Huwebes, Oktubre 15, 2009
Palusot sa Pagpupuyat
“Psst!” Ayan na naman ang nakakairitang sitsit ng aking ina. Na kahit isang palapag ang pagitan namin, ay napuputakti pa rin ang malalaking kong tenga. Para s’yang alarm, mas nakakagising pa nga kaysa sa alarm.
Gusto na n’ya yata akong patulugin o gusto lang n’yang makatulog na. ‘Rinig din kasi sa kwarto nila, sa taas, itong ingay ng T.V. na dumadagdag pa sa ingay ng aking amang humihilik. Ako naman, dito sa baba, ay hinihintay matapos ang alam kong maikling mga patalastas. Habang pilit hindi iniintindi ang makabasag taingang sitsit galing sa taas.
At naubos na ang mga patalastas, balik sa i-Witness. Ang dokumentaryo nila ngayon ay “Don’t English Me!” ni Howie Severino, tungkol sa kung ano ba ang dapat wikang panturo. Matagal ko na itong inaabangan(mga tatlong araw ata), hindi dahil sa interisado akong maging parte ng kahit na anong ilegal na kalakalan, kundi dahil gusto kong malaman ang tunay na kalagayan ng lipunan. Isang kaalaman na hindi ko makukuha sa panonood lang ng mga telenobelang mas maagang ineere.
Mga telenobelang mas maagang ineere, yan ang Darna, Stairway to Heaven, at Rosalinda. ‘Yan din ang panahong pinapapahinga na muna namin ang T.V., dahil alam na naming wala kaming mapapala, o baka mainis pa nga kami, sa mga palabas na iyon. Mga palabas na masasabi kong perpektong depinisyon ng salitang “cliché.”
Bakit?
Una, laging happy ending. Kahit na ilang dekada nang walang kumunikasyon, ilang libong milya ang layo, at ilang daang tao na ang nakilala, ay magkikita, maaalala, at magkakatuluyan pa rin ang mga bida, anumang mangyari. O kaya naman ay iskwater ang babae, at anak ng pinakamayaman at pinakamakapangyarihang kontrabida ang lalaki, o vice versa. Sa katapusan, biglang yayaman ang isa sa kanila o tatanggapin na lang ng mga kontrabida ang lahat. Ganyan din ang timpla kapag pangit ang isa sa mga bida, magpaparetoke na lang s’ya at tapos na ang problema! Minsan naman, pinaghahalo-halo, pero ganun pa rin ang ending, “and they lived happily ever after.”. Sa huli, pinaaasa nila ang mga manonood sa mga pantasyang point zero zero zero something ang posibilidad na mangyari. Sinasaksak din ng mga ito sa utak nating mga manonood na kailangang maging maganda o gwapo para lang magkaroon ng makulay na love life. Na lahat ng pangit ay kontrabidang walang kaluluwang pagsasagaran ng kasaman, o ekstrang binabatuk-batukan lang para may mapagtawanan.
At ikalawa, lahat sila ay tungkol sa “wagas at tunay na pag-ibig,” soul mate, tadhana, at “love conquers all.” Kumbaga sa pagkain ay nakakaumay na. Ito’t ito ang lang ba ang interes ng mga Pilipinong manonood?
‘Di ba’t makabayan ang mga Pinoy? Marami ngang nagsusuot ng mga t-shirt, sando, short, cap, jacket, bag, sapatos, burloloy, at kung ano-ano pang may three stars and a sun. Ibig sabihin, handa ang Pilipino na… makisabay sa uso. Kailan ba nauso yang three stars and a sun? At kalian namatay ang nagpasimuno ng ganyang design? Ibig sabihin ba ay maituturung ng bayani si Francis Magallona dahil napukaw n’ya ang pusong pagkamakabayan ng masang Pilipino?
Ganito kamakapangyarihan ang mass media. May isang celebrity lang ang namatay, at kumalat na sa buong Pilipinas ang kanyang negosyo. Kung sino-sino na ang nagtatak ng three stars and a sun kung saan-saan. At katulad ng mabilisang pagsulpot ng piniratang t-shirts na ‘to ay ang dalian din pagkabura ng mabuting intension ng Master Rapper. Marahil nga’y makabayan naman talaga si Francis M., batay sa mga kanta n’ya, pero hindi ito ang nakikita ng karamihan. Nag nakikita lang natin ay astig, cool, maganda, sosyal, at uso ang mga patriotic t-shirts n’ya. ‘Yun lang kasi ang pinapakita sa T.V., mga gwapo’t macho o maganda’t sexy na artista pa ang nagsusuot sa kanila. Kakaiba nga naman, bandila sa t-shirt, pero hindi naman pinalabas sa T.V. ang mga kaakibat na obligasyong moral sa pagsusuot ng bandila… Maski nga ako ay naakit at ginustong bumili ng kahit isa man lang sa mga gano’n(lalo na yung mukha ni Rizal na niretro). Pero nang makita ko, sa paglipas lang ng ilang araw, ang unti-unti pagbabago ng kaastigang dala ng pagsuot nito, patungo sa pagiging nagpapaka-patriotic at nakikisabay sa uso, ay sinuka ko na ang kagustuhang makapagsuot nito. Bukod pa sa wala akong pera.
Kawalang ng pera, yan ang nagtulak kay Kodi na tanggapin ang trabahon alok ni Cholo kahit na pinagbawalan na s’ya ng kasintahang si Tristan – paalala ng kapatid kong pilit binubuhay ang usapang telenobela sa bahay. Kahirapan, isang konspeto lalo lang pinalalabo ng mga telenobela. Hindi ba’t kapansin-pansing dadalawa lang ang uri sa nobela? Kung hindi nalulunod sa sobrang kayamanan, ay lumulutang na parang bangka sa sobrang kahirapan ang mga karakter. Lalo namang kapuna-puna na hindi binabanggit kung bakit nga ba mahirap sina Jodi at Tristan. Dahil ba ninakawan sila? O dahil walang pamana si Tristan? O dahil tinakwil si Jodi? O simpleng dahil nagtanan sila?
None of the above. Hindi ako sigurado kung ito ang tamang paliwanag, pero malinaw para sa akin na hindi lang sina Jodi at Tristan ang naghihirap sa paligid nila; pati nga mismo ang best friend ni Jodi ay mahirap. Ibig sabihin, may mas malawak at mas malaking dahilan kung bakit naghihirap ang mga cliché na tauhang ito. At kung anuman ‘yon, ay hindi ko pa kayang ipaliwanag ng tuwiran.
Kaya ako nanonood ng mga dokumentaryo tuwing gabing mag-uumaga Kulang pa kasi ang kaalaman ko, nauuhaw ako. Kulang pa ang kamalayang political, praktikal na kaalaman, kamulatang pangkalikasan at kasanayang panlipunan ko. Ito ang mga bagay na sa tingin ko ay mas karapat-dapat pagtuunan ng pansin at oras kumpara sa “love conquers all.” Mga bagay na may kabuluhan…
Hindi ba’t mas may kabuluhang malaman na nauubos na ang Philippine Eagle at Philippine Crocodile kaysa na mahal na mahal nina Rosalinda at Fernando Jose ang isa’t-isa, naa kulang-kulang ang mga gamit sa pampublikong paaralan, ospital at opisina kaysa na mahal na mahal nina Narda at Eduardo ang isa’t-isa, na sa sobrang kahirapan ay maraming paslit ang napipilitang magtrabaho, kaysa na mahal na mahal nina Jodi at Cholo ang isa’t-isa? Nakakarindi, bukod sa paulit-ulit ay wala namang saysay. Samantalang ang mga bagay na nangyayari sa paligid natin, mga bagay na s’yang dapat nating pinagchichismisan, ay hindi nabibigyang diin, nasa likod, sa hulihan. Itong mga bagay na maar pa ngang makatilong o makapagpamulat sa atin.
Pagkamulat, yan ata ang tawag sa naranasan ko nang mapanood ko ang “Don’t English Me!” Tinatalakay nito kung epektibo nga ba bilang“mode of instruction” ang Ingles. At sa huli’y pinakita nito kung gaano kabaluktot ang pagiisip na kung magtuturo ka ng isang asignatura gamit ang Ingles ay gagaling sa asignaturang iyon at sa Ingles ang tinuturuan mo. Dati pa naman ako naniniwalang hindi dapat itulak na Ingles ang wikang panturo, pero mababaw o malabo ang dahilan ko: dahil Pilipino ang pambansang wika natin. Pero dahil sa award-winning na dokumentaryong ito, ay nakita ko na mas epektibo nga kung ang wikang alam ng magaaral ang gagamitin sa pag-aaral. Na hindi lang sa simpleng simbolismo na dahil wikang pambansa ang Pilipino nakaipit ang kabaluktutan ng pagtuturo sa Ingles. Nagbigay kasi si Howie ng mga konkretong halimbawa, ang Lubuagan Central Elementary School. Sa paaralang ito ay ang wikang lokal nila ang wikang panturo. At nabigla ako nang mabaybay ng isang batang anim na taong gulang ang salitang “astronaut,” nang halos walang kahirap-hirap, samantalang ang hayskul na taga-Maynila, kung saan Ingles ang wikang panturo, ay napatanga na lang ng sya ang pagbaybayin. Ang galing.
Ang galing, kahit na antok na antok na ako at may klase pa ako sa loob na lang ng halos siyam na oras, ay natuto ako. Kahit na mahalata sa klase ko, nang alas-otso ng umaga, na apat na oras lang ang tulog ko, may natutunan ako. Kahit na pagkauwi ko ay babangagin na naman ako sa sermon, natuto naman ako.
Bakit ba kasi kung ano pang gusto kong palabas ay s’ya bang panghuli?
Ewan. Wala rin naman akong magagawa para baguhin ‘yon. Masyadong malaki ang mga kumpanyang ‘yan para magreklamo ako. At kahit na magreklamo ako, kahit na ipa-imbestiga ko it okay Mike Enriquez, ay hindi naman ako papansinin. Abala sila sa pagtatrabaho, sa pagkita.
Kapangyarihan, yan ang hawak ng telebisyon. Sobra-sobra at umaapaw na kapangyarihan. Kung ano ang ipalabas nila ay s’yang paguusapan ng buong Pilipinas, kung anong hindi, ay s’yang hindi natin makikita.
Nito lang ay marami ang natuwa kay Richard Guiterrez dahil nagsilbi s’yang tagapagsalba ng buhay ng Philippines Number One Sexiest, Cristine Reyes. Pinakita sa 24 Oras kung gaano kahirap ang naging sitwasyon ni Cristine sa tuktok ng kanilang bubong habang giniginaw, nagugutom, at kasama ang lola n’yang hindi marunong lumangoy. Sinubaybayan ng taumbayan kung paano sinubukang tangayin ng malakas na hangin ang nakaupo at kaawa-awang si Cristine. Hanggang sa dumating ang isang napakaganda at nakakakilig na balita: Richard Guiterrez, niligatas si Cristine! Dumaundong sa buong Pilipinas, at hanggang sa Washington Post ang balitang ito. Marami ang nagpasalamat, nabaitan, at humanga kay Richard dahil sa pinamalas n’yang katapangan sa pagsuong sa rumaragasang daloy ng baha gamit ang hiniram n’yang speed boat, para maialis sa peligro ang kanyang kaibigan. Nagulat pa raw si Cristine ng Makita n’ya ang poging mukha ni Richard, hindi daw n’ya inakalang ililigas s’ya nito. Nakakakilig daw sabi ng kapatid ko. Pero, hindi binalita na dapat ay naligtas na si Cristine tatlong oras bago pa dumating si Richard, at tumanggi lang ito dahil nga hinihintay nya si ‘Chard. Halos walang nakaalam nito. Na pinlano ang lahat bilang gimik sa pelikula nilang Patient X. Scripted, pati ang pagsasabi ni Cristine na nagulat s’ya kay Richard. Bukod pa dito ang naging kadamutan ng aktor sa pagligtas ng iba pang na-stranded sa paligid. Ang pamilya lang kasi ni Cristine ang niligtas n’ya, at kahit na maari naman n’yang ipahiram man lang ang speedboat kung ayaw na n’yang makipagsapalaran para sa mga taong hindi naman n’ya kilala, ay hindi n’ya ito ginawa.
Salamat na din sa ginawa n’ya, kahit papano’y nakatulong s’ya.
Ang napakaganda, napakasexy at napakamabait na si Angel Locsin din ay nagpupunta sa mga relief mission. Nagpupunta s’ya sa mga liblib at mapuputik na lugar nang naka-shorts at sando. Nagbigay s’ya ng limandaang libong pisong donasyon sa Gabriela Women’s Party at lahat ng ito ay lingid sa kaalaman ng nakararami. Hindi naman kasi nababalita. Ang pinapakita sa 24 Oras, Saksi o TV Patrol ay mga artistang nasa sementadong relocation centers habang naka-long sleeves. Ang binabanggit lang ay ang mga nagdo-donate sa Kapuso o Kapamilya Foundations. At hindi lang si Angel ang may ganitong kalagayan, marami din sa mga party list ang tumutulong nang walang media coverage. Mga party list na napagkakamalan pang hindi tumutuolng sa gitna ng sakuna at kinagagalitan pa ng iba.
Dinidikta ng mass media ang kamalayan natin. Kung anong gusto nilang ipapaniwala sa atin ay s’yang ating tatanggapin. Napakalaki ng papel nito sa buhay nating lahat. At hindi ginagamit ng institusyong ito ang dapat n'yang gawin. Sa nakikita naman natin, hindi tayo minumulat ng mga palabas sa T.V. sa buong katotohanan, puro pantasya, kunmg anong maganda't masaya ay s'yang ipalabas.
Lalo na sa mga patalastas. Marami nang mas kontrobesyal na patalastas na sobrang lantaran ang pagsasaksak sa utak nating kung ano-anong kaisipan. “Isa higit sa dalawa,” yang linyang yan mismo ay ginamit sa patalastas. At maski yung nanay ng bata ay kinakanta yan. Sapilitang pagpapasok ng baluktot na kaisipan. Pati ang toyo na naglalakbay ang aroma. Lahat ay mali at walang katotohanan. Kadalasan pa ay gumagamit ng maskara, “samahan ang pamilya sa pagkain, ng healthy Pancit Canton.” Grabe. Sobrang in-eextend ang katotohanan sa puntong nagiging kasinungalingan na.
Sa lahat nga naman ng pila ay laging may nahuhuli. At sa kasong ito, nasa dulo ang mga kailangang panoorin. Nasa harapan at gitna ang mga pantakas natin sa katotohanang magulo at hindi perpekto ang buhay ng tao.
Siguro kaya nila nilalagay sa unahan ang “love conquers” nilang mga palabas ay dahil marami umanong nanood. Kumpara sa mga dokumentaryong kanina ko pa sinisingit.
Anong oras na uli pinapalabas ang simula ng set ng mga telenobela nila? Alas-siete ng gabi. Alas-sais ng gabi naman ang tinatawag na rush hour, ang halos sabay-sabay na uwian ng halos lahat ng mga opisina...
Wala na palang nakakapagtaka kung bakit madaming nanonood ng mga telenobela, pano ba naman ay sakto lang pagka-uwi ng mga tao.
Samantalag mga dokumentaryo ay ala-una ng madaling araw nagsisimula. May gising pa ba no'n? Meron, mga call center agent at mga taong katulad ko. Kami na di hamak na maliit ang bilang kumpara sa mga saleslady, government office worker, karpintero, kartero, taga-bantay ng stall, at estudyanteng maaga natutulog.
Hindi na nakapagtataka na marami nga ang nanonood sa mga telenobela, kahit na cliché na cliché na cliché ang mga kwento nito. Kahit na nakakaantok lang manood nito. Kahit na sawang-sawa na ang tao na mahulaan kung ano ang susunod na mangyayari sa bawat twist nila sa kwento. Hindi na nakakapagtaka.
Pero ako, bilang isang batang may pakielam sa lipunan at sa aking paligid, ay patuloy na magpupuyat para lang mamulat ng mamulat.
“Psst!” ayun na naman ang sitsit ng aking ina na mukhang bababain na ako. Kaya't umakyat na lang ako dahil ang pinakahuling palabas na lang rin pala ang pinapalabas sa T.V., ang Lupang Hinirang. At bigla nang naglaho ang mga umaalong tatlong bituin at isang araw sa ating bandila kasabay ng pagpindot ko ng “Turn off.”
[October 13 - 15, 2009, final paper for Fil25, Timpalak Panitik entry]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 8:37 PM
+ + +
0 Komento:
Mag-post ng isang Komento
<< Home