Martes, Pebrero 2, 2010
Hienddie eh
Malapit na ang 2010 presidential elections at unti-unti nang nagsisimulang mangampanya ang mga presidentiables (kahit nga hindi presidentiables), kahit hindi pa naman talaga nagsisinula ang campaign period.
Pinagagawa kami sa klase ko sa Filipino 40 nang mapanuring papel tungkol sa isang espisipikong political ad. At ang una kong naisip ay kung ano ba muna ang political ad? Ito ba yung mga poster o banner nang mukha ng mga politiko na bumabati ng maligayang pasko o manigong bagong taon nang mas malaki pa ang pagkakaprint ng kanilang pangalan at kahit Enero na? Kasama ba sa depinisyon ng political ad ang mga campaign jingle katulad ng Akala ni Manny Villar, ng Eddie Ako ni Eddie Villanueva, at ng ilegal na Posible ni Gibo Teodoro? At kung political ads nga sila, ibig sabihin ba ay pwede pala silang kasuhan ng early campaign at pandurugas sa ibang kandidato? O kung hindi naman, eh ano pa lang gagawan namin ng pagusuri para sa Filipino 40?
Ano’t ano pa man ang sagot sa mga tanong ko ay sinubukan ko na ring gumawa na pinapalagay na “oo, political ads yung Akala, Eddie Ako, at Posible.”
“Ano ang susuriin ko? Eddie ito!” Ang napali ko ay ang Eddie Ako, ng Jesus is Lord (JIL) founder at standard bearer ng Bagong Pilipinas Party, si Brother Eduardo “Eddie” Villanueva. Ang Eddie ako ay isang campaign song na sinulat ni Paul Armesin at kinanta ng sikat na rapper na si Gloc 9 (wala s’yang apelyido!). Ito ang lyrics:
I
Umasa kang pagbangon ay posible pa
Pangarap nating araw ay sisiskat na
Pag-asay magniningas sa bagong Pilipinas
II
Buong sambayanan magkapit bisig na
Upang tunay na pagbabagoy magsimula
Sa pag sulong ng bayan, makiisa!
Chorus:
Sino pang may malasakit at pag-ibig sa bansa
Sino pa? Eh di ako!
Kailan mag uumpisa? Magkaisa, kumilos na!
Kailan pa? Eh di ngayon!
Sino pa nga bang gagawa?
Sinong pagsisimulan
Sinong magtataguyod ng bayan ni Juan?
Eh di ako!
Rap:
Panahon na para sa pag bangon, sa kahirapan lahat ay umahon/
Ngayon ang oras ng pagbabago isang bayan para sa tao/
Kanino ba dapat ang simula/ Ang pag asa ng bayan ay mag mula/
tungo sa pag sulong ang sagot ko kung walang aako
Eh di ako!
At katulad nang inaasahan sa isang kandidatong hindi naman talaga politiko (walang posisyon sa gobyerno), hindi s’ya makakapagyabang ng kanyang mga nagawa na/ginagawa para “sa kahirapan lahat ay umahon” (accomplishments ba; eh bakit si Noynoy?).
Isa pa, generalized masyado ang kanta. Ang pangunahing pinapahiwatig nito ay kung gaano kaimportante ang bawat indibidwal para sa pagusbong ng “bagong Pilipinas.” Yun lang. Wala man lang pinakadahilan kung bakit kailangan ng bagong Pilipinas o kung ano nga ba ang bagong Pilipinas, o “tunay na pagbabago.”
Ngayon lalabas ang tunay na intensyon ng tula: pagpapakilala. Siguro nga kilala si Bro. Eddie ng ilang porsyente ng mamamayang Pilipino, pero magsisilbi ang naturang kanta sa kanila bilang martilyo na magpupukpok sa kanilang ulo ng pangalan ni Eddie. Parang yung kantang Nobody But You, Korean s’ya at hindi natin maintindihan (at kung sakaling maintindihan man, ay cliché), pero ilang buwan din s’ya nakakapit sa ating mga isipan at dila.
Ang husay kasi ng pagkakalaro sa parariralang “eh ‘di ako.” Sa tuwing bibigkasn mo ang naturang pararirala ay maalala’t maalala mo ang Ako Mismo movement, kaya kahit papano ay magkakaroon ka ng pagpapahalaga sa papel mo, bilang indibidwal, sa lipunan. Yan, syempre ang gustong iparamdam ng mga campaign manager ni Bro. Eddie. Kasabay n’yan ay ang ka-double meaning nitong “Eddie ka.” “Eddie ka” bilang, botante.
O si Eddie ang iboboto mo sa pinakamataas na pwesto sa darating na Mayo.
Nakakapanloko.Dalawa ang ibig sabihin, ang mukha.
Siguro ay masasabi kong mahusay ang naturang campaign song (o yung “Eddie ako” na pararailala lang) dahil sa matalino nitong pakikipaglaro sa mga salita. Pero para sa isang matino at matalinong botante, ay hindi ito sasapat para makuha ang kanyang boto.
Isang dahilan na ang nauna kong sinabi na kawalan nito ng matibay na ebidensya na may maitutulong sa Pilipinas ang pagboto kay Eddie Villanueva bilang presidente, dahil wala pa ngang nagagawa o ginagawa si Eddie Villanueva na masasabing nakakatulong (hindi ko masasabing nakakatulong ang JIL dahil sa sobrang daming rason). Isa pa sigurong dahilan ang pagiging gawa sa “pag-asa” ng buong kanta. Hindi man direktang sinasabi ay mahihinuha nating “ang pagboto kay Eddie ay magdudulot ng tunay na pagbabago, ng pagbangon, at ng pagsulong ng ating bansa.” At dahil sa malagim na karanasan ng sambayanang Pilipino tungkol sa mga pangako o pagbibigay pag-asa ng mga politiko (hal. lahat ng presidente ng Pilipinas), ito ay isang masamang katangian.
Sa pagwawakas, sasabihin kong ang campaign song ni Bro. Eddie ay parang utos ng d’yos (not necessarily the Christian one) na ‘wag gumawa ng (kahit na anong) kasamaan; matatandaan mo, pero malamang sa malamang, ay susuwain mo.
[Pebrero 2, 2010, purpose stated intext ; )]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 11:09 PM
+ + +
0 Komento:
Mag-post ng isang Komento
<< Home