Miyerkules, Agosto 19, 2009
Sino si Pot-pot?
Sino nga ba si Pot-pot? Sabi sa komersyal ay sila daw ang mga batang umiinom ng isang brand ng gatas na hindi ko na maalala at may “signs ng all around health”. Pero sa akin, siya ay isang pinsan, anak ng pinakabata kong tito. Wala nang nakaka-alala kung bakit nagging pot-pot ang kaniyang palayaw, pa’no ba naman ay ang layo ng pot-pot sa totoo n’yang pangalan, Trisha Rows N. Ramiscal. Oh, nawirduhan ka sa Rows n’ya ‘no? Kaya gano’n ang spelling no’n kasi, Rowaldo ang pangalan ng tatay nya (yung tito ko) at doon kinuha ang Rows.
Si Pot-pot ay labing-isang taong gulang, maputi at may katabaan. Ka-kulay niya ang mga puting folder na ginagamit ng mga hayskul, tulad n’ya, na pantakip sa kanilang mga sagot. Malapad ang kaniyang noo na sabi ng mga mapamahin ay nagpapahiwatig ng katalinuhan. May pagka-totoo ito dahil mas magaling pa siya sa kapatid kong, labing-tatlong taong gulang na, pag dating sa math at pagtingin ng oras. Tulad naming mga kapamilya niya, ay pango din ang ilong niya. Para itong tatlong holen na pinagdikit-dikit, nilagyan ng dalawang butas at kinabit sa mukha niya. Inaasar ko nga siya minsan na gawa sa kasoy ang mukha niya, hawig kasi ng ilong niya yung buto sa ilalim ng kasoy. Ang mga mata naman n’ya ay medyo singkit, medyo lang. Kwadrado din ang hugis ng mukha niya, malalaking panga. At syempre, hindi s’ya kalbo. Mahaba ang kanyang buhok, at may bangs na kalinya ng kanyang maninipis na kilay. May katangkadan siya para sa kanyang edad; halos limang talampakan na ang kaniyang taas. May sungki nga din pala sa kaniyang mga ngipin na napapalibutan naman ng kaniyang mapupulang labi na kasing kapal ng Panda na bolpen.
Kontra sa pinapalabas sa telebisyon, hindi nag-iiwan ng makukulay na bakas si Pot-pot sa kanyang mga hinahawakan o inaapakan, sa halip ay kamalasan diumano ang hated niya! Kasi, may balat s’ya sa pwet.
Si Pot-pot ay isang tahimik na bata, tahimik sa puntong kahit inaapi na siya ay (di tulad ng maraming bata) hindi siya titili o sisigaw. Magugulat ka na lang na natatakot o nasasaktan na pala siya (sa pang-aasar) dahil bigla siyang luluha; luluha lamang sapagkat walang tunog na kasama. Sinasabi ng marami na nagmana siya sa kaniyang ina na hindi makabasag-pinggan sa sobrang kawalan ng imik! At dahil sa kawalan ng imik na ito ay madalas siyang naaabuso (hindi sekswal ah), minsan ay kinurot-kurot s’ya ng evil stepsister (pero pinsan talaga) n’ya para mag-shop lift sa isang maliit na mall, at wala siyang nagawa kundi magsumbong ng pabulong. Madalas din siyang dinodomina ng nakababata niyang kapatid na di hamak na mas matapang kaysa sa kanya. Madalas nga ay seryoso o takot ang ekspresyon ng kanyang mukha…
Bihirang matuwa si Pot-pot, at sa tuwing natutuwa siya, kitang-kita mo ito sa kanyang kilos at galaw. Para siyang nanginginig sa sobrang excitement pero hindi naman sobra para sa kanya, ganun lang talaga siya matuwa. May kahiligan nga din siya sa mga matematikal na tanong at makikitang napaptalon siya sa tuwing pinagmamadali ko siyang sumagot, game na game.
[written on July 2009, assignment]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 1:57 AM
+ + +
0 Komento:
Mag-post ng isang Komento
<< Home