Linggo, Pebrero 21, 2010
Bang! Bang! Bang! Bang!
Pikit ang mata,
tikom ang bibig,
at payapang nakahiga.
Tahimik
na ninanamnam
ang mga alaala.
Binibilang
kung ilang beses pinagsabihan,
dinisiplina -
dahil sinira ang lababo
nagbutas ng hollow blocks
nagbasag ng salamin
at nagbunot ng aloe vera.
Alam ko marami pang iba,
hindi ko na lang siguro maalala.
Masyado naman kasing pinaaga.
Ni hindi ko pa natututunan tugtugin yung gitara
- galing sa kanya.
Ni hindi ko pa naipapakita yung pinatunguhan ng binbigay n'yang mga pera
yung itsura ko sa mga damit mula sa kanya
na marunong na 'kong sumulat
na magaling pala akong kumanta.
Mga alaala:
swimming sa palaisdaan
habulan sa bubong ng kotseng dadalawa ang pintuan
pagtulog katabi s'ya sa higaan
at mga payong hindi ko naman talaga pinakikinggan.
Mga alaala,
na hinding-hindi na
madadagdagan.
Mga alaalang
mananatili na lamang
alaala.
Sapagkat
ipinikit ang kanyang mga mata,
itinikom ang kanyang bibig,
at pilit s'yang ihiniga!
Hindi na natin ipipikit ang ating mga mata,
hindi na natin ititikom ang ating bibig,
at hinding-hindi na tayo hihiga!
Hahanapin natin kung sino
kung sino, ang lahat ng ito, ay gumawa!
Hindi natin ipipikit ang ating mga mata,
hindi natin ititikom ang ating bibig,
at hinding-hindi tayo hihiga.
Ipagpapatuloy natin
Ipagpapatuloy natin
Ipagpapatuloy natin ang iniwan n'yang halimbawa!
[Pebrero 16, 2010; para sa pinatay kong lolo; sinulat bilang "speech" naming magkapatid (bilang mga apo) sa huling gabi ng lamay; "tinula" doon nung kapatid ko O_o XD; yung huling stanza ay pilit isiniksik dahil parang ayaw ng mga kasama ni lolo sa "simbahan" at mga tito't tita ko na hanapin pa yung mga suspek - delikado daw; in-edit nang kaunti]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 3:25 PM
+ + +
0 Komento:
Mag-post ng isang Komento
<< Home