Miyerkules, Agosto 19, 2009
O-ey
Dahil sa lahat ng channel ay si Cory ang bida, hindi ko naiwasang maalala ang People Power, ang pangunahing dahilan kung bakit s’ya binibigyang pugay. Kaso, People Power II lang naisip ko, yun lang kasi ang naabutan ko. Naalala ko ang hapong iyon, katabi ko ang isang punong malapit sa EDSA Shrine at habang kumakain kami nang tanghaliang naka-supot, ay sinusubukan kong basahin ang plakard na inihiga pansamantala sa lupa: “Sobra na! Tama na!” Gusto ko sana ‘yong sabihin ngayon sa karamihan ng taong nakadilaw na t-shirt, ribbon, pin, cap, pants, sando, shorts, jaket, bag, kyutiks, contact lens, sapatos, palda o polo, nakahugis “L” ang mga daliri at sumisigaw ng “Cory! Cory! Cory!” Gusto kong itanong sa kanila kung bakit gano’n na lamang ang pag-aksaya nila ng lakas, boses, pera, papel, oras, luha, at kuryente para lang sa isang libing.
Kung nilaan na lang sana nila ang lahat ng iyon sa pagpapatuloy sa naiwang trabaho at laban ni Cory, edi naging makabuluhan pa ang pagkamatay n’ya. Oo nga’t pinakita na kayang mag-kaisa ng Pilipino, pero hindi naman yata dapat ikatuwa na kung kalian s’ya namatay ay saka lang ibinigay ang hinanap n’yang pagkakaisa…
Isang landlady na nagpapahirap at nagpapatay sa mga magsasaka na nga ang pinupuri nila, nagkalat pa sila sa kalye. “Confetti” daw ang tawag sa ginupit-gupit nilang dilaw na papel at iniitsa kasabay ng ambon. Confetti ngayon, kalat mamaya, kalat pa rin bukas. Confetti, na dahil wala naman silang sapat na janitor di tulad sa mga concert o show, ay maiiwan na nakatambak sa kalye hanggang sa bumara sa mga kanal. Mga kanal, na kasabay ng iniwan din nilang supot, stick at iba pang papel, ay mababarahan na magdudulot lang ng baha at matinding trapik. Masyado kasi silang nagpadala sa kanilang emosyon…
Isantabi na muna natin ang binungang trapik at baha ng prusisyon at tutukan ang kumpol ng lobong hugis Spongebob Squarepants. Tahimik akong nanonood ng lamay, ng “best president” (ayon kay Lim), nang bigla ko silang nakitang binenbenta; nahagip ng kamera. Natawa tuloy ako. Si Spongebob na nakakatawa maski ang pagtawa, ay nasa libing na pinagluluksaan ng buong mundo! Dahil lang sa kulay dilaw din ay nagkaroon s’ya ng silbi sa sambayanang nagluluksa, simbolo. Hindi na inisip ng mga nakakatawang bumili na isang nakakatawang karakter si Spongebob. Hindi bagay sa malungkot at nanghihinayang nilang emosyon. “Basta yellow.” Marahil ang tumatakbo sa kanilang mga utak. Palibhasa, dahil sa mga nangyayari ay naging “yellow = Cory” na.
Ilang oras din nagtagal ang lamay at ilang libo din ang dumating, pero tila wala ni isang nakaisip kung hanggang saan ang hangganan. Ang hangganan ng kanilang “pagluluksa.” Kanya-kanyang pakulo at pakwela, sirena sa Marines, bomba sa bumbero, cannon fire sa AFP, pero naisip ba natin kung bakit nararapat nito si Cory? Ina ng demokrasya, demokrasya bang matatawag ang hindi pagbigay ng libo-libong n’yang ektarya ng lupa na kasama sa kanyang CARP? Marami pa marahil ang ginawa n’yang hindi naman simbolo ng demokrasya. Pero ano pa nga bang magagawa natin, patay na s’ya. Pwes, kung hindi dapat inuungkat ang kamalian ng isang bangkay, bakit uungkatin pa ang mga kabutihan nito? Bakit magko-confetti pa, magi-spongebob, magye-yellow, magkakaroon pa ng bagong bayani, iibahin pa ang pangalan ng EDSA? Hindi naman pala dapat…
[written on August 2009, assignment]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 12:26 PM
+ + +
0 Komento:
Mag-post ng isang Komento
<< Home