Miyerkules, Agosto 19, 2009
Palaruan
Sa gitna nang damuhan, malapit sa maliit na elementary building, at napapaligiran ng ilang puno, matatagpuan ang pinakamagandang lugar na nakita ko. Dito makikita ang tanging swing, slide, see-saw, at monkey bars, sa buong paaralan. At dito ka lang din magkakaroon ng kakayahang makita ang buong eskwela, ito ang playground…
Ang pulang swing na kinakalawang nasa tanda ay ginagamit pa rin ng mga bata. Kaso, karamihan sa kanila ay nakatayo. Bukod sa madumi itong tingnan dahil sa kalawang, may kanya-kanyang na ring butas ang tatatlong upuan nito. Sa kabila ng masamang kalagayan nito ay, s’ya pa rin ang pinaka-nilalaro ng mga bata. May ilang grupo pa nga ng kalalakihan ang nagpapalakasan gamit ang swing na ito; itutulak nila ang swing ng buo nilang lakas, at kung kaninong swing ang umikot sa stand ng pinakamaraming beses ang panalo. Nasisira nito ang mga dilaw na kadena ng swing, pero napapasaya naman niya ang mga bata.
Apat na metro mula sa harap ng swing, makikita ang nakaharap na slide, na may pinakamaraming aksidenteng naidulot. Bihira itong gamitin dahil nakakabagot para sa mga bata. Ngunit, dahil sa kabagutang iyon, ay kung ano-anong eksperimento ang sinusubukan nila. Maraming bata ang dumeretso sa clinic nang umiiyak dahil sa pagtayo, pagpapadulas ng una ulo, pagsabay-sabay, pag-akyat sa slide mismo, pagtalon sa slide, o anu pang pampasikat na exhibition nila. Isa pang dahilan kung bakit ayaw siyang paglaruan ng mga bata, ay ang kalawang nito. Ilang taon na rin kasi ang slide, kaya ang padulasan nito, yung stand ng picture frame, ay nag-iiwan na ng brown na mantsa sa damit. Sa likod naman niya, makikita ang hagdan na parang nakatayong monkey bars. Kontra sa nababak-bak na asul na padulasan, kulay pula ang anim na talampakang hagdan. Kinakalawang na din ito, pero yung ilalim na bahagi ng mga baiting ay hindi gaanong naapektuhan.
Nakadikit naman sa kanang bahagi ng slide, ay ang sikat na monkey bars. Sa kung anong mahiwagang dahilan, ay hindi ito kinakalawang; ito na ang pinakamaayos sa buong playground! Mas madalas man itong gamitin ng mga estudyante kaysa sa slide, ang kumukupas nitong pintura lang ang deperensya nito. Bawat bar din ay iba-iba ng kulay, kaya pag tiningala mo sila, ay para kang nakakita ng iba’t ibang kemikal sa iba’t ibang test tube na maayos na nakasalinsin sa langit. Madalang itong gamitin ng mga babaeng bata, nanghihila kasi ng short o palda ang ibang bata kapag sumabit ka. Pero yun nga ang ikinatutuwa ng mga kalalakihan, pahiyaan. At, ginagawa din nila itong sanayan. Katulad sa ‘pagbato ng swing’ kanina, nagpapadamihan ng pull-ups ang mga batang lalaki dito, kahit na hinablot na ang asul nilang short at ang puting mickey mouse na brief na lang nila ang naka-gwardya sa kanilang kalalakihan.
Sa gilid naman ng slide at ng swing, tatlong metro mula sa kanila, makikita ang swing. Ang pinakakawawa sa buong playground. Dadalawa lamang sila, na parehong nakakabit sa asul na stand. ‘Yung kulay dilaw ay kinain na ng kalawang at tinalian pa ng isang malaking bato sa isang upuan nito. Nagsilbi itong panukat ng lakas ng mga bata, kung sino makapagakyat ng bato nang pinakamataas, ang s’yang macho. Ang katabi naman nito ay parang balat ng mentos, asul at tinuklap. Nakayuko pababa ang kaliwang upuan nito at may butas naman ang kanan. Hindi ko nga maintindihan kung saan nakuha ng mga bata ang kapangyarihang gawin iyon. At dahil sa kalunos-lunos nitong kalagayan ay halos wala ng naglalaro nito, samantalang dati rati ay isa ito sa mga pinakapinupuntahan.
May isa pang laman ang playground na hindi pwedeng kalimutan. Ito ang halos pitong talampakan na basketball ring na nasa kabilang gilid ng swing. Kapansin-pansin ito, dahil masyado itong mataas para sa mga bata! Pero kahit na ganon, palagi pa ring may naglalaro nito. Ang gamit pa nga nila ay iba’t ibang uri ng bola, yung pambatang basketbol, papel na tineyp para maghugis bola, bola ng jackstone, bato at kung ano-ano pa na bihira naming tumama sa bakal na ring o sa marupok na board. Hindi rin ito pinaghaharian ng kalawang, palibhasa kahoy ang board. Ito ang pinakamataas na lugar sa playground, at pag inakyat mo ito ng buong ingat, ay matanaw mo ang higschool building na, para sa’yo, ay kasing laki lang ng isang notebook. Matatanaw mo rin dito ang mga nakakatandang estudyante na nakikipaglandian, nag-babasa, nagkukwentuhan o nakikipagbasagan ng mukha. Dito makikita ng mga bata ang mundong liliparan nila sa kinabukasan, ang mundong hindi lang tungkol sa paglalaro at pagsira ng mga bagay.
Anupaman, ang playground, pinakamatanda sa elementary department, ay nakatirik pa rin doon, sa gitna ng damuhan, napapaligiran ng ilang puno.
[written on July 2009, assignment]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 12:21 PM
+ + +
0 Komento:
Mag-post ng isang Komento
<< Home