na? Kasama ba sa depinisyon ng political ad ang mga campaign jingle katulad ng Akala ni Manny Villar, ng Eddie Ako ni Eddie Villanueva, at ng ilegal na Posible ni Gibo Teodoro? At kung political ads nga sila, ibig sabihin ba ay pwede pala silang kasuhan ng early campaign at pandurugas sa ibang kandidato? O kung hindi naman, eh ano pa lang gagawan namin ng pagusuri para sa Filipino 40?
Ano’t ano pa man ang sagot sa mga tanong ko ay sinubukan ko na ring gumawa na pinapalagay na “oo, political ads yung Akala, Eddie Ako, at Posible.”
“Ano ang susuriin ko? Eddie ito!” Ang napali ko ay ang Eddie Ako, ng Jesus is Lord (JIL) founder at standard bearer ng Bagong Pilipinas Party, si Brother Eduardo “Eddie” Villanueva. Ang Eddie ako ay isang campaign song na sinulat ni Paul Armesin at kinanta ng sikat na rapper na si Gloc 9 (wala s’yang apelyido!). Ito ang lyrics:
I
Umasa kang pagbangon ay posible pa
Pangarap nating araw ay sisiskat na
Pag-asay magniningas sa bagong Pilipinas
II
Buong sambayanan magkapit bisig na
Upang tunay na pagbabagoy magsimula
Sa pag sulong ng bayan, makiisa!
Chorus:
Sino pang may malasakit at pag-ibig sa bansa
Sino pa? Eh di ako!
Kailan mag uumpisa? Magkaisa, kumilos na!
Kailan pa? Eh di ngayon!
Sino pa nga bang gagawa?
Sinong pagsisimulan
Sinong magtataguyod ng bayan ni Juan?
Eh di ako!
Rap:
Panahon na para sa pag bangon, sa kahirapan lahat ay umahon/
Ngayon ang oras ng pagbabago isang bayan para sa tao/
Kanino ba dapat ang simula/ Ang pag asa ng bayan ay mag mula/
tungo sa pag sulong ang sagot ko kung walang aako
Eh di ako!
At katulad nang inaasahan sa isang kandidatong hindi naman talaga politiko (walang posisyon sa gobyerno), hindi s’ya makakapagyabang ng kanyang mga nagawa na/ginagawa para “sa kahirapan lahat ay umahon” (accomplishments ba; eh bakit si Noynoy?).
Isa pa, generalized masyado ang kanta. Ang pangunahing pinapahiwatig nito ay kung gaano kaimportante ang bawat indibidwal para sa pagusbong ng “bagong Pilipinas.” Yun lang. Wala man lang pinakadahilan kung bakit kailangan ng bagong Pilipinas o kung ano nga ba ang bagong Pilipinas, o “tunay na pagbabago.”
Ngayon lalabas ang tunay na intensyon ng tula: pagpapakilala. Siguro nga kilala si Bro. Eddie ng ilang porsyente ng mamamayang Pilipino, pero magsisilbi ang naturang kanta sa kanila bilang martilyo na magpupukpok sa kanilang ulo ng pangalan ni Eddie. Parang yung kantang Nobody But You, Korean s’ya at hindi natin maintindihan (at kung sakaling maintindihan man, ay cliché), pero ilang buwan din s’ya nakakapit sa ating mga isipan at dila.
Ang husay kasi ng pagkakalaro sa parariralang “eh ‘di ako.” Sa tuwing bibigkasn mo ang naturang pararirala ay maalala’t maalala mo ang Ako Mismo movement, kaya kahit papano ay magkakaroon ka ng pagpapahalaga sa papel mo, bilang indibidwal, sa lipunan. Yan, syempre ang gustong iparamdam ng mga campaign manager ni Bro. Eddie. Kasabay n’yan ay ang ka-double meaning nitong “Eddie ka.” “Eddie ka” bilang, botante.
O si Eddie ang iboboto mo sa pinakamataas na pwesto sa darating na Mayo.
Nakakapanloko.Dalawa ang ibig sabihin, ang mukha.
Siguro ay masasabi kong mahusay ang naturang campaign song (o yung “Eddie ako” na pararailala lang) dahil sa matalino nitong pakikipaglaro sa mga salita. Pero para sa isang matino at matalinong botante, ay hindi ito sasapat para makuha ang kanyang boto.
Isang dahilan na ang nauna kong sinabi na kawalan nito ng matibay na ebidensya na may maitutulong sa Pilipinas ang pagboto kay Eddie Villanueva bilang presidente, dahil wala pa ngang nagagawa o ginagawa si Eddie Villanueva na masasabing nakakatulong (hindi ko masasabing nakakatulong ang JIL dahil sa sobrang daming rason). Isa pa sigurong dahilan ang pagiging gawa sa “pag-asa” ng buong kanta. Hindi man direktang sinasabi ay mahihinuha nating “ang pagboto kay Eddie ay magdudulot ng tunay na pagbabago, ng pagbangon, at ng pagsulong ng ating bansa.” At dahil sa malagim na karanasan ng sambayanang Pilipino tungkol sa mga pangako o pagbibigay pag-asa ng mga politiko (hal. lahat ng presidente ng Pilipinas), ito ay isang masamang katangian.
Sa pagwawakas, sasabihin kong ang campaign song ni Bro. Eddie ay parang utos ng d’yos (not necessarily the Christian one) na ‘wag gumawa ng (kahit na anong) kasamaan; matatandaan mo, pero malamang sa malamang, ay susuwain mo.
[Pebrero 2, 2010, purpose stated intext ; )]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 11:09 PM
+ + +
Buti pa Ako
“Bakit gising ka pa?” ang tanong ko sa aking sarili habang pinapanood ang pag-blink ng “:” sa black and white na screen ng Nokia 1100 ko. 04:08 na daw sabi nitong “24-hour” na orasang nagsisilbing screensaver. “Kasi nag-kompyuter ka lang buong gabi, kaya ngayon, nagka-cram ka sa paggawa n’yang reaction paper mo.” naman ang agad kong sagot. ‘Yon di ‘ata ang sagot ko noong nakaraang madaling araw, at nung madaling araw bago ‘yon.
Gusto ko na rin sanang matulog, pero bukod sa reaction paper na pwede ko pa namang ipagpabukas, ay naiirita ako sa butas nitong bed sheet ng kutson kong walong taon ko nang tinutulugan. Lumulusot yung paa ko at lumalaki lang yung butas, nakakatamad namang palitan pa ‘to at mag-ayos ng higaan. Ang tigas pa nitong mga unan ko. Ang kati din sa batok nung pillow sheet nila, parang may tuldok-tuldok; humulmol ata ang tawag dun. Dagdag pa ang sadyang kainitan ng panahon na nagdudulot ng patak-patak na pawis sa likod ko. Ayaw naman kasi ng aking mga magulang na ipa-erkon ang bahay, kaya’t kahit na naka-number three na ang electric fan sa kwarto ko, at nakahiga lang naman ako, ay pinagpapawisan pa rin ako.
At parang napagod sa kakareklamo ang utak ko, kaya sapilitan na akong pinahibing ng antok.
Kinabukasan ay nagising ako sa lakas ng T.V. ng kapitbahay, rinig na rinig ko ang boses ni Willie Revillame habang kumakanta s’ya sa Wowowee. Nagdadalawang isip pa akong bumangon kahit na alas dose na ng tanghali, wala naman kasi akong lakad ngayon, at wala naman akong ibang kasama sa bahay.
Wala akong ibang kasama sa bahay, yes, pagkakataon na para kumilos ng walang bawal! At dahil sa realisasyong malayang malaya ako ngayon, ay inangkin ko na naman ang laptop ng aking ina, binuksan ang router, nagbukas ng cereal, nilabas ang gatas, kumuha ng mangkok at kutsara, at nag-almusal habang nagfe-facebook. “Ansarap mabuhay.” bulong ko naman sa aking sarili.
Sa pagtingin-tingin ko sa mga pinost ng mga kaibigan ko ay nakita ko ang isang bidyo mula sa isang dati kong kaklase, “Google’s Office” ang title. Naintriga ako, kaya’t pinindot ko ang tatsulok na buton para i-play ito. At habang nasasaksihan ng aking mga mata ang libreng-mamahalin-dapat na mga pagkain, libreng masahe, libreng gym, libreng kotse, at ala-playground na kapaligiran na tinatamasa ng mga empleyado ng Google, ay sabay na gumuho ang masayang timpla ng araw ko. Biglang bumagal ang internet sa luma na palang laptop, at biglang kumunat ang hindi naman pala masarap na cereals.
Sabi nga, “there is always someone out there better than you.” Bwisit, bigla na din tuloy pumanit ang restaurant ko sa Café World, biglang humina ang karakter ko sa Mafia Wars, biglang nabulok ang bukid ko sa Barn Buddy, biglang lumiit ang utak ko sa Who Has The Biggest Brain?, at bigla ako naging mumurahin sa Friends For Sale.
At bigla na ding uminit, kaya’t ninumber three ko na itong elektripan na puro alikabok, bago magtype muli para dito sa reaction paper…
Tungkol sa relief operation sa Montalban, noong Oktubre 10, dapat ‘tong reaction paper ko. Tungkol sa pagbyahe namin ng halos dalawang oras, mula sa UP-Diliman hanggang sa nasabing lugar, sa tuktok ng isang garbage truck; sa kaba na naramdaman namin habang tumatawid sa mahabang tulay na gawa sa halo-halong kahoy; sa ganda ng biak-na-bato na pinaghihiwalay daw ni Bernardo Carpio; sa mga larawang kinuha ng masasaya kong kasama; sa mga puting bato na mas malaki pa sa tao; sa sobra-sobrang init na naranasan namin; sa sayang dulot ng bagong karanasan namin.
Sa totoo lang ay hindi ko naman ginustong sumama sa relief operations nung una. Sino nga naman ang gugustuhing gumising na madaling araw, magbyahe papunta sa malayong lugar, magbuhat ng mabibigat na bagay, para lang tulungan ang mga taong ni hindi mo naman kilala? Si Mother Theresa, malamang. Pero ako, na hirap gumising ng maaga, sanay matulog sa byahe, at halos walang kakayahang magbuhat ng mabibigat na bagay, ay hindi. Nag-positive thinking na lang ako na magiging masaya ang karansan na iyon, para hindi ako tamarin dahil kailangan s’ya sa Hum 1. Inisip ko na dahil kasama naman ang blockmates ko, ay parang bonding na rin ‘yon, dahil kasama naman ang crush ko ay oras na para magpasikat, na dahil libliba ng lugar ay maraming kakaibang tanawin ang makikita, na magiging masaya dahil kakaiba.
Hindi pala.
Nagbago ang lahat nang makapunta na kami sa sira-sirang Chapel na nagsisilbing sentro ng relief operations. Dinaanan namin ang makapal na pila ng mga tao, sa ilalim ng nagbabaga at tirik na araw. Isa ako sa mga naatasang mag-interbyu sa mga ri-relief-an (para daw sa documentation), kaya’t agad naman kaming nagsimulang magtanong-tanong gamit ang mga questionnaire na binigay sa amin.
Marami ang nawalan ng mga tanim na saging, o kamoteng kahoy dahil tinangay ito ng putik, tinabunan; ang naubusan ng maisusuot na damit dahil naputikan din ang mga ito o inanod na sa kawalan; ang nasiraan ng mga gamit pangkain; mga nasiraan ng mga notebook o mga libro; at ilang nawalan ng bahay mismo. At sa bawat sagot nilang mga nasalanta, ay unti-unti akong nakabuo ng awa sa aking sarili…
Para pala akong tangang reklamo nang reklamo; sa butas na bed sheet, sa makunat na cereals, sa lumang laptop, sa kawalan ng erkon, at sa pagtulong mismo. Nakakaawa ako at ni hindi ko binibigyang halaga ang mahahalagang bagay na meron ako, at na may gana pa akong magreklamo. Nakakaawa ako dahil sa kabila ng trahedya nangyari, ako na hindi naman nito naapetuhan, at may kakayahang tumulong ay puro luho pa ang iniintindi.
Hindi naman kailangan ng awa, ng motibo, o ng kapalit, para lang tumulong. Simple lang naman: Kailangan nila ng tulong at kaya mong tumulong, ‘di tumulong ka. Hindi yung pupunan mo lang ang luho mong hindi mo naman talaga kailangan, hindi yung magbabasa ka ng kung ano-anong pocket book para kiligin at umasa sa mga pantasya; hindi yung magda-download ka ng mga pelikula para umasa na kaya mo rin yung ginawa ng bida, dahil bida ka din; hindi yung manonood ka ng kung ano-ano para mainggit sa luhong natatamasa din ng ibang tao.
Luhong natatamasa ng ibang tao, tulad sa “Google Office.” Libo-libo ang opisina ng Google, at lahat ay magarbo at may kanya-kanyang pakulo para punan ang sari-saring luho ng kanyang mga empleyado. Kung kalahati man lang sana ng ginastos para dito ay naipamahagi sa mga nangangailangan…
Hindi ito inggit dahil mas maganda ang buhay nila kaysa sa akin. Ito ang solusyon.
Sigurado akong hindi pa sapat ang kakaunting tulong na naipamahagi namin sa Montalban, pero sana, matanto din ng mga kapwa ko may kakayahang tumulong, o nang ibang kayang solusyonan na mismo, ang obligasyon naming tumulong. Sana maisip nating lahat na “there is always someone out there, in a worse situation than you.” At sana kumilos tayo para mawala ang pagkaka-ibang ito, para mawala ang “better” at ang “worse.”
Malamang sabihin mo na pangit ang sanaysay na ito, buti ka pa nga, nababasa mo ‘to.
[October 20 - 21, 2009, reaction paper for Hum 1]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 4:39 PM
+ + +
Palusot sa Pagpupuyat
“Psst!” Ayan na naman ang nakakairitang sitsit ng aking ina. Na kahit isang palapag ang pagitan namin, ay napuputakti pa rin ang malalaking kong tenga. Para s’yang alarm, mas nakakagising pa nga kaysa sa alarm.
Gusto na n’ya yata akong patulugin o gusto lang n’yang makatulog na. ‘Rinig din kasi sa kwarto nila, sa taas, itong ingay ng T.V. na dumadagdag pa sa ingay ng aking amang humihilik. Ako naman, dito sa baba, ay hinihintay matapos ang alam kong maikling mga patalastas. Habang pilit hindi iniintindi ang makabasag taingang sitsit galing sa taas.
At naubos na ang mga patalastas, balik sa i-Witness. Ang dokumentaryo nila ngayon ay “Don’t English Me!” ni Howie Severino, tungkol sa kung ano ba ang dapat wikang panturo. Matagal ko na itong inaabangan(mga tatlong araw ata), hindi dahil sa interisado akong maging parte ng kahit na anong ilegal na kalakalan, kundi dahil gusto kong malaman ang tunay na kalagayan ng lipunan. Isang kaalaman na hindi ko makukuha sa panonood lang ng mga telenobelang mas maagang ineere.
Mga telenobelang mas maagang ineere, yan ang Darna, Stairway to Heaven, at Rosalinda. ‘Yan din ang panahong pinapapahinga na muna namin ang T.V., dahil alam na naming wala kaming mapapala, o baka mainis pa nga kami, sa mga palabas na iyon. Mga palabas na masasabi kong perpektong depinisyon ng salitang “cliché.”
Bakit?
Una, laging happy ending. Kahit na ilang dekada nang walang kumunikasyon, ilang libong milya ang layo, at ilang daang tao na ang nakilala, ay magkikita, maaalala, at magkakatuluyan pa rin ang mga bida, anumang mangyari. O kaya naman ay iskwater ang babae, at anak ng pinakamayaman at pinakamakapangyarihang kontrabida ang lalaki, o vice versa. Sa katapusan, biglang yayaman ang isa sa kanila o tatanggapin na lang ng mga kontrabida ang lahat. Ganyan din ang timpla kapag pangit ang isa sa mga bida, magpaparetoke na lang s’ya at tapos na ang problema! Minsan naman, pinaghahalo-halo, pero ganun pa rin ang ending, “and they lived happily ever after.”. Sa huli, pinaaasa nila ang mga manonood sa mga pantasyang point zero zero zero something ang posibilidad na mangyari. Sinasaksak din ng mga ito sa utak nating mga manonood na kailangang maging maganda o gwapo para lang magkaroon ng makulay na love life. Na lahat ng pangit ay kontrabidang walang kaluluwang pagsasagaran ng kasaman, o ekstrang binabatuk-batukan lang para may mapagtawanan.
At ikalawa, lahat sila ay tungkol sa “wagas at tunay na pag-ibig,” soul mate, tadhana, at “love conquers all.” Kumbaga sa pagkain ay nakakaumay na. Ito’t ito ang lang ba ang interes ng mga Pilipinong manonood?
‘Di ba’t makabayan ang mga Pinoy? Marami ngang nagsusuot ng mga t-shirt, sando, short, cap, jacket, bag, sapatos, burloloy, at kung ano-ano pang may three stars and a sun. Ibig sabihin, handa ang Pilipino na… makisabay sa uso. Kailan ba nauso yang three stars and a sun? At kalian namatay ang nagpasimuno ng ganyang design? Ibig sabihin ba ay maituturung ng bayani si Francis Magallona dahil napukaw n’ya ang pusong pagkamakabayan ng masang Pilipino?
Ganito kamakapangyarihan ang mass media. May isang celebrity lang ang namatay, at kumalat na sa buong Pilipinas ang kanyang negosyo. Kung sino-sino na ang nagtatak ng three stars and a sun kung saan-saan. At katulad ng mabilisang pagsulpot ng piniratang t-shirts na ‘to ay ang dalian din pagkabura ng mabuting intension ng Master Rapper. Marahil nga’y makabayan naman talaga si Francis M., batay sa mga kanta n’ya, pero hindi ito ang nakikita ng karamihan. Nag nakikita lang natin ay astig, cool, maganda, sosyal, at uso ang mga patriotic t-shirts n’ya. ‘Yun lang kasi ang pinapakita sa T.V., mga gwapo’t macho o maganda’t sexy na artista pa ang nagsusuot sa kanila. Kakaiba nga naman, bandila sa t-shirt, pero hindi naman pinalabas sa T.V. ang mga kaakibat na obligasyong moral sa pagsusuot ng bandila… Maski nga ako ay naakit at ginustong bumili ng kahit isa man lang sa mga gano’n(lalo na yung mukha ni Rizal na niretro). Pero nang makita ko, sa paglipas lang ng ilang araw, ang unti-unti pagbabago ng kaastigang dala ng pagsuot nito, patungo sa pagiging nagpapaka-patriotic at nakikisabay sa uso, ay sinuka ko na ang kagustuhang makapagsuot nito. Bukod pa sa wala akong pera.
Kawalang ng pera, yan ang nagtulak kay Kodi na tanggapin ang trabahon alok ni Cholo kahit na pinagbawalan na s’ya ng kasintahang si Tristan – paalala ng kapatid kong pilit binubuhay ang usapang telenobela sa bahay. Kahirapan, isang konspeto lalo lang pinalalabo ng mga telenobela. Hindi ba’t kapansin-pansing dadalawa lang ang uri sa nobela? Kung hindi nalulunod sa sobrang kayamanan, ay lumulutang na parang bangka sa sobrang kahirapan ang mga karakter. Lalo namang kapuna-puna na hindi binabanggit kung bakit nga ba mahirap sina Jodi at Tristan. Dahil ba ninakawan sila? O dahil walang pamana si Tristan? O dahil tinakwil si Jodi? O simpleng dahil nagtanan sila?
None of the above. Hindi ako sigurado kung ito ang tamang paliwanag, pero malinaw para sa akin na hindi lang sina Jodi at Tristan ang naghihirap sa paligid nila; pati nga mismo ang best friend ni Jodi ay mahirap. Ibig sabihin, may mas malawak at mas malaking dahilan kung bakit naghihirap ang mga cliché na tauhang ito. At kung anuman ‘yon, ay hindi ko pa kayang ipaliwanag ng tuwiran.
Kaya ako nanonood ng mga dokumentaryo tuwing gabing mag-uumaga Kulang pa kasi ang kaalaman ko, nauuhaw ako. Kulang pa ang kamalayang political, praktikal na kaalaman, kamulatang pangkalikasan at kasanayang panlipunan ko. Ito ang mga bagay na sa tingin ko ay mas karapat-dapat pagtuunan ng pansin at oras kumpara sa “love conquers all.” Mga bagay na may kabuluhan…
Hindi ba’t mas may kabuluhang malaman na nauubos na ang Philippine Eagle at Philippine Crocodile kaysa na mahal na mahal nina Rosalinda at Fernando Jose ang isa’t-isa, naa kulang-kulang ang mga gamit sa pampublikong paaralan, ospital at opisina kaysa na mahal na mahal nina Narda at Eduardo ang isa’t-isa, na sa sobrang kahirapan ay maraming paslit ang napipilitang magtrabaho, kaysa na mahal na mahal nina Jodi at Cholo ang isa’t-isa? Nakakarindi, bukod sa paulit-ulit ay wala namang saysay. Samantalang ang mga bagay na nangyayari sa paligid natin, mga bagay na s’yang dapat nating pinagchichismisan, ay hindi nabibigyang diin, nasa likod, sa hulihan. Itong mga bagay na maar pa ngang makatilong o makapagpamulat sa atin.
Pagkamulat, yan ata ang tawag sa naranasan ko nang mapanood ko ang “Don’t English Me!” Tinatalakay nito kung epektibo nga ba bilang“mode of instruction” ang Ingles. At sa huli’y pinakita nito kung gaano kabaluktot ang pagiisip na kung magtuturo ka ng isang asignatura gamit ang Ingles ay gagaling sa asignaturang iyon at sa Ingles ang tinuturuan mo. Dati pa naman ako naniniwalang hindi dapat itulak na Ingles ang wikang panturo, pero mababaw o malabo ang dahilan ko: dahil Pilipino ang pambansang wika natin. Pero dahil sa award-winning na dokumentaryong ito, ay nakita ko na mas epektibo nga kung ang wikang alam ng magaaral ang gagamitin sa pag-aaral. Na hindi lang sa simpleng simbolismo na dahil wikang pambansa ang Pilipino nakaipit ang kabaluktutan ng pagtuturo sa Ingles. Nagbigay kasi si Howie ng mga konkretong halimbawa, ang Lubuagan Central Elementary School. Sa paaralang ito ay ang wikang lokal nila ang wikang panturo. At nabigla ako nang mabaybay ng isang batang anim na taong gulang ang salitang “astronaut,” nang halos walang kahirap-hirap, samantalang ang hayskul na taga-Maynila, kung saan Ingles ang wikang panturo, ay napatanga na lang ng sya ang pagbaybayin. Ang galing.
Ang galing, kahit na antok na antok na ako at may klase pa ako sa loob na lang ng halos siyam na oras, ay natuto ako. Kahit na mahalata sa klase ko, nang alas-otso ng umaga, na apat na oras lang ang tulog ko, may natutunan ako. Kahit na pagkauwi ko ay babangagin na naman ako sa sermon, natuto naman ako.
Bakit ba kasi kung ano pang gusto kong palabas ay s’ya bang panghuli?
Ewan. Wala rin naman akong magagawa para baguhin ‘yon. Masyadong malaki ang mga kumpanyang ‘yan para magreklamo ako. At kahit na magreklamo ako, kahit na ipa-imbestiga ko it okay Mike Enriquez, ay hindi naman ako papansinin. Abala sila sa pagtatrabaho, sa pagkita.
Kapangyarihan, yan ang hawak ng telebisyon. Sobra-sobra at umaapaw na kapangyarihan. Kung ano ang ipalabas nila ay s’yang paguusapan ng buong Pilipinas, kung anong hindi, ay s’yang hindi natin makikita.
Nito lang ay marami ang natuwa kay Richard Guiterrez dahil nagsilbi s’yang tagapagsalba ng buhay ng Philippines Number One Sexiest, Cristine Reyes. Pinakita sa 24 Oras kung gaano kahirap ang naging sitwasyon ni Cristine sa tuktok ng kanilang bubong habang giniginaw, nagugutom, at kasama ang lola n’yang hindi marunong lumangoy. Sinubaybayan ng taumbayan kung paano sinubukang tangayin ng malakas na hangin ang nakaupo at kaawa-awang si Cristine. Hanggang sa dumating ang isang napakaganda at nakakakilig na balita: Richard Guiterrez, niligatas si Cristine! Dumaundong sa buong Pilipinas, at hanggang sa Washington Post ang balitang ito. Marami ang nagpasalamat, nabaitan, at humanga kay Richard dahil sa pinamalas n’yang katapangan sa pagsuong sa rumaragasang daloy ng baha gamit ang hiniram n’yang speed boat, para maialis sa peligro ang kanyang kaibigan. Nagulat pa raw si Cristine ng Makita n’ya ang poging mukha ni Richard, hindi daw n’ya inakalang ililigas s’ya nito. Nakakakilig daw sabi ng kapatid ko. Pero, hindi binalita na dapat ay naligtas na si Cristine tatlong oras bago pa dumating si Richard, at tumanggi lang ito dahil nga hinihintay nya si ‘Chard. Halos walang nakaalam nito. Na pinlano ang lahat bilang gimik sa pelikula nilang Patient X. Scripted, pati ang pagsasabi ni Cristine na nagulat s’ya kay Richard. Bukod pa dito ang naging kadamutan ng aktor sa pagligtas ng iba pang na-stranded sa paligid. Ang pamilya lang kasi ni Cristine ang niligtas n’ya, at kahit na maari naman n’yang ipahiram man lang ang speedboat kung ayaw na n’yang makipagsapalaran para sa mga taong hindi naman n’ya kilala, ay hindi n’ya ito ginawa.
Salamat na din sa ginawa n’ya, kahit papano’y nakatulong s’ya.
Ang napakaganda, napakasexy at napakamabait na si Angel Locsin din ay nagpupunta sa mga relief mission. Nagpupunta s’ya sa mga liblib at mapuputik na lugar nang naka-shorts at sando. Nagbigay s’ya ng limandaang libong pisong donasyon sa Gabriela Women’s Party at lahat ng ito ay lingid sa kaalaman ng nakararami. Hindi naman kasi nababalita. Ang pinapakita sa 24 Oras, Saksi o TV Patrol ay mga artistang nasa sementadong relocation centers habang naka-long sleeves. Ang binabanggit lang ay ang mga nagdo-donate sa Kapuso o Kapamilya Foundations. At hindi lang si Angel ang may ganitong kalagayan, marami din sa mga party list ang tumutulong nang walang media coverage. Mga party list na napagkakamalan pang hindi tumutuolng sa gitna ng sakuna at kinagagalitan pa ng iba.
Dinidikta ng mass media ang kamalayan natin. Kung anong gusto nilang ipapaniwala sa atin ay s’yang ating tatanggapin. Napakalaki ng papel nito sa buhay nating lahat. At hindi ginagamit ng institusyong ito ang dapat n'yang gawin. Sa nakikita naman natin, hindi tayo minumulat ng mga palabas sa T.V. sa buong katotohanan, puro pantasya, kunmg anong maganda't masaya ay s'yang ipalabas.
Lalo na sa mga patalastas. Marami nang mas kontrobesyal na patalastas na sobrang lantaran ang pagsasaksak sa utak nating kung ano-anong kaisipan. “Isa higit sa dalawa,” yang linyang yan mismo ay ginamit sa patalastas. At maski yung nanay ng bata ay kinakanta yan. Sapilitang pagpapasok ng baluktot na kaisipan. Pati ang toyo na naglalakbay ang aroma. Lahat ay mali at walang katotohanan. Kadalasan pa ay gumagamit ng maskara, “samahan ang pamilya sa pagkain, ng healthy Pancit Canton.” Grabe. Sobrang in-eextend ang katotohanan sa puntong nagiging kasinungalingan na.
Sa lahat nga naman ng pila ay laging may nahuhuli. At sa kasong ito, nasa dulo ang mga kailangang panoorin. Nasa harapan at gitna ang mga pantakas natin sa katotohanang magulo at hindi perpekto ang buhay ng tao.
Siguro kaya nila nilalagay sa unahan ang “love conquers” nilang mga palabas ay dahil marami umanong nanood. Kumpara sa mga dokumentaryong kanina ko pa sinisingit.
Anong oras na uli pinapalabas ang simula ng set ng mga telenobela nila? Alas-siete ng gabi. Alas-sais ng gabi naman ang tinatawag na rush hour, ang halos sabay-sabay na uwian ng halos lahat ng mga opisina...
Wala na palang nakakapagtaka kung bakit madaming nanonood ng mga telenobela, pano ba naman ay sakto lang pagka-uwi ng mga tao.
Samantalag mga dokumentaryo ay ala-una ng madaling araw nagsisimula. May gising pa ba no'n? Meron, mga call center agent at mga taong katulad ko. Kami na di hamak na maliit ang bilang kumpara sa mga saleslady, government office worker, karpintero, kartero, taga-bantay ng stall, at estudyanteng maaga natutulog.
Hindi na nakapagtataka na marami nga ang nanonood sa mga telenobela, kahit na cliché na cliché na cliché ang mga kwento nito. Kahit na nakakaantok lang manood nito. Kahit na sawang-sawa na ang tao na mahulaan kung ano ang susunod na mangyayari sa bawat twist nila sa kwento. Hindi na nakakapagtaka.
Pero ako, bilang isang batang may pakielam sa lipunan at sa aking paligid, ay patuloy na magpupuyat para lang mamulat ng mamulat.
“Psst!” ayun na naman ang sitsit ng aking ina na mukhang bababain na ako. Kaya't umakyat na lang ako dahil ang pinakahuling palabas na lang rin pala ang pinapalabas sa T.V., ang Lupang Hinirang. At bigla nang naglaho ang mga umaalong tatlong bituin at isang araw sa ating bandila kasabay ng pagpindot ko ng “Turn off.”
[October 13 - 15, 2009, final paper for Fil25, Timpalak Panitik entry]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 8:37 PM
+ + +
Ang Mabakal ng Nagtuturo sa Ingles
Each Filipino surely knows a minimum of about 20 English terms (excluding English numbers), and supposedly know how to use them. We are also regarded as good English speakers compared to other countries. Moreover, being a call center agent, these days, is one of the best jobs out there, and it requires English fluency. Almost all of road signs and other notices are in the English language. Even television show titles, band names, product brands, school books, and company names are widely in English. Plus, never forget that English fluency = intelligence. So does this mean that if we teach in English, the next generation will be more intelligent?
Syempre hindi. Ang paggamit ng Ingles bilang panturo sa kabataang Pilipino, para humusay sila sa naturang wika, ay isang malaking kabalintunaan. Para ka na ring isang ibon na nagtuturo sa isang pusa kung paano lumipad, habang humuhuni. Sa madaling salita, malabo.
Isang mahusay na halimbawa nito, ay ang isang eksena sa pagitan ng isang tutor sa Algebra at ng isang tipikal na hayskul. May takda yung estudyante tungkol sa pagkuha ng value ng “x.” Paulit-ulit sinasabi ng tutor na kailangan n’yang “i-transpose” ang lahat ng “constants” sa isang panig ng equal sign at ang lahat ng “variables” sa kabila. At paulit-ulit na kamot sa ulo lang din ang nagiging tugon ng estudyante, hindi nagsasalita at nakayuko. Ang tutor naman ay malapit ng mainis kaya’t naisigaw n’ya sa tagalog ang kanyang panuto: Ilipat mo lahat ng konkretong number dito at lahat ng letra dito! Pagkarinig nito ay mabilis nang nasagutan ng magaaral ang takda.
Pinapakita lamang ng insidenteng iyon ang dobleng hirap ng sabay na pag-aaral ng aralin at ng wikang panturo. Dahil sa hindi pa gamay ng mag-aaral ang wikang Ingles, o anumang wikang dayuhan na gagamitin sa pag-aaral, ay mas mahihirapan s’yang intindihin ang kanyang guro.
Hindi naman kailangan na Tagalog ang wikang panturo sa buong Pilipinas. Ang importante ay na kung ano ang gamay na wika ng mga magaaral ay s’yang dapat gamitin, at ang wikang ito ay ang wikang lokal. Natural lang na sa wikang alam ng bata s’ya mas may maiintindihan at matututunan. Hindi ito tungkol sa kung aling wika ang mas sikat o mas kailangan, ang tanong ay kung saang wika mapapadali o magiging mas epektibo ang edukasyon. Ang mga Pilipino ay Pilipino. Filipino ang pangunahing lenggwahe natin, “mother tongue” sa wikang banyaga. Kaya, sa wikang ito, ang Filipino, mas maiintindihan at mas makakapagpaintindi ang mga estudyante at gurong Pilipino.
Kung ang gusto lang din naman ng gobyerno ay ang pagalingin ang Pilipino sa universal language, sa pagpasa nito ng batas na Ingles dapat ang wikang panturo, ay ito rin ang pinakamabisang paraan. Ang Ingles naman kasi ay isa ring asignatura, at tulad ng matimatika, siyensya, kasaysayan, atbp., mas madali itong maiintindihan ng mag-aaral kung kabisado na n’ya ang sarili n’yang wika. Kumbaga, hindi ka matututong tumakbo hangga’t hindi ka sanay maglakad.
Ang magandang patunay naman na magiging matagumpay ang ganitong sistema (na wikang lokal ang wikang panturo) ay ang dokumentaryo ni Howie Severino na “Don’t English Me!” Pinakita n’ya dito ang sitwasyon sa Lubuagan Central Elementary School, kung saan wikang lokal ang wikang panturo. At hindi kagulat-gulat na mas mahusay pa ang mga elementarya nitong magaaral kaysa sa ilang hayskul, na taga-Maynila, sa wikang Ingles.
Ang wika ay isang napakainportanteng aspeto sa pagtuturo, at sa kasalukuyang naghihingalong kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas, sikapin sana nating gawin ang lahat ng paraan para mapabuti naman ito. At isang napakagandang simula ang paggamit sa wikang maiintindihan natin parepareho.
Right?
[October 9 - 11, 2009, final paper for Kom 1 (persuasive essay)]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 8:00 PM
+ + +
artsandsciencesgallery.com
Ilang oras na lang bago mag-tanghalian nang makarating ako sa Uste. Nagmamadali kong nilakad ang covered walk para makarating sa puso ng pa-krus nilang teritoryo. Sa harap ng kanilang Main Building, ay ang isang mapag-anyayang pinto. At nakatindig sa gilid nito ang pangit na gwardyang hinarang ako noong nakaraan, dahil naka-shorts at tsinelas lang daw ako. Pwes, naka-maong na pantalon at rubber shoes na ‘ko ngayon. Tignan natin kung mapigilan pa n’ya ‘kong pumasok…
At hindi man lang n’ya ako napansin. Swabeng-swabe ang paglagpas ko sa kan’ya, na parang isang eksena sa telenobela kung saan nagka-salisihan ang mga bida. Para tuloy s’yang ilong na ang tanging trabaho ay papasukin ang mga oxygen, at pigilan ang mga hindi; gaano man kadumi o kalinis. Eh pa’no pala kung may bomba akong dala? Patay na!
Matapos akyatin ang isang hagdang kahoy, na halos tatlong nakahigang maiingay na Thomasian ang lawak, ay nakarating na ‘ko sa kanilang Museum of Arts and Sciences. Pinasok ko ang bukas nitong pinto, dineposit ang luma kong bag, nagbayad ng bente pesos na entrance fee (kahit nakapasok naman na ‘ko), at naghanda nang libutin ang malamig, siksik, at tahimik na museyo.
Sa unang limang hakbang ko pa lang ay ginulat na ako ng liyon, cheetah, St. Bernard, orangutan, at usa na nakaabang sa isang gilid. Napalayo ako at nanlaki ang mga mata, buti na lang at walang nakakita, halos wala naman kasing tao. Mga stuffed animals lang pala sila, buti na lang. Tinext ko na nga lang ang kaibigan kong si “Yen” (hindi n’ya tunay na pangalan), para samahan ako sa araw na ‘yon, tour guide! At habang hinhintay ko s’ya, pinagpatuloy ko na ang paglibot. Wala namang masyadong kakaiba sa mga stuffed animals nila. Makatotohanan ang mga lemur, musang, squirrel, cockatoo at daga na paulit-ulit kong nakita. Teka, may squirrel ba sa Pilipinas? Saka cockatoo? Sa pagkaka-alam ko, wala. Ibig sabihn, karamihan sa mga hayop dito ay imported. Grabe din, pati ba naman stuffed animals, inaangkat pa? Ayus lang sana dahil may tig-isang Philippine eagle, at tarsier naman. Kaso, bakit kaya mas marami ang kopya/piraso ng squirrel, flying squirrel, lemur, flying lemur, cockatoo, (flying cockatoo?)macau, at toucan? Nasa Pilipinas pa naman ako ‘di ba? At bigla nang dumating si Yen. Yep, nasa Pilipinas nga ako.
Katapat naman ng hilera ng dayuhang mga stuffed animals, ay mga estanteng may mga shell. Mga shell, na halos pare-pareho ang itsura at kakaunti lang ang kapansin-pansin. Ang pinakanatandaan ko lang ay yung isang parang maliit na violin at yung isang paikot na shell na ginagamit na halimbawa, ng mga textbook, sa manipestasyon ng pi sa kalikasan. Binaggit ko ito kay Yen, at “oo nga” lang ang naging tugon n’ya. ‘Di ko pa sigurado kung na-gets nga ba n’ya ko. Wala man lang naman kasing nakasulat na kung anong tungkol sa mga shell. Mga codes lang, halo-halong numero at titik na hindi namin maintindihan. Naglagay man lang sana sila ng maikling trivia: “This shell shows pi.”
May mga bato pa sa isang gilid, na hindi ko pa malalamang fossils pala kung hindi sinabi sa akin ni Yen. Hindi halata yung imprints sa karamihan, pero nakakapanindig balahibo yung isa, kitang-kita yung hugis ng bungo ng isang hayop…
Sa gitna naman ay ang pinakamakulay na pwesto sa museyo. Mga origami, paper mache, at mga papel na ginupitan ng sari-saring desenyo (jeep, tao, ibon, mukha ni Cory, atbp.) ang makikita dito, iba’t ibang kulay sila at tunay namang nakakamangha. Maliban pala sa ilang mga paper mache, nakakatawa kasi yung pagkaka-gawa sa iba, parang minadali lang… Nagulat na naman ako nang tinuro sa ‘kin ni Yen ang mga naka-displey na iba’t-ibang hugis ng stainless na gunting, bigla akong nagtaka kung bakit may mga modernong gunting doon. ‘Yun pala yung mga ginamit sa paggugupit nila ng desenyo. “May mailagay lang…” naisip ko.
Kapuna-puna na naman na dayuhang sining ang naka-displey. Ang origami ay mula sa mga Hapon, ang paper mache, sa Gitnang Silangan, at ang paper cutting, sa Tsina, Europa, at Mexico. Bakit kaya hindi paggawa ng pamaypay mula sa abaka, pitakang yari sa palaka, o barrel man ang itampok nila? Walang laman na “Pinoy!”
At, isa pang nakaka-iritang puna, walang mga petsa! Kulang-kulang pa ang mga impormasong nakasulat, yung iba nga wala! Ni hindi kumpleto ang scientific names ng mga hayop, samantalang ang dali-daling i-google nun! Nakakairita, kasi kung ang itsura lang pala ng mga hayop, mas madali, mas malinaw, mas mabilis at libre ko pa yang makikita sa internet.
Hay. Kahit na may hinanakit ako, tumuloy na rin kami sa ikalawang palapag ng museyo(dahil ayoko din namang masayang ang bente ko). Dumiretso kami sa kwarto ng mga religious relic. Puros estatwa o ukit ng mga santo, madre, pari, anghel, ni Maria, at ni Kristo. Kulang-kulang pa din ang impormasyon dito. May mga petsa na (16th hanggang 17th siglo), pero katawa-tawa pa rin ang pagsisikap nilang ipakilala ang ilang di-makilalang estatwa; “A Man Praying, A Man Holding the Bible, o kaya ay A Christian Woman” ang ilan.
Mabuti na rin at may mga petsa itong mga estatwa, naalala ko tuloy na, sa gitna at pagkatapos ng rebolusyon, ay nanatiling Kristyano ang mga Pilipino. Na hindi tulad ng pagsunog ng Espanya sa mga Anito ng Pilipinas, ay iningatan ni Juan si Hesus. Ang espada lamang ng Espanya ang naitakwil, at ang krus ay nanatili. Nandun pa nga yung malaking krus, nakasabit sa gitna nang kwarto, naka-pako pa dun si Kristo. Gusto ko sana hawakan, kaso bawal, may security cameras pa naman daw. Tsk!
Pagkalabas namin ni Yen, na tahimik lang (di tulad ko) dahil bawal nga naman mag-ingay sa loob, ay una naming nakita ang isang malaking armory. Ang itim nitong katawan ay may mga pulang disenyo at mga parteng natuklap na ang pinta kaya kita na ang kayumangging kahoy. Bahagya pa kaming nagtalo kung ano ba ito, mukha lang kasing kabinet. Katapat naman nito ay isang estanteng may salamin na may mga sulat/liham. “Mga publikasyong kulay kape, kakaiba ang alpabeto at lenggwaheng gamit, may kaunting mga punit at… MAY SULAT NG MARKER?! Ano yun?!” Ganyan ang naging takbo ng utak ko pagkakita ko sa “1598” na sinulat gamit ang isang marker sa lumang papel. Sinalamin pa naman nila para hindi mahawakan, tapos sinulatan lang pala ng permanent marker. Grabe, binigay nga yung impormasyong kanina ko pa hinahap, sinira naman yung artipakto.
Ang sumunod na displey naman ay mga sinaunang paso, banga, tasa, at plato. Tig-isang pwesto, na kasing lawak ng isang wide-screen LCD TV, ang mga bansang Tsina, Korea at Japan. Kahit na pinagtagpi-tagpi na lang ang mga paso, banga, tasa at plato nila, kitang-kita pa rin ang kagandahan ng mga disenyo. Sa pwesto ng Japan, may mga manikang mukhang Mongolian Emperors, nakakatakot. Ni hindi nga na naman namin sigurado kung ano ba yung mga manikang yun, o kung mga manika nga sila. Wala na naman kasing nakasulat! Sa pwesto naman ng Tsina, may mga mapa ng mga ruta nila para sa pakikipagkalakal. Ang nakakatuwa sa mga mapa, ay para silang gawa ng bata. Tuwid ang mga linya nito at walang kadeta-detalye. At kung ikukumpara s’ya sa mga mapa ngayon, na eksaktong-eksakto ang pagkakaguhit, o sa mga galing pa mismo sa mga satellite, sa Google Maps, ay malamang manliit s’ya. Anlayo na din kasi ng narrating ng teknolohiya natin.
Sa sumunod na hilera naman ay may mga antigong gamit para sa mga relihiyosong sakramento, mga chalice, krus, baso, bote, at tray. Sa tapat nila ay may baby grand piano, na hindi na naman namin malalamang baby grand piano pala kung wala ditong nakasabit na: “Please ask for assistance when playing the baby grand piano.”
Sa isang gilid naman ay mga sinaunang pera at mga medalya. Ito na ata yung may pinaka-maayos na impormasyon sa buong museyo. May petsa, nakasulat kung saang bansa ginamit, at nakasulat kung bakit ginamit. Nakita namin yung kakaibang kapal ng mga barya at mga medalya, yung mga sinaunang piso, at mga pisong papel na dolyar na dolyar ang istilo. Naalala ko tuloy yung kinuwento sa ‘min ni Prof. Digna Apilado, sa Kasaysayan 1, na “ang pera noon ay dolyar na dolyar ang itsura, magugulat ka na lang pag nakita mo yung mukha ni Rizal.” Si Rizal pa, nabanggit din na mga Amerikano ang naghirang sa kan’ya bilang Pambansang Bayani. Dahil nga payapa, hindi subersibo at kampi s’ya sa mga kolonisador. At kitang-kita ko naman dito ang naging suporta ni Uncle Sam sa kan’ya. May medalya pa para sa ika-isangdaan n’yang kaarawan, nasa pera din s’ya. At si Andres Bonifacio? Ang pasimuno ng rebolusyon na pinag-isa ang buong Pilipinas at nagapaalis sa mga mananakop. Wala. Ni Andres, ni Bonifacio, wala.
“Next!” para rinig kong bulong ni Yen. Kaya minasdan na namin yung susunod, isang upuan. Isang magarang upuan na gawa sa makintab na kahoy, dinikitan ng madisenyo at puting kutson, at inupuan ni Pope John Paul II noong January 1995 nang bumisita s’ya sa Maynila dahil sa World Youth Day. Yan, kumpleto. Edi ang dami kong nabahagi. Itong iisang upuan na ‘to kasi ay may katabing isang estanteng puro impormasyon tungkol lang sa kan’ya lang ang nakalagay. At kahit na kasisimula ko pa lang basahin ang “Please do not touch” na karatula, ay hinaplos ko na ito. Mainit! (joke) Wala namang tumunog na alarm.
Eto na! Ang pinakapaborito kong seksyon sa buong museyo. Ang pwestong nakalaan para sa Pilipinas! (clap, clap, clap, clap) Tatlong pwestong kasing lalaki ng sa Tsina, Korea at Japan ang binigay nila para sa Pinoy! “Masayang masaya na sana ako, pero nanalumo ako nang makita ko ang mga bangang Pinoy. Parang gawa lang ng mga artistang hinamon ng isang reality show. Lala na’t paglingon ko’y tanaw ko ang katapat nitong mga banga/paso na gawa naman sa Tsina. “Worlds apart” ika nga.” Gan’yan na sana ang isusulat ko, bago ko naalala: Aba teka, magkapareho ba sila ng panahon ginawa? Baka naman kaya mukhang amateur ang bangang Pinoy ay dahil ginawa iyon noon pang pre-history. ‘Di tulad ng sa Tsina na pinangangalakal na nila gamit ang mga bangka. Baka naman kaya “worlds apart” ang kalidad ay dahil “ages apart” ang pagitan ng paglikha. Kaya napakaimportante talaga ng mga petsa. Natawa naman ako bigla, dahil sa nakita kong hawakan ng takip ng isang bangang Pinoy na hugis tao. At hindi lang ulo, dalawang braso, at dalawang binti ang nakalawit sa kanya, pati titi nakatingala sa langit! May nabuo tuloy akong teorya tungkol sa pinagmulan ng barrel man ng Baguio…
Sa sumunod na estante naman ay mga gamit pang-digma. Napaka-pino ng mga espada, sibat, at palasong nakasabit. “Mas magaling sila sa bakal” komento ni Yen, na kitang-kitang tunay naman. Iba’t iba ang disenyo ng mga esapada, walang patuwid at simpleg katulad sa mga Romano, at wala ding medyo patagilid na parang katana ng mga Hapon. Ang meron, pagewang-gewang na parang malaking kris, pakurba at makapal na parang malaking itak, at iba pang may mga pinong disenyo ang patalim at hawakan. Pati palaso, kakaiba. Yung isa nga ay pabuka yung dulo, yung tipong pag tinamaan ka, ay hindi ka maililibing na hindi iyon kasama, malabo na kasing mabunot pa nang hindi nawawarat ang katawan mo. May isa ding kalasag, gawa sa kahoy, payat at may disenyong butiki, ang kyut nga. May isa ding “armor” daw, sabi ni Yen. Hugis vest nga, pero mukhang buhol-buhol na kadena.
Naghanap ako dito ng sandatang ginamit noong panahon ng Katipunan. Bolo, itak, o rebolber sana, kaso, wala naman. Puro mukhang (dahil di naman kami sigurado kasi wala paring nakasulat) pre-kolonyal…
Yung sumunod naman ay mga kagamitan sa paghahabi ng tela. May mga tela na may makukulay na pattern, hawig sa mga nasa banig. Yung isa, may mantsa pa na di namin malaman kung dugo ba dahil sa pakikipaglaban, alay, o regla lang. Wala pa rin kasing nakasulat. Pati yung mga kahoy doon na mukhang simpleng tabla lang hindi naming maintindihan kung paano ginagamit sa paghahabi. Kaya tumuloy na lang kami sa huling sulok ng museyo. Pinoy pa rin, mga lumang instrumentong etniko naman. May mga gitara na iisa lang ang string (o iisa na lang ang natira), mga flute, at ang pinakakinatuwaan namin, violin. Buhok ng tao kasi ang ginawang string, pati sa bow. Madami pang ibang instrumento, pero dahil nga sa kawalan ng mga nakasulat na impormasyon, hindi na naman namin malaman kung ano sila, may tabuli ata, saka kalintyaw? Hay. Buti sana kung parang Jollibee ‘to na palaging may pwedeng pagtanungan.
Katabi din ng mga instrumentong di namin matukoy ay ilang mga estatwa/rebultong Pinoy. May isang medyo hugis tao, gawa sa putting bato, at may isang taling buhok ng tao sa tuktok. Nakakapangilabot nga, para itong may sumpang sandaang taon na n’yang hinihintay ipasa. Yung dalawa pang estatwa/rebulto, gawa na sa kahoy na may barnis pa, halatang bago (na tinabi sa mga luma). Yung isa nga ay life-size at mukhang Aeta, payat, kayumanggi (kahoy eh!), kulot, matangkad, at may panaggalang may disenyong butiki.
Pagkatapos, tapos na. Yun na yun. Bumaba na kami sa hagdan, at pinagmasdan sandali ang grandfather’s clock na nakatayo, kunwari meron pa.
Kinuha na namin ang luma kong bag at ang bagong sa kan’ya. At tuluyan ng lumabas sa Museum of Arts and Sciences, na dahil sa halos kawalan ng teksto/impormasyon ay pwede na ring tawaging Gallery of Arts and Sciences. Para lang kasi kaming nag-internet at nagtitingin sa mga litrato, na wala man lang maski caption! Kaya din siguro kakaunti lang ang tao doon, alam nilang mas madali at mura pa kung igu-google na lang nila. Sana lang, hindi ganito ang karamihan ng mga museyo, sana gumagawa sila ng paraan para agawin ang mga mata ng kabataan mula sa mga monitor…
Paglabas namin ay maingay na, kaya nagsimula na din ako ng kwentuhan, “Ano na uli yung P.E. mo?”
[from September 29 to October 1, 2009, reaction paper for Kas 1, make-up essay for Fil 25]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 2:51 PM
+ + +
Anong Paki Mo?
May snatcher na nahuli ang anim na UP Police, no’ng tahimik na hapong iyon. Nakita ko kung paano nila s’ya pinalibutan, pinetserahan, sinikmuraan, binatukan, at pinagmumura. Naisip ko tuloy: Paano kaya kung yung anim na malulusog na UP Police naman ang mangailangan, mangotong at mahuli? Ang naging turing nila sa binatang snatcher ay parang si Pacquito Diaz (sa mga pelikula), na gumagawa ng mga krimen para lang kontrahin ang bida; at sila naman daw si FPJ. Alam nating hindi iyon totoo. Hindi naman tayo nangungupit sa lumang wallet ng magulang natin kung hindi natin kailangan…
Kung iisipin, hindi lang naman snatcher yung nahuli nila. Anak din s’ya, naging estudyante din malamang, naghanap/naghahanap din ng trabaho, at nobyo o marahil ay asawa na. May buhay din s’ya, may mga problema. Mga problema na sa isang krimen n’ya napilitang solusyonan.
Kamakailan lang, habang bumibili ako ng combo #3, may nakita na naman akong UP Police. Pero wala na s’yang hinuhuli ngayon, kausap n’ya yung tinderang naka-pony tail, tungkol sa isang pagkakakitaan. At bago umalis, humingi s’ya ng sopdrink. Mabilis namang nagbigay ng isang boteng RC ang nakababatang tindera. “Balik ‘ko na lang ‘maya.” Sabi nang malusog na UP Police bago s’ya tuluyang naglakad papalayo. Bigla ko namang naalala, may nauna ding naghingi sa tindera. Isang payat at maitim na batang may bitbit na sakong may lamang mga bote. Nanghingi s’ya ng barya, na tinugunan naman nang nagsungit na tindera, ng taus pusong pagpapalayas. Nakakairita. Hindi yung bata kundi ang ginawa ng tindera. Porke kakilala n’ya yung UP Police ay mas pabor s’ya dito. Kahit na halata namang mas kailangan ng patpating bata ang kan’yang tulong.
Walang paki ang UP Police sa kriminal, walang paki ang kriminal sa ini-snatch-an n’ya, walang paki ang tindera sa pulubi. Nakikita lamang nila sila bilang literal na kriminal at pulubi, hindi bilang mga tao; mga kapwa-tao. Tulad ito nang kawalan natin ng pag-aalala para sa basurerong mate-tetano sa t’wing magtatapon tayo ng bubog, sa tsuper na lubog na sa utang kaya buwakaw sa pasahero, sa babaeng namimigay ng sari-saring flyers, at kay Osama Bin Laden na mahilig pa lang mag-volleyball. Hindi naman kasi natin sila kilala…
Oo nga’t mahirap na mag-alala para sa lahat ng tao, pero ito ang kailangan sa itinayo nating lipunan. Nagtayo tayo ng mga komunidad na binubuo ng sobrang daming tao. Sobrang dami, kaya hindi na natin mapakielamanan ang bawat isa. At hindi na maiwasan ang mga gyera, at kung anu-ano pang makasariling gawain.
‘Wag na tayong mag-taka, pare-pareho lang naman tayo…
[September 17, 2009, assignment]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 12:35 PM
+ + +
Super Facebook!
“Sawa ka na ba, sa mga hassle ng buhay mo? Pagod ka na bang mag-isip para sa sarili? … Ako ang kailangan mo; isak-sak lang ang modem n’yo! Hindi na dapat maghirap, sa iisang iglap, ang buhay mo ay sasarap. ‘Wag nang magatubili, gumamit na ng super proxy!” Ito ang ilan sa mga linya sa kanta ng Erasereads na Super Proxy, ito rin ang mga linyang kinakanta ko habang nagfe-facebook (pag-gamit ng facebook)…
Ang facebook ay isa sa mga pinakasikat na social-networking sites na naglalayong padaliin at pagbutihin ang komunikasyon at pakikihalubilo sa pagitan ng mga tao sa buong daigdig. Para itong isang ikalawang mundo, sa internet, kung saan magkakaroon ka ng ikalawang buhay...
Halos isang lingo pa lang akong nagfe-facebook (tama rin sigurong sabihin na “nabubuhay sa Facebook), at aaminin ko, para sa isang teenager na nangangarag sa kanyang pag-aaral, isa itong nakakaaliw na pampalipas oras. Nakaka-adik kasi ang mga laro o applications nito. Ako, sa partikular ay nahuhumaling sa Mafia Wars at Who Has The Biggest Brain.
Ang Mafia Wars ay isang laro tungkol sa paggiging kriminal, na kabilang sa isang mafia, na may layuning maging pinakamahusay sa lahat. Ang nakaka-adik sa sistema nito, ay ang pagtira (taking turns) o ang paggalaw ng iyong karakter. Bawat galaw kasi ay limitado kada tatlong minuto. Ibig sabihin, kung magnanakaw ka sa bangko ngayon, pagkalipas ng tatlong minuto, ay maari mo na uli ‘yong gawin! Kaya hindi ko ito maiwan. Ako, na sanay sa totoong mundo, kung saan bihirang sumilip ang oportunidad, ay maghihintay na lang ng tatlong minuto para magkaroon muli ng tsansang palakasin ang aking karakter. Saka lang ako napapatigil kapag wala na talaga akong oras at hindi na kayang dumilat ng mga mata ko.
“Who has the biggest brain?” Title pa lang ay naintriga na ako. Isa itong laro kung saan sasagutan ng user, ako, ang ilang mga pagsubok na tumutulong daw sa kanilang sukatin ang laki ng aking utak (sa cm3). Nakakaakit itong laruin dahil pwede kang makipagkumpetensya sa iyong mga friends na parang kung sino ang may mas mataas na ranking (mas malaking utak) ay s’yang mas matalino at mas magaling. Nung may nalaktawan nga ako sa ranking ay nagkaroon pa ako ng pagkakataon ipagmayabang iyon. “Brag about it.” Sabi nung buton. Alam ko namang hindi ito totoo at na hindi naman iba-iba ang laki ng ating utak, ngunit hindi ko maiwasang magisip ng “haha, wala ka pala *pangalan* eh! Akala ko ba *papuri kay pangalan*?” sa tuwing may lalaktawan ako. Hindi ko alam kung ako lang ang ganito, pero dahil sa pagra-rank sa laki ng ating mga utak, batay sa isang kapanipaniwalang hanay ng mga pagsubok, nababale wala na hindi man lang nga pala ako honor student dahil mas malaki naman ang aking utak kaysa sa isang honor student.
Isa pang kakaibang katangian ng Facebook ay ang opsyon na like.Ginagamit ito para masabi na gusto mo ang isang bagay (picture, video, komento, mensahe, atbp.) Nakakaloko lang dahil maari ka namang magbigay ng kumento imbes na simpleng pagpindot ng like. Gayunpaman, ginagamit ko ito. Mas madali kasi s’ya kaysa mag-isip pa ng komento. Sasabihin ko pa ba kung bakit ko nagustuhan? Magpapatawa ba ‘ko? Ano ang pakulo ko? Napipigilan tuloy ang malikhaing pagiisip ko , imbes na mag-iisip pa ‘ko ng sariling paraan para magpahayag, ay simpleng I like this na lang. Marahil ay isa ito sa mga dahilan kung bakit nauuso ang chuva bilang panghalip sa mga salitang hindi maisip. Hindi kasi sinasanay ang tao sa Facebook sa oral na salitaan, o sa maayos na pagsasalita man lang. Palibahasa, sa Facebook ay pwede mo munang pagisipan ang ikokoment mo at pwede kang magtagal sa pagsagot, na hindi pwede sa totoong buhay, kung saan kailangang mabilisan ang pagsagot sa mga usapan. O kung sa Facebook nga, pwede namang wag mo na lang pag-isapan, i-like mo na lang…
Ang pagfe-facebook ay isang nakahuhmaling na gawain, para akong pumapasok sa ibang mundo kung saan pwede akong gumawa ng mga bagay-bagay na hindi ko naman nagagawa o maggagawa sa totoong mundo. Isang pansamantalang paglipat sa isang maayos na mundo o paglayo sa magulong katotohanang hinaharap ko, natin…
[quickly written on September 3, 2009, assignment]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 8:03 PM
+ + +
O-ey
Dahil sa lahat ng channel ay si Cory ang bida, hindi ko naiwasang maalala ang People Power, ang pangunahing dahilan kung bakit s’ya binibigyang pugay. Kaso, People Power II lang naisip ko, yun lang kasi ang naabutan ko. Naalala ko ang hapong iyon, katabi ko ang isang punong malapit sa EDSA Shrine at habang kumakain kami nang tanghaliang naka-supot, ay sinusubukan kong basahin ang plakard na inihiga pansamantala sa lupa: “Sobra na! Tama na!” Gusto ko sana ‘yong sabihin ngayon sa karamihan ng taong nakadilaw na t-shirt, ribbon, pin, cap, pants, sando, shorts, jaket, bag, kyutiks, contact lens, sapatos, palda o polo, nakahugis “L” ang mga daliri at sumisigaw ng “Cory! Cory! Cory!” Gusto kong itanong sa kanila kung bakit gano’n na lamang ang pag-aksaya nila ng lakas, boses, pera, papel, oras, luha, at kuryente para lang sa isang libing. Kung nilaan na lang sana nila ang lahat ng iyon sa pagpapatuloy sa naiwang trabaho at laban ni Cory, edi naging makabuluhan pa ang pagkamatay n’ya. Oo nga’t pinakita na kayang mag-kaisa ng Pilipino, pero hindi naman yata dapat ikatuwa na kung kalian s’ya namatay ay saka lang ibinigay ang hinanap n’yang pagkakaisa… Isang landlady na nagpapahirap at nagpapatay sa mga magsasaka na nga ang pinupuri nila, nagkalat pa sila sa kalye. “Confetti” daw ang tawag sa ginupit-gupit nilang dilaw na papel at iniitsa kasabay ng ambon. Confetti ngayon, kalat mamaya, kalat pa rin bukas. Confetti, na dahil wala naman silang sapat na janitor di tulad sa mga concert o show, ay maiiwan na nakatambak sa kalye hanggang sa bumara sa mga kanal. Mga kanal, na kasabay ng iniwan din nilang supot, stick at iba pang papel, ay mababarahan na magdudulot lang ng baha at matinding trapik. Masyado kasi silang nagpadala sa kanilang emosyon…Isantabi na muna natin ang binungang trapik at baha ng prusisyon at tutukan ang kumpol ng lobong hugis Spongebob Squarepants. Tahimik akong nanonood ng lamay, ng “best president” (ayon kay Lim), nang bigla ko silang nakitang binenbenta; nahagip ng kamera. Natawa tuloy ako. Si Spongebob na nakakatawa maski ang pagtawa, ay nasa libing na pinagluluksaan ng buong mundo! Dahil lang sa kulay dilaw din ay nagkaroon s’ya ng silbi sa sambayanang nagluluksa, simbolo. Hindi na inisip ng mga nakakatawang bumili na isang nakakatawang karakter si Spongebob. Hindi bagay sa malungkot at nanghihinayang nilang emosyon. “Basta yellow.” Marahil ang tumatakbo sa kanilang mga utak. Palibhasa, dahil sa mga nangyayari ay naging “yellow = Cory” na.Ilang oras din nagtagal ang lamay at ilang libo din ang dumating, pero tila wala ni isang nakaisip kung hanggang saan ang hangganan. Ang hangganan ng kanilang “pagluluksa.” Kanya-kanyang pakulo at pakwela, sirena sa Marines, bomba sa bumbero, cannon fire sa AFP, pero naisip ba natin kung bakit nararapat nito si Cory? Ina ng demokrasya, demokrasya bang matatawag ang hindi pagbigay ng libo-libong n’yang ektarya ng lupa na kasama sa kanyang CARP? Marami pa marahil ang ginawa n’yang hindi naman simbolo ng demokrasya. Pero ano pa nga bang magagawa natin, patay na s’ya. Pwes, kung hindi dapat inuungkat ang kamalian ng isang bangkay, bakit uungkatin pa ang mga kabutihan nito? Bakit magko-confetti pa, magi-spongebob, magye-yellow, magkakaroon pa ng bagong bayani, iibahin pa ang pangalan ng EDSA? Hindi naman pala dapat…
[written on August 2009, assignment]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 12:26 PM
+ + +
Palaruan
Sa gitna nang damuhan, malapit sa maliit na elementary building, at napapaligiran ng ilang puno, matatagpuan ang pinakamagandang lugar na nakita ko. Dito makikita ang tanging swing, slide, see-saw, at monkey bars, sa buong paaralan. At dito ka lang din magkakaroon ng kakayahang makita ang buong eskwela, ito ang playground…Ang pulang swing na kinakalawang nasa tanda ay ginagamit pa rin ng mga bata. Kaso, karamihan sa kanila ay nakatayo. Bukod sa madumi itong tingnan dahil sa kalawang, may kanya-kanyang na ring butas ang tatatlong upuan nito. Sa kabila ng masamang kalagayan nito ay, s’ya pa rin ang pinaka-nilalaro ng mga bata. May ilang grupo pa nga ng kalalakihan ang nagpapalakasan gamit ang swing na ito; itutulak nila ang swing ng buo nilang lakas, at kung kaninong swing ang umikot sa stand ng pinakamaraming beses ang panalo. Nasisira nito ang mga dilaw na kadena ng swing, pero napapasaya naman niya ang mga bata.Apat na metro mula sa harap ng swing, makikita ang nakaharap na slide, na may pinakamaraming aksidenteng naidulot. Bihira itong gamitin dahil nakakabagot para sa mga bata. Ngunit, dahil sa kabagutang iyon, ay kung ano-anong eksperimento ang sinusubukan nila. Maraming bata ang dumeretso sa clinic nang umiiyak dahil sa pagtayo, pagpapadulas ng una ulo, pagsabay-sabay, pag-akyat sa slide mismo, pagtalon sa slide, o anu pang pampasikat na exhibition nila. Isa pang dahilan kung bakit ayaw siyang paglaruan ng mga bata, ay ang kalawang nito. Ilang taon na rin kasi ang slide, kaya ang padulasan nito, yung stand ng picture frame, ay nag-iiwan na ng brown na mantsa sa damit. Sa likod naman niya, makikita ang hagdan na parang nakatayong monkey bars. Kontra sa nababak-bak na asul na padulasan, kulay pula ang anim na talampakang hagdan. Kinakalawang na din ito, pero yung ilalim na bahagi ng mga baiting ay hindi gaanong naapektuhan.Nakadikit naman sa kanang bahagi ng slide, ay ang sikat na monkey bars. Sa kung anong mahiwagang dahilan, ay hindi ito kinakalawang; ito na ang pinakamaayos sa buong playground! Mas madalas man itong gamitin ng mga estudyante kaysa sa slide, ang kumukupas nitong pintura lang ang deperensya nito. Bawat bar din ay iba-iba ng kulay, kaya pag tiningala mo sila, ay para kang nakakita ng iba’t ibang kemikal sa iba’t ibang test tube na maayos na nakasalinsin sa langit. Madalang itong gamitin ng mga babaeng bata, nanghihila kasi ng short o palda ang ibang bata kapag sumabit ka. Pero yun nga ang ikinatutuwa ng mga kalalakihan, pahiyaan. At, ginagawa din nila itong sanayan. Katulad sa ‘pagbato ng swing’ kanina, nagpapadamihan ng pull-ups ang mga batang lalaki dito, kahit na hinablot na ang asul nilang short at ang puting mickey mouse na brief na lang nila ang naka-gwardya sa kanilang kalalakihan.Sa gilid naman ng slide at ng swing, tatlong metro mula sa kanila, makikita ang swing. Ang pinakakawawa sa buong playground. Dadalawa lamang sila, na parehong nakakabit sa asul na stand. ‘Yung kulay dilaw ay kinain na ng kalawang at tinalian pa ng isang malaking bato sa isang upuan nito. Nagsilbi itong panukat ng lakas ng mga bata, kung sino makapagakyat ng bato nang pinakamataas, ang s’yang macho. Ang katabi naman nito ay parang balat ng mentos, asul at tinuklap. Nakayuko pababa ang kaliwang upuan nito at may butas naman ang kanan. Hindi ko nga maintindihan kung saan nakuha ng mga bata ang kapangyarihang gawin iyon. At dahil sa kalunos-lunos nitong kalagayan ay halos wala ng naglalaro nito, samantalang dati rati ay isa ito sa mga pinakapinupuntahan.May isa pang laman ang playground na hindi pwedeng kalimutan. Ito ang halos pitong talampakan na basketball ring na nasa kabilang gilid ng swing. Kapansin-pansin ito, dahil masyado itong mataas para sa mga bata! Pero kahit na ganon, palagi pa ring may naglalaro nito. Ang gamit pa nga nila ay iba’t ibang uri ng bola, yung pambatang basketbol, papel na tineyp para maghugis bola, bola ng jackstone, bato at kung ano-ano pa na bihira naming tumama sa bakal na ring o sa marupok na board. Hindi rin ito pinaghaharian ng kalawang, palibhasa kahoy ang board. Ito ang pinakamataas na lugar sa playground, at pag inakyat mo ito ng buong ingat, ay matanaw mo ang higschool building na, para sa’yo, ay kasing laki lang ng isang notebook. Matatanaw mo rin dito ang mga nakakatandang estudyante na nakikipaglandian, nag-babasa, nagkukwentuhan o nakikipagbasagan ng mukha. Dito makikita ng mga bata ang mundong liliparan nila sa kinabukasan, ang mundong hindi lang tungkol sa paglalaro at pagsira ng mga bagay.Anupaman, ang playground, pinakamatanda sa elementary department, ay nakatirik pa rin doon, sa gitna ng damuhan, napapaligiran ng ilang puno.
[written on July 2009, assignment]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 12:21 PM
+ + +
Sino si Pot-pot?
Sino nga ba si Pot-pot? Sabi sa komersyal ay sila daw ang mga batang umiinom ng isang brand ng gatas na hindi ko na maalala at may “signs ng all around health”. Pero sa akin, siya ay isang pinsan, anak ng pinakabata kong tito. Wala nang nakaka-alala kung bakit nagging pot-pot ang kaniyang palayaw, pa’no ba naman ay ang layo ng pot-pot sa totoo n’yang pangalan, Trisha Rows N. Ramiscal. Oh, nawirduhan ka sa Rows n’ya ‘no? Kaya gano’n ang spelling no’n kasi, Rowaldo ang pangalan ng tatay nya (yung tito ko) at doon kinuha ang Rows.Si Pot-pot ay labing-isang taong gulang, maputi at may katabaan. Ka-kulay niya ang mga puting folder na ginagamit ng mga hayskul, tulad n’ya, na pantakip sa kanilang mga sagot. Malapad ang kaniyang noo na sabi ng mga mapamahin ay nagpapahiwatig ng katalinuhan. May pagka-totoo ito dahil mas magaling pa siya sa kapatid kong, labing-tatlong taong gulang na, pag dating sa math at pagtingin ng oras. Tulad naming mga kapamilya niya, ay pango din ang ilong niya. Para itong tatlong holen na pinagdikit-dikit, nilagyan ng dalawang butas at kinabit sa mukha niya. Inaasar ko nga siya minsan na gawa sa kasoy ang mukha niya, hawig kasi ng ilong niya yung buto sa ilalim ng kasoy. Ang mga mata naman n’ya ay medyo singkit, medyo lang. Kwadrado din ang hugis ng mukha niya, malalaking panga. At syempre, hindi s’ya kalbo. Mahaba ang kanyang buhok, at may bangs na kalinya ng kanyang maninipis na kilay. May katangkadan siya para sa kanyang edad; halos limang talampakan na ang kaniyang taas. May sungki nga din pala sa kaniyang mga ngipin na napapalibutan naman ng kaniyang mapupulang labi na kasing kapal ng Panda na bolpen.Kontra sa pinapalabas sa telebisyon, hindi nag-iiwan ng makukulay na bakas si Pot-pot sa kanyang mga hinahawakan o inaapakan, sa halip ay kamalasan diumano ang hated niya! Kasi, may balat s’ya sa pwet.Si Pot-pot ay isang tahimik na bata, tahimik sa puntong kahit inaapi na siya ay (di tulad ng maraming bata) hindi siya titili o sisigaw. Magugulat ka na lang na natatakot o nasasaktan na pala siya (sa pang-aasar) dahil bigla siyang luluha; luluha lamang sapagkat walang tunog na kasama. Sinasabi ng marami na nagmana siya sa kaniyang ina na hindi makabasag-pinggan sa sobrang kawalan ng imik! At dahil sa kawalan ng imik na ito ay madalas siyang naaabuso (hindi sekswal ah), minsan ay kinurot-kurot s’ya ng evil stepsister (pero pinsan talaga) n’ya para mag-shop lift sa isang maliit na mall, at wala siyang nagawa kundi magsumbong ng pabulong. Madalas din siyang dinodomina ng nakababata niyang kapatid na di hamak na mas matapang kaysa sa kanya. Madalas nga ay seryoso o takot ang ekspresyon ng kanyang mukha…Bihirang matuwa si Pot-pot, at sa tuwing natutuwa siya, kitang-kita mo ito sa kanyang kilos at galaw. Para siyang nanginginig sa sobrang excitement pero hindi naman sobra para sa kanya, ganun lang talaga siya matuwa. May kahiligan nga din siya sa mga matematikal na tanong at makikitang napaptalon siya sa tuwing pinagmamadali ko siyang sumagot, game na game.
[written on July 2009, assignment]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 1:57 AM
+ + +
Apat Titik
Medyo naaamoy ko pa ang amoy-sinigang na hininga ni Eric habang sinasabi niya na ayaw niyang sumama sa rali bukas sa SONA dahil delikado at nakakatakot.Nilunok ko muna ang nginuya kong giniling na baboy, bilang bwelo pangontra-ingay sa canteen, bago isigaw sa kanya na marami naman dung tao na hindi siya pababayaan at na nananakot lang ang mga pulis sa training nila kuno para mag-disperse; “kung sobrang dami ng tao, wala din silang magagawa!” dagdag ko pa, habang umaasa na naiintindihan niya ako. Iling lang ang naging tugon niya – ayaw pa rin.“Masaya kaya ‘yun! Madami kang makikilala! Saka, ayaw mo man lang bang maranasa’ng mag-rali? Subukan mo nga kasi! Experience din ‘yun!”Iling ulit.“Malay mo may chicks dun.”“Oh? Ah, hindi pwede yun, malamang wala rin tayong ka-edad dun, takot din,” ang naintindihan kong sinabi niya, kasabay ng kaniyang pag-lingon. Pagkatapos niyang sabihin iyon ay nag-aayos na kami ng kanya-kanyang baunan at nag-handang umalis mula sa magulong canteen.Ang hallway na sunod nami’ng dinaanan ay mas kakaunti ang tao. ‘Di tulad sa canteen, dito ay malinaw naming naririnig ang isa’t-isa. Nagsimula ako ng usapan para ipaalam sa kaniyang hindi pa ako sumusuko,“Oh, ano? Ayaw mo pa rin ba talaga?”“Tsk, ayoko nga. Halos isang dekada pa bago tayo mag-eighteen eh sasali ka na sa mga ganyan? Saka na lang, pag nag-aral tayo sa PUP siguro,”“Halos isang dekada, limang taon na lang.”“Oh, di kalahating dekada.”Habang tinatawanan ko siya ay pumasok na kami sa CR namin, na dating sa mga babae kaya wala yung de-sabit na inidoro, at dumeretso sa dalawang magakaiba at magkatabing cubicle.“Maganda nga yung ganitong hayskul pa lang ay mulat na tayo eh, daig natin mga klasmeyt natin!”“Hay. Eh, hayaan na natin yang rali-rali sa mga matatanda, tutal matatanda din naman ang gumagawa ng problema. ‘Wag na natin pakielamanan ‘yan.”Ang lakas ng tama sa akin ng huling pangungusap ni Eric. “‘Wag na natin pakielamanan ‘yan,” wala man lang “muna”; ang sarap sagutin, barahin, patunyang mali!“An-“ naputol ang pangontra ko.“Ikaw talaga, obligado ka lang sumama dahil sa NGO mo’ng ina, mangdadamay ka pa! Hehe,”“Ah, haha.”Nakalabas na kami ng sarili naming cubicle at hinihintay ko na lang s’yang mag-ayos ng buhok nang napagpasyahan kong ituloy ang naudlot kong sagot, “Pero ‘di nga, importante din kaya sa atin yun. Kung ipapaubaya natin ‘to sa kanila, ano pang magiging kontribusyon natin? Eh, tayong mga estduyante at anak din naman ay naapektuhan ng problema. Hindi mo ba naiisip, kapul din tayo sa mga nangyayari! Hindi mo ba nami-miss ang mama mo na kinailangan pang mag-DH? Hindi ka ba naiinis sa tatay mong karpintero dahil hindi ka mabilhan ng PSP? Ako nga naiinis din eh! O kaya eh may natututunan ka ba sa ala-sardinas nating kondisyon sa klasrum? Eh di ba mabaho pa yung katabi mong si Michael? Sa dulo, sa ‘tin ang bagsak. Ayaw mo man lang bang ipakita yung inis mo? Ipagsigawan sa-“ biglang naputol ang momentum ko dahil bumukas ang ikatlong cubicle. At mula doon ay lumabas ang isang bata na lumapit sa ‘kin, sa may pinto. Siguro’y napansin niyang nakatingin kami sa kaniya o sadyang pinlano niya na mang-asar sa sinabi niyang, “Pinagsasabi mo kuya? Mag-DOTA na lang kayo!” bago siya tumakbo paalis. Nagdulot naman ito ng mahaba at malakas na tawa mula kay Eric. Buwisit na bata ‘yon…‘Rinig ko na naman ang ingay kanina sa canteen; mistulang lumipat lang ito sa aming klasrum. Kahit na kanina pa nagsimulang magsasalita si Ms. Agliam, kasabay ng buong klase, ay hindi pa rin ako mapakali dahil ayaw talaga akong samahan ni Eric at wala siyang paki; hindi ako susuko! ‘Di nagtagal, dahil sa kawalan ng ideya, o sa paggiging desperado ay nagsulat ako ng mensahe para kay Eric sa isang pahina sa luma ko’ng “Save the Earth” notebook, imbes na kopyahin ang “ass.” daw namin. Pagkatapos kong pilasin ay tiniklop ko ito sa kalahati ng apat na beses, para hindi mabasa ang laman, kahit na alam kong sa paglalakbay nito ay may magbubukas din sa kanyang iba. Ipinapasa ko na ito sa iba pa naming kaklase para ito’y makatawid ng dalawang rows mula sa inuupuan ko, patungo kay Eric, sa harapan. Ang nakasulat: “Hoy, Eric. Sumama ka na bukas kung ayaw mong ipagsigawan ko sa buong kalawakan na crush mo si _____! Sige, umayaw ka pa’t isusulat ko na siya sa susunod!” na may kasamang drowing ng diablong tumatawa; tama, blackmail ang huling paraan ko. Pagkabalik sa akin ng papel ay binasa ko ang “Bahala ka,” na tugon niya na may kasama ding drowing, poker face naman. Natawa ako ng mahina bago ko isulat na “Tsk, sumama ka na kasi, kahit mga isang oras lang tayo dun, libre naman pamasahe at may jeep na aarkilahan daw. ‘To naman, minsan lang naman kita yayain nang ganito, ‘di ba?” sabay drowing ng smiley bago ko ipapasa ulit. Kaso, pagkatapos kong maipasa sa mga kaklase namin yung papel, ay tapos na din pala ang klase at nagsisilabasan na silang lahat. At dahil wala naman silang paki sa papel namin, ay mukhang binale-wala at itinapon na nila ito sa pula naming sahig, kasama ng ibang kalat na hinahangin ng dadalawang bentilador sa klasrum. Naging kalat lang papel ko at bigo pa rin ako.“Yehey!” ang narinig ko mula kay Eric pagkatapos na pagkatapos nang mahigit isang oras naming paglilinis sa buong kwarto, kami kasi ang nahuli sa mga lalabas kaya napagtripan kaming paglinisin ni Ma’am. Ngayon ay pwede na kaming maglakad pauwi, dahil mag-kapitbahay naman kami, araw-araw kaming magkasabay. Malapit lang ang klasrum namin sa kinakalawang na gate, pero bago pa man din kami makalapit doon ay tinawag si Eric ni Joana, ang pangalang dapat na nakasulat sa blanko kanina.“Oh, bakit, Joana?” tanong ni Eric na halatang nahihiya.“Ano, bili ka naman nitong tickets ko, limang piso lang isa. Kasali kasi ako sa “Beauty Contest” nitong baranggay eh, bukas na ang deadline. Sige na, mabait ka naman eh…” naman ang naging sagot ni Joana habang nakangiti ang kaniyang bibig at mga mata.At ano pa nga ba ang ginawa ni Eric? Bumili siya. Sampung piraso, kasabay ng pagbili niya ay ang pagkaubos ng isang linggo niyang baon. Naglulundag sa tuwa si Joana, na nagpatalbog sa malulusog niyang suso, na kanina pa tinititigan ni Eric, at niyakap pa nang sandali si Eric - na abot buwan naman ang ngiti. Bago siya tumakbo paalis, ay inimbitahan din niya na manood si Eric bukas sa Coronation dahil sasayaw silang mga kalahok ng Wonder Girls. Tinugunan naman ito ni Eric ng isang buong pusong pag-tango kasabay ng masiglang “Syempre, naman!” Sa puntong iyon ay bigla na lang nablanko ang utak ko at hindi sinasadyang sambitin ang, “Puta…”
[July 2009, for an organization's application process, first work ever published!]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 9:49 PM
+ + +