LIPAT-TAMBAKAN
Dahil hindi na napupunan ng Blogspot ang mga kahilingan ko bilang blogger, iiwan ko na s'ya.
It's over.
...dahil pinagpalit ko na s'ya kay Wordpress!
Tama, ginamit ko lang si Blogspot para masanay ako sa mga liko-liko ng relasyong blogger-blog.
At ngayong sanay na ako, iiwan ko na s'ya.
Oo, masama ako, muahahahaha!
Kung napadpad ka pa rin sa pahinang ito, nandito na ang bago kong ka-relasyon:
Mga etiketa: Anunsyo
pinost ni: Nolram Ateug nang 6:26 PM
+ + +
Pula, Bantay, Buhay
Hindi ko talaga makuhang magustuhan ang Pinoy Big Brother (PBB). Kadalasan tuloy ay natatahimik na lang ako kapag ang pinaguusapan na ng mga kaklase ko ay kung gaano nakakakilig sina Melai at Jason, o kung gaano nakakatuwa si Rika. Hindi ko alam kung anong meron sa mga buhay nila sa loob ng de-kamerang bahay ang napaka-interesante – o siguro hindi ko nga lang maintindihan.
Kahit na yung mga naunag bersyon nito, yung sina Kim at Gerard pa. Hindi ko talaga sila pinanood ni isang beses. Nakilala ko na lang sila nitong naging mga artista/singer/dancer/endorser/model na sila – nung nakakawala na sila mula sa mga kamera sa bahay ni Kuya.
Ang dating nga sa akin ay para silang ikinukulong sa buong panahon nung palabas. Sa totoo lang, literal naman talaga silang nakakulong dahil kapag lumabas sila, mafo-forced eviction (o anumang termino yun) sila, matatalo at mawalan ng pag-asang makuha yung pinangakong mga premyo, at sumikat. Lahat pa ng sulok nung bahay ay may kamera at mic, para talaga silang nasa loob ng high-class na selda (may pool, magagarbong appliances, komportableng tulugan, atbp.).
Naalala ko tuloy yung 43 na health workers galing Morong. Ikinulong din kasi sila (ng militar). Kaso, balita ko, walang magarbong selda o mga kamera. Sabi pa nga’y ni hindi sila nakakakita (nakapiring kasi). At wala din silang forced eviction- forced eviction, ni hindi nga sila pinabibisita sa mga kamag-anak, abogado, o sinoman (maliban siguro sa mga dumakip mismo) dahil baka bigla daw silang lumabas ng bahay.
Siguro kaya maraming nanood ng PBB ay dahil masaya at nakakainggit ang mga housemates nito. Kasi madalas ay mayroon silang games at activities. Na lahat ay nakukuha ng mga kamera para makita ng lahat ng bata’t matanda.
Sana, may mga kamera din sa loob ng Camp Capinpin. Para mapanood dn ng lahat ng bata’t matanda kung paano hinihila ng mga sundalo ang underwear ng mga health worker sa tuwing nababanyo sila… Siguro nga lang, maraming mandidiri kapag hinuhugasan na nung sundalo yung pwet ng health worker na katatae lang.
Batay sa mga kwentuhan na naririnig-rinig ko, para lang silang naglalaro sa loob ng bahay ang mga housemate. Nagkakatuwaan, nagpapakisamahan, at nakikipag-inlaban. At kapag nagawa nila ito ng mabuti, may premyo! Masaya nga naman at siguro nga’y nakakainggit, pipilitin lang nilang mabuhay ng normal sa loob ng bahay, ay magkakaroon na sila ng positively abnormal na buhay sa labas ng bahay!
Ang dami ko ngang kakilala ang gustong maging housemate. Naaalala ko noong hayskul pa ako na halos sampu sa mga kaklase ko ang talagang nagpunta sa auditions para makapasok sa bahay. At batay sa kwento nila, sa kabila ng matinding init na dala ng tirik na araw, at sa halo-halong singaw ng magkakadikit na katawang nanlilimahid sa pawis, ay pumila sila. Pero, sa sobrang dami nilang kakumpetensya, inabutan sila ng deadline – natapos ang audition nang hindi sila inaabot. Sa pagkakatanda ko’y mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon ang audition (late na sila dumating). At kung natatapos ang isang aspirant kada minuto, mayroong 600 aspirants ang nakapag-audition. At labas pa sa 600 na yun yung ibang mga hindi na inabutan – gano’n karami ang gustong mag-housemate (sa Maynila pa lang).
Paano ba naman nila hindi gugustuhing maging housemate (sundin lahat ng sabihin ni Kuya, burahin ang sariling privacy, at putulin ang koneksyon sa iiwang buhay), kung maari silang maging Big Winner (na may sariling bahay at lupa, appliances para sa bahay, kotse, negosyo, maluhong bakasyon, at pambansang kasikatan)? Pa’no nga rin ba magagawang tanggihan ng naglalaway na aso ang mag-sit sa harap ng malinamnam na Pedigree?
Sana ganito din ang sitwasyon ng mga nars (o ng mga edukado) sa Pilipinas – para hindi na nila kailanganing maging OFW (DH, caregiver, yaya, o japayuki) para lang mabuhay. Para naman maranasan din ng bayan natin ang worldclass nilang kakayahan at galing – hindi yung nakakalat sila sa mundo habang iniinsulto ng mga banyaga.
Pero paano gaganahan man lang ang aso na mag-sit kung ang kaharap n’ya ay instant noodles at baril? Mas malamang na maghahanap na lang s’ya ng ibang among pagsisilbihan.
Bilib ako sa mga nars o doktor na nasa Pilipinas, malaking sakripisyo kasi ito sa parte nila. Kaya nga hindi ko talaga maintindihan kung bakit dinukot yung 43 na nasabing health workers. Kung tutuusin ay nagpapakabayani na sila sa pag-aalok pa lang ng libreng tulong-medikal sa Morong, Rizal, pero parang gusto silang gawing martir ng mga militar.
Ang pagkakaintindi ko sa panig ng AFP, kaya daw nila hinuli yung 43 ay dahil myembro sila ng New Peoples’ Army (NPA). Pero, para sa akin, hindi ito sapat na basehan para ilegal na hulihin ang naturang mga health workers. Napakwestyunable nito dahil walang pisikal na ebidensya, pero hindi pa rin s’ya sapat kahit na sabihin nating totoo ang pahayag nila. Iniisip ko, paano kaya kung ang NPA naman ang dumakip sa mga health worker na tumutulong sa AFP? Nakakatakot – buti na lang at hindi nila ito ginagawa. Naalala ko din na maituturing na din pala itong diskriminasyon – porke NPA sila ay wala dapat silang makukuhang atensyon-medikal? Kahit nga sabihin nating terorista (yun kasi ang iginigiit ng AFP) nga ang NPA, walang kinalaman yung 43 na health workers – ginagawa lang nila kung anong dapat na ginagawa ng isang health worker.
Buti na lang at gusto ng mga housemate ang pagkakakulong sa kanila – at mayroon itong mga kapalit.
Palaging tumitindi ang kasabikan sa tuwing papalapit na ang pagtatapos ng PBB. Dumarami ang mga nanonood at nagiging lalong determinado ang mga housemate. Kaya nga tuwing iaanunsyo na ang mga mananalong housemate ay daan-daang tao ang nag-aabang sa harap ng bahay ni Kuya, at, malamang, milyon-milyon ang nanonood sa TV. Ganito rin naman sa lahat ng bagay, pag malapit na ang deadline, cramming.
Sabi sa ilang artikulong nabasa ko, ganito daw ang ginagawa ng AFP, cramming. Hindi daw kasi nila naabot ang target ng kanilang Operasyon Bantay Laya (OPL) – na dapat ay maubos ang mga rebelde. Kaya ang resulta, nagiging desperado sa pagbabawas ng kanilang bilang. Sabi nga nung isang heneral (na nag gawad pa ng parangal sa dalawang sundalong namuno sa pagkulong sa 43 health worker), “this has been the military’s greatest achievement for the past few years” (paraphrased). Hindi ko alam kung matatawa ako o malulungkot – siguro naramdaman ko pareho. Nakakatawa kasi swak na swak sa militar ang imahen ng aso na pinapagba-bite sa harapan ng medalya at cash prize. Sa kabilang banda, nakakalungkot dahil tinuturing pala ng AFP na tagumpay ang naturang krimen.
Krimen, krimen iyon dahil wala kahit na anong warrant ang mahigit 200 na sundalong dumakip sa 43, sinusuway nila ang utos ng Korte Suprema na dalhin ang 43 sa korte, at ang pagbabawal man lang sa kanilang mabisita. Hindi rin naman ata tama ang sinasabi ng AFP na kailangan muna nilang patunayan na inosente sila bago sila pakawalan, dahil labag ito sa karapatang pantao na nakasaad sa Universal Declaration of Human Rights. Sabi kasi sa UDHR, “Everyone… has the right to be presumed innocent until proven guilty.” (Article 11). Nakakatakot nga naman kung ang pagiging inosente ang kailangang patunayan. Kung ganun kasi, pwede nang ikulong kahit sino…
Para kang kumuha ng kahit sino para ikulong sa bahay ni Kuya. Swerte kung gusto nung unsuspecting someone na maipasok, pero paano kung hinde? O kaya, paano kung mahilig pala magmura yung mga nakuha mo? Baka magtunog dial tone ang PBB.
Kaya maganda rin talaga na sinasala ng staff ng PBB ang mga magiging housemate eh. Sa ganoon paraan, nagiging sigurado sila na matino ang papanuorin nga masang Pilipino…
Hindi ko gusto ang PBB, pero mas ikinaiinis ko ang nangyari/nangyayari sa Morong 43. May mga mali sa PBB, pero walang katama-tama yung sa Morong 43. Para sa akin, mas kaabang-abang na ipaglaban ang pagkakaroon ng 43 Big Winners…
[Marso 5, 2010; reflection paper para sa Soc Sci, bitin na bitin na pagpapahayag ng saloobin tungkol sa Morong 43 >:(]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 1:23 AM
+ + +