Huwebes, Setyembre 17, 2009
Anong Paki Mo?
May snatcher na nahuli ang anim na UP Police, no’ng tahimik na hapong iyon. Nakita ko kung paano nila s’ya pinalibutan, pinetserahan, sinikmuraan, binatukan, at pinagmumura. Naisip ko tuloy: Paano kaya kung yung anim na malulusog na UP Police naman ang mangailangan, mangotong at mahuli? Ang naging turing nila sa binatang snatcher ay parang si Pacquito Diaz (sa mga pelikula), na gumagawa ng mga krimen para lang kontrahin ang bida; at sila naman daw si FPJ. Alam nating hindi iyon totoo. Hindi naman tayo nangungupit sa lumang wallet ng magulang natin kung hindi natin kailangan…
Kung iisipin, hindi lang naman snatcher yung nahuli nila. Anak din s’ya, naging estudyante din malamang, naghanap/naghahanap din ng trabaho, at nobyo o marahil ay asawa na. May buhay din s’ya, may mga problema. Mga problema na sa isang krimen n’ya napilitang solusyonan.
Kamakailan lang, habang bumibili ako ng combo #3, may nakita na naman akong UP Police. Pero wala na s’yang hinuhuli ngayon, kausap n’ya yung tinderang naka-pony tail, tungkol sa isang pagkakakitaan. At bago umalis, humingi s’ya ng sopdrink. Mabilis namang nagbigay ng isang boteng RC ang nakababatang tindera. “Balik ‘ko na lang ‘maya.” Sabi nang malusog na UP Police bago s’ya tuluyang naglakad papalayo. Bigla ko namang naalala, may nauna ding naghingi sa tindera. Isang payat at maitim na batang may bitbit na sakong may lamang mga bote. Nanghingi s’ya ng barya, na tinugunan naman nang nagsungit na tindera, ng taus pusong pagpapalayas. Nakakairita. Hindi yung bata kundi ang ginawa ng tindera. Porke kakilala n’ya yung UP Police ay mas pabor s’ya dito. Kahit na halata namang mas kailangan ng patpating bata ang kan’yang tulong.
Walang paki ang UP Police sa kriminal, walang paki ang kriminal sa ini-snatch-an n’ya, walang paki ang tindera sa pulubi. Nakikita lamang nila sila bilang literal na kriminal at pulubi, hindi bilang mga tao; mga kapwa-tao. Tulad ito nang kawalan natin ng pag-aalala para sa basurerong mate-tetano sa t’wing magtatapon tayo ng bubog, sa tsuper na lubog na sa utang kaya buwakaw sa pasahero, sa babaeng namimigay ng sari-saring flyers, at kay Osama Bin Laden na mahilig pa lang mag-volleyball. Hindi naman kasi natin sila kilala…
Oo nga’t mahirap na mag-alala para sa lahat ng tao, pero ito ang kailangan sa itinayo nating lipunan. Nagtayo tayo ng mga komunidad na binubuo ng sobrang daming tao. Sobrang dami, kaya hindi na natin mapakielamanan ang bawat isa. At hindi na maiwasan ang mga gyera, at kung anu-ano pang makasariling gawain.
‘Wag na tayong mag-taka, pare-pareho lang naman tayo…
[September 17, 2009, assignment]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 12:35 PM
+ + +
0 Komento:
Mag-post ng isang Komento
<< Home