Bang! Bang! Bang! Bang!
Pikit ang mata,
tikom ang bibig,
at payapang nakahiga.
Tahimik
na ninanamnam
ang mga alaala.
Binibilang
kung ilang beses pinagsabihan,
dinisiplina -
dahil sinira ang lababo
nagbutas ng hollow blocks
nagbasag ng salamin
at nagbunot ng aloe vera.
Alam ko marami pang iba,
hindi ko na lang siguro maalala.
Masyado naman kasing pinaaga.
Ni hindi ko pa natututunan tugtugin yung gitara
- galing sa kanya.
Ni hindi ko pa naipapakita yung pinatunguhan ng binbigay n'yang mga pera
yung itsura ko sa mga damit mula sa kanya
na marunong na 'kong sumulat
na magaling pala akong kumanta.
Mga alaala:
swimming sa palaisdaan
habulan sa bubong ng kotseng dadalawa ang pintuan
pagtulog katabi s'ya sa higaan
at mga payong hindi ko naman talaga pinakikinggan.
Mga alaala,
na hinding-hindi na
madadagdagan.
Mga alaalang
mananatili na lamang
alaala.
Sapagkat
ipinikit ang kanyang mga mata,
itinikom ang kanyang bibig,
at pilit s'yang ihiniga!
Hindi na natin ipipikit ang ating mga mata,
hindi na natin ititikom ang ating bibig,
at hinding-hindi na tayo hihiga!
Hahanapin natin kung sino
kung sino, ang lahat ng ito, ay gumawa!
Hindi natin ipipikit ang ating mga mata,
hindi natin ititikom ang ating bibig,
at hinding-hindi tayo hihiga.
Ipagpapatuloy natin
Ipagpapatuloy natin
Ipagpapatuloy natin ang iniwan n'yang halimbawa!
[Pebrero 16, 2010; para sa pinatay kong lolo; sinulat bilang "speech" naming magkapatid (bilang mga apo) sa huling gabi ng lamay; "tinula" doon nung kapatid ko O_o XD; yung huling stanza ay pilit isiniksik dahil parang ayaw ng mga kasama ni lolo sa "simbahan" at mga tito't tita ko na hanapin pa yung mga suspek - delikado daw; in-edit nang kaunti]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 3:25 PM
+ + +
Test, Assessment, Exam
Nakayuko sa papel
at pahigpit
nang pahigpit
ang hawak sa bolpen.
Pilit iniiri
ang mga salitang
sa magdamag
ay pilit ding
nginuya,
linunok.
Bakit pa nga ba kinain
kung hanggang sa papel
lang pala ang silbi?
[Enero 29, 2010, ilang minuto bago ipa-workshop, habang nagmamadaling magbihis, para sa Bagito ng UGAT, bagong pamagat!]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 11:09 PM
+ + +
Bangkay
Mayroon bang
TV na walang screen,
radyo na walang speaker,
sapatos na walang swelas,
long sleeve na walang manggas,
dulang walang eksena,
librong walang pahina,
bidang walang kontrabida,
o singer na walang boses?
Eh bakit merong
batang walang pahinga
walang laruan,
manggagawang walang sahod
walang gamit,
magsasakang walang lupa
walang pagkain,
at taong walang karapatan
walang buhay?
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 1:30 AM
+ + +
Amen
Araw,
hayop,
bayag,
kidlat,
alon,
alak,
propeta,
bayani,
D'yos,
.
[Enero 15, 2010, unang tula ko sa 2010, at para uli sa tula tungkol sa pagbabago sa UGAT]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 2:42 PM
+ + +
Metamorposis
Noon
ay itlog
na nananatili
sa isang sanga
habang binabasag
ang kanyang
pinalolooban.
Unti-unti
naging uod,
naglakbay,
at ginawang
sariling teritoryo
ang lahat ng lupang
may dahon.
Ngayon
ay matibay na
cocoon
at ang tanging layunin
ay lumago
ng lumago
ng lumago.
Bukas
ay paro-paro na
ikakampay ang
makukulay n'yang pakpak
ng tagumpay.
[December 25, 2009, para sa tulang tungkol sa pagbabago sa UGAT]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 9:30 PM
+ + +
Dsap
May nag-type
ng "Nsan xa?"
at sinend
sa lahat.
Walang nag-reply.
*ring tone*
1
message
received
Nsan xa?
[December 22, 2009, muling pagtatangka na tumula]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 1:14 PM
+ + +
Tugon
Nakarinig ka ng sigaw,
habang naka-L ang kamay
at naka t-shirt na dilaw,
doon sa Mendiola
may shooting pala.
Nakarinig ka ng sigaw
habang nilalagyan ng asukal
ang kinakain mong lugaw.
Para sa mga Cojuanco,
mas mahalaga ang lupa kaysa tao.
Nakarinig ka ng sigaw,
habang nagpapalamig sa Ever Gotesco.
Nage-echo ang tinig ng isang ina:
Hustisya para sa pinaslang na asawa,
at ilabas ang hinablot na anak.
Nakarinig ka ng sigaw
habang nilalagay sa cart ang Colgate,
na katabi lang ng Hapee.
Dahil g'wapo daw yung kano,
ginusto ni Nicole magpakantot.
Nakarinig ka ng utos, este, sigaw
habang pilit tinatanggal
ang chewing gum na naapakan.
Sabi ng chewing gum, este, pangulo:
Kailangan natin ng Cha-cha!
Nakarinig ka ng sigaw,
na parang galing sa hukay,
doon sa Maguindanao.
Pero sa pila, ika'y naghihintay,
right of suffrage, gamitin daw.
Padami
ng padami
ng padami ang mga sigaw.
Sabi mo sa iyong sarili:
Sinong, paano, kailan gagalaw?
[December 5, 2009, revision sana nung "Tayong Nakarinig sa mga Sigaw" pero naging isang bagong tula]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 3:49 PM
+ + +
Tayong Nakarinig sa mga Sigaw
Isang tagabantay ng mga tupa,
ang sumisigaw para,
ihingi ng tulong ang mga alaga,
na ngayo’y nilalapa,
ng mga lobong gala.
Walang tumugon sa kan’yang panawagan,
na sana s’ya’y samahan,
at tulungan,
bantayan,
ang mga tupang hindi pa napag-tripan.
At bumalik ang mga lobo,
hindi pa sila kuntento,
nilapa pati ang natirang walo;
dadalawa ang nakatakbo.
Ang tagabantay, ay humihingi pa rin ng saklolo.
Wala, muli,
ang nagmadali,
para mamalagi,
damayan sana siya sa pagkasawi,
at hintayin ang amo n’yang malapit nang umuwi.
At naririyan na naman,
mga lobong matakaw sa laman,
ang bata’t dalawang tupa’y tinambangan;
napuno ng dugo at laman,
ang damuhan.
Nang dumating ang amo,
imbes na mga tupa ang makatagpo,
nadatnan ay kalat-kalat na buto.
Sinigawan ang mga abalang taga-baryo,
“Bakit hinayaan n’yong mangyari ‘to?”
Samantala, ang mga lobo,
ay naglalakabay sa mga bato,
nang dahan-dahan, parang namboboso,
para makarating sa baryo.
Nasarapan ata sa lasa ng tao...
[December 2, 2009, para sa Bagito at sa ating hindi biktima ng Maguindanao Massacre]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 11:18 PM
+ + +
P.I.
Maitim.
Mapula.
Hinaharangan,
ng palad,
at binti.
Pinagpapawisan,
habang isinasara.
Minamasdan,
sinasalat,
nilalanghap,
ninanamnam,
sinisiksikan,
pinapapasukan,
nilalabasang,
pilit.
[November 25, 2009, para sa UGAT]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 4:08 PM
+ + +
Censored
Anghel daw ang staff sa naturang resto,
kaya’t ikinagulat, pagkain n’ya’y may insekto!
Insidente’y pinaalam sa lahat ng kostumer,
nilapitan, at nagreklamo sa manedyer.
Nagpumiglas s’ya nang hilahin ng gwardya,
pinalabas, at sinabihang: “hindi ka na magbabalik pa!”
[October 17, 2009, para sa UGAT]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 11:09 PM
+ + +
Super Singit

Sawa ka na ba sa mga hassle sa araw mo?
Pagod ka na ba sa kapipila para sa enrollment?
Tinatamad ka nang mag-prerog, ang gusto mo’y magpa-enlist na lang.
Pagod ka na ba’ng magtanong kung hanggang kalian ka dito?
Ako ang kailangan mo, mag-text ka lang sa number ko.
Hindi na dapat maghirap, sa iisang iglap,
sa pila ay ihaharap.
‘Wag nang mag-atubili, gumamit na ng super singit!
Ako ay kapamilya, o kaya naman ay kakilala.
Saan ka man maghintay, ay narito para umalalay.
Ito ay special offer, sa mga taong kilala ko.
Gumamit ka ng kuneksyon, para ikaw ay umahon.
Ako ang kailangan mo, tumawag lang sa opis ko.
Hindi na dapat maghirap, sa iisang iglap,
sa pila ay ihaharap.
‘Wag nang mag-atubili, gumamit na ng super singit!
[November 3, 2009, adapted from "Super Proxy" by Francis Magallona/Eraserheads (sinoman!), while going home from enrollment]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 6:44 PM
+ + +
Trust
Sabi mo ika'y may supot,
na sa ari mo'y pambalot.
Sabi mo ay ayus lang,
kaya't 'di na 'ko naglagay ng harang.
Ikaw ay nagmadali,
at pagkalipas lang ng sandali,
sa maliit kong katawa'y pumasok,
ang likido mong mapusok.
Ako ay nabigla,
at agad napaluha.
Sinisisi mo ang supot,
pero trahedya'y 'di na mababaluktot.
Tulong mong pinangako,
nasaan na? Naghihintay ako.
Sa sarili, ako na ang nag-ahon.
Nasaan ka sa ganitong panahon?
[October 17, 2009, requirement for Hum 1]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 3:19 PM
+ + +
Blankong Papel
Ano ang dapat 'kong gawin?
Paano ko ito tatapusin?
Sino ang pwedeng tumulong sa akin?
Ilang isip pa ba ang aking pipilitin?
Kailan kaya ako may maihahain?
Saan ako dapat hindi kulangin?
Bakit hindi ako sipagin?!
[October 3, 2009, product of having no ideas for requirements]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 1:36 PM
+ + +
Pagbalik Tanaw sa Chiangkangshan, 1965 – Sa himig ng Shiu Tiao Ko T’ou
Ang pina-pangarap na mahawakan ang mga ulap,
muli, sa pagakyat sa Bundok Chingkang.
Matapos ang paglalakbay ng libong hukbo,
ang dating tanawin ay may bago nang mukha.
Sa paligid, ang mga bintana ay umaawit, ang mga layang-layang ay mabilis na lumilipad,
ang umaagos na tubig ay bumubulong,
at ang malalaking puno ay hinahaplos ang mga ulap.
Pagkalagpas ng Huangyangchieh,
huwag tignan ang ibaba ng bangin.
Rumagasa ang hangin at bumangis ang kidlat;
binuklat ang mga bandila;
Ang kaharian ay pinagtibay.
Tatlumpu’t walong taon ang nagdaan,
sa isang kisapmata.
Abutin ang Kaluwalhatian, hagkan ang buwan.
o lusubin ang limang karagatan upang humuli ng pagong: alin man ay posible.
Bumalik sa pagsasaya at kumanta nang maligaya.
Sa ibabaw ng mundo, walang mahirap,
kung sisikaping lang sana.
[September 17, 2009, assignment, translated from Mao Tse-tung's Chingkangshan Revisited, 1965]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 10:46 PM
+ + +
Alas Otso ng Umaga
Nanghihina,
wala pa ngang ginagawa.
Tumatango,
walang naintindihan.
Lumuluha,
'di naman umiiyak.
Pumipikit,
'di dahil nasisilaw.
Yumuyuko,
hindi naman nagtanghal.
Gumigising,
hindi naman natulog.
[written to try to repel drowsiness on September 9, 2009]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 10:43 PM
+ + +
Kaya 'Kong I-comment Ngayong Gabi
Kaya kong i-comment ngayong gabi ang aking kalungkutan.
I-post, halimbawa, “Ang gabi ay tahimik
at walang kasing lamig.”
Ang tunog lamang ng aircon ang umaaligid sa buong kwarto.
Kaya kong i-comment ngayong gabi ang aking kalungkutan.
Mahal ko ‘sya, at minsan mahal nya rin ako.
Sa mga gabing tulad nito, magkaharap kami sa webcam.
Ilang ulit ko s’yang hinahalik-halikan sa likod ng monitor.
Kaya kong i-comment ngayong gabi ang aking kalungkutan.
Sino pa bang hindi mahuhumaling sa nagniningning at mapupungay n’yang mga mata?
Kaya kong i-comment ngayong gabi ang aking kalungkutan.
Ang makitang single na pala s’ya. Ang mabaliw kakahintay sa kanyang reply.
Na maging mag-isa, na pinalala ng pagiging offline n’ya.
At pumatak ang aking luha, kasabay ng pagtigil ng aking daliri sa ibabaw keyboard.
Saan ba ako nagkamali?
Para kanyang i-delete.
Ito na ba ang lahat? Sa malayo ay naririnig ko ang choppy n’yang boses. Sa malayo.
Hindi ako mabubuhay ng hindi s’ya nakaka-chat.
Hinahanap s’ya ng aking mga mata, para i-screenshot.
Hinahagilap s’ya ng aking puso, kahit na s’yay nag-log out na.
Sa ganitong karaniwang gabi na kami ay parehong maligaya.
Ngunit ngayon, lubhang hindi na.
Single na rin ako, dapat, ngunit marahil ay complicated na lang.
Pinipilit ng aking text na maghanap ng signal upang sa kanya’y makarating.
Sa iba. Meron na s’yang iba. Gaya ng pagpa-pop oup n’ya sa aking YM.
Ang kanyang tinig, katawan. Ang kanyang walang kapares na mga mata.
Single na rin ako, dapat, ngunit marahil ay complicated na lang.
Ang pag-ibig ay bitin, ang pag-limot ay sobra.
Dahil, sa mga gabing tulad nito ay magkaharap kami sa webcam.
Hindi ako mabubuhay ng hindi s’ya nakaka-chat.
Sana’y ito na ang huling kalungkuta’ng ipapamalas n’ya sa akin.
At sana’y ito na ang huling linya’ng ita-type ko para sa kanya.
[August 30, 2009, assignment, adapted from Pablo Neruda's "Tonight I Can Write"]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 2:33 AM
+ + +