Biyernes, Oktubre 23, 2009
Buti pa Ako
“Bakit gising ka pa?” ang tanong ko sa aking sarili habang pinapanood ang pag-blink ng “:” sa black and white na screen ng Nokia 1100 ko. 04:08 na daw sabi nitong “24-hour” na orasang nagsisilbing screensaver. “Kasi nag-kompyuter ka lang buong gabi, kaya ngayon, nagka-cram ka sa paggawa n’yang reaction paper mo.” naman ang agad kong sagot. ‘Yon di ‘ata ang sagot ko noong nakaraang madaling araw, at nung madaling araw bago ‘yon.
Gusto ko na rin sanang matulog, pero bukod sa reaction paper na pwede ko pa namang ipagpabukas, ay naiirita ako sa butas nitong bed sheet ng kutson kong walong taon ko nang tinutulugan. Lumulusot yung paa ko at lumalaki lang yung butas, nakakatamad namang palitan pa ‘to at mag-ayos ng higaan. Ang tigas pa nitong mga unan ko. Ang kati din sa batok nung pillow sheet nila, parang may tuldok-tuldok; humulmol ata ang tawag dun. Dagdag pa ang sadyang kainitan ng panahon na nagdudulot ng patak-patak na pawis sa likod ko. Ayaw naman kasi ng aking mga magulang na ipa-erkon ang bahay, kaya’t kahit na naka-number three na ang electric fan sa kwarto ko, at nakahiga lang naman ako, ay pinagpapawisan pa rin ako.
At parang napagod sa kakareklamo ang utak ko, kaya sapilitan na akong pinahibing ng antok.
Kinabukasan ay nagising ako sa lakas ng T.V. ng kapitbahay, rinig na rinig ko ang boses ni Willie Revillame habang kumakanta s’ya sa Wowowee. Nagdadalawang isip pa akong bumangon kahit na alas dose na ng tanghali, wala naman kasi akong lakad ngayon, at wala naman akong ibang kasama sa bahay.
Wala akong ibang kasama sa bahay, yes, pagkakataon na para kumilos ng walang bawal! At dahil sa realisasyong malayang malaya ako ngayon, ay inangkin ko na naman ang laptop ng aking ina, binuksan ang router, nagbukas ng cereal, nilabas ang gatas, kumuha ng mangkok at kutsara, at nag-almusal habang nagfe-facebook. “Ansarap mabuhay.” bulong ko naman sa aking sarili.
Sa pagtingin-tingin ko sa mga pinost ng mga kaibigan ko ay nakita ko ang isang bidyo mula sa isang dati kong kaklase, “Google’s Office” ang title. Naintriga ako, kaya’t pinindot ko ang tatsulok na buton para i-play ito. At habang nasasaksihan ng aking mga mata ang libreng-mamahalin-dapat na mga pagkain, libreng masahe, libreng gym, libreng kotse, at ala-playground na kapaligiran na tinatamasa ng mga empleyado ng Google, ay sabay na gumuho ang masayang timpla ng araw ko. Biglang bumagal ang internet sa luma na palang laptop, at biglang kumunat ang hindi naman pala masarap na cereals.
Sabi nga, “there is always someone out there better than you.” Bwisit, bigla na din tuloy pumanit ang restaurant ko sa Café World, biglang humina ang karakter ko sa Mafia Wars, biglang nabulok ang bukid ko sa Barn Buddy, biglang lumiit ang utak ko sa Who Has The Biggest Brain?, at bigla ako naging mumurahin sa Friends For Sale.
At bigla na ding uminit, kaya’t ninumber three ko na itong elektripan na puro alikabok, bago magtype muli para dito sa reaction paper…
Tungkol sa relief operation sa Montalban, noong Oktubre 10, dapat ‘tong reaction paper ko. Tungkol sa pagbyahe namin ng halos dalawang oras, mula sa UP-Diliman hanggang sa nasabing lugar, sa tuktok ng isang garbage truck; sa kaba na naramdaman namin habang tumatawid sa mahabang tulay na gawa sa halo-halong kahoy; sa ganda ng biak-na-bato na pinaghihiwalay daw ni Bernardo Carpio; sa mga larawang kinuha ng masasaya kong kasama; sa mga puting bato na mas malaki pa sa tao; sa sobra-sobrang init na naranasan namin; sa sayang dulot ng bagong karanasan namin.
Sa totoo lang ay hindi ko naman ginustong sumama sa relief operations nung una. Sino nga naman ang gugustuhing gumising na madaling araw, magbyahe papunta sa malayong lugar, magbuhat ng mabibigat na bagay, para lang tulungan ang mga taong ni hindi mo naman kilala? Si Mother Theresa, malamang. Pero ako, na hirap gumising ng maaga, sanay matulog sa byahe, at halos walang kakayahang magbuhat ng mabibigat na bagay, ay hindi. Nag-positive thinking na lang ako na magiging masaya ang karansan na iyon, para hindi ako tamarin dahil kailangan s’ya sa Hum 1. Inisip ko na dahil kasama naman ang blockmates ko, ay parang bonding na rin ‘yon, dahil kasama naman ang crush ko ay oras na para magpasikat, na dahil libliba ng lugar ay maraming kakaibang tanawin ang makikita, na magiging masaya dahil kakaiba.
Hindi pala.
Nagbago ang lahat nang makapunta na kami sa sira-sirang Chapel na nagsisilbing sentro ng relief operations. Dinaanan namin ang makapal na pila ng mga tao, sa ilalim ng nagbabaga at tirik na araw. Isa ako sa mga naatasang mag-interbyu sa mga ri-relief-an (para daw sa documentation), kaya’t agad naman kaming nagsimulang magtanong-tanong gamit ang mga questionnaire na binigay sa amin.
Marami ang nawalan ng mga tanim na saging, o kamoteng kahoy dahil tinangay ito ng putik, tinabunan; ang naubusan ng maisusuot na damit dahil naputikan din ang mga ito o inanod na sa kawalan; ang nasiraan ng mga gamit pangkain; mga nasiraan ng mga notebook o mga libro; at ilang nawalan ng bahay mismo. At sa bawat sagot nilang mga nasalanta, ay unti-unti akong nakabuo ng awa sa aking sarili…
Para pala akong tangang reklamo nang reklamo; sa butas na bed sheet, sa makunat na cereals, sa lumang laptop, sa kawalan ng erkon, at sa pagtulong mismo. Nakakaawa ako at ni hindi ko binibigyang halaga ang mahahalagang bagay na meron ako, at na may gana pa akong magreklamo. Nakakaawa ako dahil sa kabila ng trahedya nangyari, ako na hindi naman nito naapetuhan, at may kakayahang tumulong ay puro luho pa ang iniintindi.
Hindi naman kailangan ng awa, ng motibo, o ng kapalit, para lang tumulong. Simple lang naman: Kailangan nila ng tulong at kaya mong tumulong, ‘di tumulong ka. Hindi yung pupunan mo lang ang luho mong hindi mo naman talaga kailangan, hindi yung magbabasa ka ng kung ano-anong pocket book para kiligin at umasa sa mga pantasya; hindi yung magda-download ka ng mga pelikula para umasa na kaya mo rin yung ginawa ng bida, dahil bida ka din; hindi yung manonood ka ng kung ano-ano para mainggit sa luhong natatamasa din ng ibang tao.
Luhong natatamasa ng ibang tao, tulad sa “Google Office.” Libo-libo ang opisina ng Google, at lahat ay magarbo at may kanya-kanyang pakulo para punan ang sari-saring luho ng kanyang mga empleyado. Kung kalahati man lang sana ng ginastos para dito ay naipamahagi sa mga nangangailangan…
Hindi ito inggit dahil mas maganda ang buhay nila kaysa sa akin. Ito ang solusyon.
Sigurado akong hindi pa sapat ang kakaunting tulong na naipamahagi namin sa Montalban, pero sana, matanto din ng mga kapwa ko may kakayahang tumulong, o nang ibang kayang solusyonan na mismo, ang obligasyon naming tumulong. Sana maisip nating lahat na “there is always someone out there, in a worse situation than you.” At sana kumilos tayo para mawala ang pagkaka-ibang ito, para mawala ang “better” at ang “worse.”
Malamang sabihin mo na pangit ang sanaysay na ito, buti ka pa nga, nababasa mo ‘to.
[October 20 - 21, 2009, reaction paper for Hum 1]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 4:39 PM
+ + +
1 Komento:
Hindi ko sasabihing pangit ito sapagkat ayoko magsinungaling.
Magaling, e. Medyo nakakaaliw at nakakagana. Hindi nakakatamad basahin. Gusto ko rin 'yung istilo mo na ikinuwento muna 'yung pangyayari habang ginagawa 'yung reaction paper.
Mag-post ng isang Komento
<< Home