–pangngalan[ak-duh-uhn]
1. akda + tambakan
2. lugar na pinaglalagyan ng koleksyon ng mga akda
3. pangalan ng isang blog sa internet (www.akdaan.blogspot.com)
Nakarinig ka ng sigaw, habang naka-L ang kamay at naka t-shirt na dilaw, doon sa Mendiola may shooting pala.
Nakarinig ka ng sigaw habang nilalagyan ng asukal ang kinakain mong lugaw. Para sa mga Cojuanco, mas mahalaga ang lupa kaysa tao.
Nakarinig ka ng sigaw, habang nagpapalamig sa Ever Gotesco. Nage-echo ang tinig ng isang ina: Hustisya para sa pinaslang na asawa, at ilabas ang hinablot na anak.
Nakarinig ka ng sigaw habang nilalagay sa cart ang Colgate, na katabi lang ng Hapee. Dahil g'wapo daw yung kano, ginusto ni Nicole magpakantot.
Nakarinig ka ng utos, este, sigaw habang pilit tinatanggal ang chewing gum na naapakan. Sabi ng chewing gum, este, pangulo: Kailangan natin ng Cha-cha!
Nakarinig ka ng sigaw, na parang galing sa hukay, doon sa Maguindanao. Pero sa pila, ika'y naghihintay, right of suffrage, gamitin daw.
Padami ng padami ng padami ang mga sigaw. Sabi mo sa iyong sarili: Sinong, paano, kailan gagalaw?
[December 5, 2009, revision sana nung "Tayong Nakarinig sa mga Sigaw" pero naging isang bagong tula]
Isang tagabantay ng mga tupa, ang sumisigaw para, ihingi ng tulong ang mga alaga, na ngayo’y nilalapa, ng mga lobong gala.
Walang tumugon sa kan’yang panawagan, na sana s’ya’y samahan, at tulungan, bantayan, ang mga tupang hindi pa napag-tripan.
At bumalik ang mga lobo, hindi pa sila kuntento, nilapa pati ang natirang walo; dadalawa ang nakatakbo. Ang tagabantay, ay humihingi pa rin ng saklolo.
Wala, muli, ang nagmadali, para mamalagi, damayan sana siya sa pagkasawi, at hintayin ang amo n’yang malapit nang umuwi.
At naririyan na naman, mga lobong matakaw sa laman, ang bata’t dalawang tupa’y tinambangan; napuno ng dugo at laman, ang damuhan.
Nang dumating ang amo, imbes na mga tupa ang makatagpo, nadatnan ay kalat-kalat na buto. Sinigawan ang mga abalang taga-baryo, “Bakit hinayaan n’yong mangyari ‘to?”
Samantala, ang mga lobo, ay naglalakabay sa mga bato, nang dahan-dahan, parang namboboso, para makarating sa baryo. Nasarapan ata sa lasa ng tao...
[December 2, 2009, para sa Bagito at sa ating hindi biktima ng Maguindanao Massacre]