Biyernes, Oktubre 2, 2009
artsandsciencesgallery.com
Ilang oras na lang bago mag-tanghalian nang makarating ako sa Uste. Nagmamadali kong nilakad ang covered walk para makarating sa puso ng pa-krus nilang teritoryo. Sa harap ng kanilang Main Building, ay ang isang mapag-anyayang pinto. At nakatindig sa gilid nito ang pangit na gwardyang hinarang ako noong nakaraan, dahil naka-shorts at tsinelas lang daw ako. Pwes, naka-maong na pantalon at rubber shoes na ‘ko ngayon. Tignan natin kung mapigilan pa n’ya ‘kong pumasok…
At hindi man lang n’ya ako napansin. Swabeng-swabe ang paglagpas ko sa kan’ya, na parang isang eksena sa telenobela kung saan nagka-salisihan ang mga bida. Para tuloy s’yang ilong na ang tanging trabaho ay papasukin ang mga oxygen, at pigilan ang mga hindi; gaano man kadumi o kalinis. Eh pa’no pala kung may bomba akong dala? Patay na!
Matapos akyatin ang isang hagdang kahoy, na halos tatlong nakahigang maiingay na Thomasian ang lawak, ay nakarating na ‘ko sa kanilang Museum of Arts and Sciences. Pinasok ko ang bukas nitong pinto, dineposit ang luma kong bag, nagbayad ng bente pesos na entrance fee (kahit nakapasok naman na ‘ko), at naghanda nang libutin ang malamig, siksik, at tahimik na museyo.
Sa unang limang hakbang ko pa lang ay ginulat na ako ng liyon, cheetah, St. Bernard, orangutan, at usa na nakaabang sa isang gilid. Napalayo ako at nanlaki ang mga mata, buti na lang at walang nakakita, halos wala naman kasing tao. Mga stuffed animals lang pala sila, buti na lang. Tinext ko na nga lang ang kaibigan kong si “Yen” (hindi n’ya tunay na pangalan), para samahan ako sa araw na ‘yon, tour guide! At habang hinhintay ko s’ya, pinagpatuloy ko na ang paglibot. Wala namang masyadong kakaiba sa mga stuffed animals nila. Makatotohanan ang mga lemur, musang, squirrel, cockatoo at daga na paulit-ulit kong nakita. Teka, may squirrel ba sa Pilipinas? Saka cockatoo? Sa pagkaka-alam ko, wala. Ibig sabihn, karamihan sa mga hayop dito ay imported. Grabe din, pati ba naman stuffed animals, inaangkat pa? Ayus lang sana dahil may tig-isang Philippine eagle, at tarsier naman. Kaso, bakit kaya mas marami ang kopya/piraso ng squirrel, flying squirrel, lemur, flying lemur, cockatoo, (flying cockatoo?)macau, at toucan? Nasa Pilipinas pa naman ako ‘di ba? At bigla nang dumating si Yen. Yep, nasa Pilipinas nga ako.
Katapat naman ng hilera ng dayuhang mga stuffed animals, ay mga estanteng may mga shell. Mga shell, na halos pare-pareho ang itsura at kakaunti lang ang kapansin-pansin. Ang pinakanatandaan ko lang ay yung isang parang maliit na violin at yung isang paikot na shell na ginagamit na halimbawa, ng mga textbook, sa manipestasyon ng pi sa kalikasan. Binaggit ko ito kay Yen, at “oo nga” lang ang naging tugon n’ya. ‘Di ko pa sigurado kung na-gets nga ba n’ya ko. Wala man lang naman kasing nakasulat na kung anong tungkol sa mga shell. Mga codes lang, halo-halong numero at titik na hindi namin maintindihan. Naglagay man lang sana sila ng maikling trivia: “This shell shows pi.”
May mga bato pa sa isang gilid, na hindi ko pa malalamang fossils pala kung hindi sinabi sa akin ni Yen. Hindi halata yung imprints sa karamihan, pero nakakapanindig balahibo yung isa, kitang-kita yung hugis ng bungo ng isang hayop…
Sa gitna naman ay ang pinakamakulay na pwesto sa museyo. Mga origami, paper mache, at mga papel na ginupitan ng sari-saring desenyo (jeep, tao, ibon, mukha ni Cory, atbp.) ang makikita dito, iba’t ibang kulay sila at tunay namang nakakamangha. Maliban pala sa ilang mga paper mache, nakakatawa kasi yung pagkaka-gawa sa iba, parang minadali lang… Nagulat na naman ako nang tinuro sa ‘kin ni Yen ang mga naka-displey na iba’t-ibang hugis ng stainless na gunting, bigla akong nagtaka kung bakit may mga modernong gunting doon. ‘Yun pala yung mga ginamit sa paggugupit nila ng desenyo. “May mailagay lang…” naisip ko.
Kapuna-puna na naman na dayuhang sining ang naka-displey. Ang origami ay mula sa mga Hapon, ang paper mache, sa Gitnang Silangan, at ang paper cutting, sa Tsina, Europa, at Mexico. Bakit kaya hindi paggawa ng pamaypay mula sa abaka, pitakang yari sa palaka, o barrel man ang itampok nila? Walang laman na “Pinoy!”
At, isa pang nakaka-iritang puna, walang mga petsa! Kulang-kulang pa ang mga impormasong nakasulat, yung iba nga wala! Ni hindi kumpleto ang scientific names ng mga hayop, samantalang ang dali-daling i-google nun! Nakakairita, kasi kung ang itsura lang pala ng mga hayop, mas madali, mas malinaw, mas mabilis at libre ko pa yang makikita sa internet.
Hay. Kahit na may hinanakit ako, tumuloy na rin kami sa ikalawang palapag ng museyo(dahil ayoko din namang masayang ang bente ko). Dumiretso kami sa kwarto ng mga religious relic. Puros estatwa o ukit ng mga santo, madre, pari, anghel, ni Maria, at ni Kristo. Kulang-kulang pa din ang impormasyon dito. May mga petsa na (16th hanggang 17th siglo), pero katawa-tawa pa rin ang pagsisikap nilang ipakilala ang ilang di-makilalang estatwa; “A Man Praying, A Man Holding the Bible, o kaya ay A Christian Woman” ang ilan.
Mabuti na rin at may mga petsa itong mga estatwa, naalala ko tuloy na, sa gitna at pagkatapos ng rebolusyon, ay nanatiling Kristyano ang mga Pilipino. Na hindi tulad ng pagsunog ng Espanya sa mga Anito ng Pilipinas, ay iningatan ni Juan si Hesus. Ang espada lamang ng Espanya ang naitakwil, at ang krus ay nanatili. Nandun pa nga yung malaking krus, nakasabit sa gitna nang kwarto, naka-pako pa dun si Kristo. Gusto ko sana hawakan, kaso bawal, may security cameras pa naman daw. Tsk!
Pagkalabas namin ni Yen, na tahimik lang (di tulad ko) dahil bawal nga naman mag-ingay sa loob, ay una naming nakita ang isang malaking armory. Ang itim nitong katawan ay may mga pulang disenyo at mga parteng natuklap na ang pinta kaya kita na ang kayumangging kahoy. Bahagya pa kaming nagtalo kung ano ba ito, mukha lang kasing kabinet. Katapat naman nito ay isang estanteng may salamin na may mga sulat/liham. “Mga publikasyong kulay kape, kakaiba ang alpabeto at lenggwaheng gamit, may kaunting mga punit at… MAY SULAT NG MARKER?! Ano yun?!” Ganyan ang naging takbo ng utak ko pagkakita ko sa “1598” na sinulat gamit ang isang marker sa lumang papel. Sinalamin pa naman nila para hindi mahawakan, tapos sinulatan lang pala ng permanent marker. Grabe, binigay nga yung impormasyong kanina ko pa hinahap, sinira naman yung artipakto.
Ang sumunod na displey naman ay mga sinaunang paso, banga, tasa, at plato. Tig-isang pwesto, na kasing lawak ng isang wide-screen LCD TV, ang mga bansang Tsina, Korea at Japan. Kahit na pinagtagpi-tagpi na lang ang mga paso, banga, tasa at plato nila, kitang-kita pa rin ang kagandahan ng mga disenyo. Sa pwesto ng Japan, may mga manikang mukhang Mongolian Emperors, nakakatakot. Ni hindi nga na naman namin sigurado kung ano ba yung mga manikang yun, o kung mga manika nga sila. Wala na naman kasing nakasulat! Sa pwesto naman ng Tsina, may mga mapa ng mga ruta nila para sa pakikipagkalakal. Ang nakakatuwa sa mga mapa, ay para silang gawa ng bata. Tuwid ang mga linya nito at walang kadeta-detalye. At kung ikukumpara s’ya sa mga mapa ngayon, na eksaktong-eksakto ang pagkakaguhit, o sa mga galing pa mismo sa mga satellite, sa Google Maps, ay malamang manliit s’ya. Anlayo na din kasi ng narrating ng teknolohiya natin.
Sa sumunod na hilera naman ay may mga antigong gamit para sa mga relihiyosong sakramento, mga chalice, krus, baso, bote, at tray. Sa tapat nila ay may baby grand piano, na hindi na naman namin malalamang baby grand piano pala kung wala ditong nakasabit na: “Please ask for assistance when playing the baby grand piano.”
Sa isang gilid naman ay mga sinaunang pera at mga medalya. Ito na ata yung may pinaka-maayos na impormasyon sa buong museyo. May petsa, nakasulat kung saang bansa ginamit, at nakasulat kung bakit ginamit. Nakita namin yung kakaibang kapal ng mga barya at mga medalya, yung mga sinaunang piso, at mga pisong papel na dolyar na dolyar ang istilo. Naalala ko tuloy yung kinuwento sa ‘min ni Prof. Digna Apilado, sa Kasaysayan 1, na “ang pera noon ay dolyar na dolyar ang itsura, magugulat ka na lang pag nakita mo yung mukha ni Rizal.” Si Rizal pa, nabanggit din na mga Amerikano ang naghirang sa kan’ya bilang Pambansang Bayani. Dahil nga payapa, hindi subersibo at kampi s’ya sa mga kolonisador. At kitang-kita ko naman dito ang naging suporta ni Uncle Sam sa kan’ya. May medalya pa para sa ika-isangdaan n’yang kaarawan, nasa pera din s’ya. At si Andres Bonifacio? Ang pasimuno ng rebolusyon na pinag-isa ang buong Pilipinas at nagapaalis sa mga mananakop. Wala. Ni Andres, ni Bonifacio, wala.
“Next!” para rinig kong bulong ni Yen. Kaya minasdan na namin yung susunod, isang upuan. Isang magarang upuan na gawa sa makintab na kahoy, dinikitan ng madisenyo at puting kutson, at inupuan ni Pope John Paul II noong January 1995 nang bumisita s’ya sa Maynila dahil sa World Youth Day. Yan, kumpleto. Edi ang dami kong nabahagi. Itong iisang upuan na ‘to kasi ay may katabing isang estanteng puro impormasyon tungkol lang sa kan’ya lang ang nakalagay. At kahit na kasisimula ko pa lang basahin ang “Please do not touch” na karatula, ay hinaplos ko na ito. Mainit! (joke) Wala namang tumunog na alarm.
Eto na! Ang pinakapaborito kong seksyon sa buong museyo. Ang pwestong nakalaan para sa Pilipinas! (clap, clap, clap, clap) Tatlong pwestong kasing lalaki ng sa Tsina, Korea at Japan ang binigay nila para sa Pinoy! “Masayang masaya na sana ako, pero nanalumo ako nang makita ko ang mga bangang Pinoy. Parang gawa lang ng mga artistang hinamon ng isang reality show. Lala na’t paglingon ko’y tanaw ko ang katapat nitong mga banga/paso na gawa naman sa Tsina. “Worlds apart” ika nga.” Gan’yan na sana ang isusulat ko, bago ko naalala: Aba teka, magkapareho ba sila ng panahon ginawa? Baka naman kaya mukhang amateur ang bangang Pinoy ay dahil ginawa iyon noon pang pre-history. ‘Di tulad ng sa Tsina na pinangangalakal na nila gamit ang mga bangka. Baka naman kaya “worlds apart” ang kalidad ay dahil “ages apart” ang pagitan ng paglikha. Kaya napakaimportante talaga ng mga petsa. Natawa naman ako bigla, dahil sa nakita kong hawakan ng takip ng isang bangang Pinoy na hugis tao. At hindi lang ulo, dalawang braso, at dalawang binti ang nakalawit sa kanya, pati titi nakatingala sa langit! May nabuo tuloy akong teorya tungkol sa pinagmulan ng barrel man ng Baguio…
Sa sumunod na estante naman ay mga gamit pang-digma. Napaka-pino ng mga espada, sibat, at palasong nakasabit. “Mas magaling sila sa bakal” komento ni Yen, na kitang-kitang tunay naman. Iba’t iba ang disenyo ng mga esapada, walang patuwid at simpleg katulad sa mga Romano, at wala ding medyo patagilid na parang katana ng mga Hapon. Ang meron, pagewang-gewang na parang malaking kris, pakurba at makapal na parang malaking itak, at iba pang may mga pinong disenyo ang patalim at hawakan. Pati palaso, kakaiba. Yung isa nga ay pabuka yung dulo, yung tipong pag tinamaan ka, ay hindi ka maililibing na hindi iyon kasama, malabo na kasing mabunot pa nang hindi nawawarat ang katawan mo. May isa ding kalasag, gawa sa kahoy, payat at may disenyong butiki, ang kyut nga. May isa ding “armor” daw, sabi ni Yen. Hugis vest nga, pero mukhang buhol-buhol na kadena.
Naghanap ako dito ng sandatang ginamit noong panahon ng Katipunan. Bolo, itak, o rebolber sana, kaso, wala naman. Puro mukhang (dahil di naman kami sigurado kasi wala paring nakasulat) pre-kolonyal…
Yung sumunod naman ay mga kagamitan sa paghahabi ng tela. May mga tela na may makukulay na pattern, hawig sa mga nasa banig. Yung isa, may mantsa pa na di namin malaman kung dugo ba dahil sa pakikipaglaban, alay, o regla lang. Wala pa rin kasing nakasulat. Pati yung mga kahoy doon na mukhang simpleng tabla lang hindi naming maintindihan kung paano ginagamit sa paghahabi. Kaya tumuloy na lang kami sa huling sulok ng museyo. Pinoy pa rin, mga lumang instrumentong etniko naman. May mga gitara na iisa lang ang string (o iisa na lang ang natira), mga flute, at ang pinakakinatuwaan namin, violin. Buhok ng tao kasi ang ginawang string, pati sa bow. Madami pang ibang instrumento, pero dahil nga sa kawalan ng mga nakasulat na impormasyon, hindi na naman namin malaman kung ano sila, may tabuli ata, saka kalintyaw? Hay. Buti sana kung parang Jollibee ‘to na palaging may pwedeng pagtanungan.
Katabi din ng mga instrumentong di namin matukoy ay ilang mga estatwa/rebultong Pinoy. May isang medyo hugis tao, gawa sa putting bato, at may isang taling buhok ng tao sa tuktok. Nakakapangilabot nga, para itong may sumpang sandaang taon na n’yang hinihintay ipasa. Yung dalawa pang estatwa/rebulto, gawa na sa kahoy na may barnis pa, halatang bago (na tinabi sa mga luma). Yung isa nga ay life-size at mukhang Aeta, payat, kayumanggi (kahoy eh!), kulot, matangkad, at may panaggalang may disenyong butiki.
Pagkatapos, tapos na. Yun na yun. Bumaba na kami sa hagdan, at pinagmasdan sandali ang grandfather’s clock na nakatayo, kunwari meron pa.
Kinuha na namin ang luma kong bag at ang bagong sa kan’ya. At tuluyan ng lumabas sa Museum of Arts and Sciences, na dahil sa halos kawalan ng teksto/impormasyon ay pwede na ring tawaging Gallery of Arts and Sciences. Para lang kasi kaming nag-internet at nagtitingin sa mga litrato, na wala man lang maski caption! Kaya din siguro kakaunti lang ang tao doon, alam nilang mas madali at mura pa kung igu-google na lang nila. Sana lang, hindi ganito ang karamihan ng mga museyo, sana gumagawa sila ng paraan para agawin ang mga mata ng kabataan mula sa mga monitor…
Paglabas namin ay maingay na, kaya nagsimula na din ako ng kwentuhan, “Ano na uli yung P.E. mo?”
[from September 29 to October 1, 2009, reaction paper for Kas 1, make-up essay for Fil 25]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 2:51 PM
+ + +
0 Komento:
Mag-post ng isang Komento
<< Home