Martes, Nobyembre 10, 2009
Deadline
(01:42) Tila kagigising lang n’ya, para s’yang naalimpungatan, kahit na hindi pa naman s’ya natutulog. Kasabay ng natural na lamig ng tubig, ay may nararamdamang s’yang maliit, malalagkit at malalambot na hugis bolang mga bagay sa dulo ng kanyang kulay kalawang na buntot; mga itlog. Tatlong itlog ng kung sinong babae na na-fertilize na ng kung sinong lalaki. Naalala n’yang tag-sibol na, panahon na para magparami, para maghanap ng purong itlog na ife-fertilize, gayunpaman, mas pinili n’yang maghanap ng pagkain. Mabilis n’yang linihis ang kanyang maliit na katawan para nga sana maghanap na ng makakain, at dahil wala rin naman s’yang mapapala sa mga na-fertilize nang itlog.
(01:43) At sa unang kampay pa lang ng tila tela n’yang mga palikpik, ay nakita n’ya ang isang babaeng kumikintab ang mga kaliskis sa sobrang tingkad ng kanilang pagka-kahel. Mabagal ding inaalon ang malambot n’yang buntot na tila kumakaway, kasabay ng paglabas ng mabangong tubig mula sa malansa at mapupula n’yang hasang. At ang pinakamahalaga, nasa may kalapit na koral lang s'ya. Binuga ng lalaki ang lahat ng tubig na kaya n’yang ibuga mula sa kulay lupa n’yang mga hasang, binilisan ang pagkumpas ng kanyang mga palikpik at buntot, at winagayway ng buong lakas ang buo n’yang katawan - para abutan ang naturang babae. Pagkalapit, ay agad n’yang tinapik ng kanyang ulo ang babae. Dinikitdikitan n’ya ito at sinundan. Kinukumbinsi n’yang ilabas na nito ang mga purong itlog n’ya at pumayag na s’ya ang maging ama ng kanyang mga magiging anak.
(01:44) Palibhasa’y napapanahon, kaya’t mabilis silang nag-init. Hindi s’ya binigo ng babae, walang kahirap-hirap nitong nilabas, mula sa isang butas sa ilalim ng kanyang buntot, ang tatlong purong itlog – mga itlog na hindi pa nafe-fertilize. Buong ligaya naman itong sinalubong ng lalaki, at sinimulan na itong i-fertilize.
(01:45) Muli s’yang naalimpungatan, parang bagong gising ulit. At sa harapan n’ya ay may nakita s’yang tatlong na-fertilize nang itlog at isang kulay kahel na babaeng lumalangoy palayo. Walang maalalang dahilan ang lalaki, pero masaya s’ya.
PS: hindi ko alam ang tagalog ng fertilize at hindi totoong tatlong segundo lang ang memorya ng mga goldfish.
[November 9, 2009, for all the world's goldfishes]
Mga etiketa: Maikling Kwento
pinost ni: Nolram Ateug nang 11:25 PM
+ + +
0 Komento:
Mag-post ng isang Komento
<< Home