Anong Paki Mo?
May snatcher na nahuli ang anim na UP Police, no’ng tahimik na hapong iyon. Nakita ko kung paano nila s’ya pinalibutan, pinetserahan, sinikmuraan, binatukan, at pinagmumura. Naisip ko tuloy: Paano kaya kung yung anim na malulusog na UP Police naman ang mangailangan, mangotong at mahuli? Ang naging turing nila sa binatang snatcher ay parang si Pacquito Diaz (sa mga pelikula), na gumagawa ng mga krimen para lang kontrahin ang bida; at sila naman daw si FPJ. Alam nating hindi iyon totoo. Hindi naman tayo nangungupit sa lumang wallet ng magulang natin kung hindi natin kailangan…
Kung iisipin, hindi lang naman snatcher yung nahuli nila. Anak din s’ya, naging estudyante din malamang, naghanap/naghahanap din ng trabaho, at nobyo o marahil ay asawa na. May buhay din s’ya, may mga problema. Mga problema na sa isang krimen n’ya napilitang solusyonan.
Kamakailan lang, habang bumibili ako ng combo #3, may nakita na naman akong UP Police. Pero wala na s’yang hinuhuli ngayon, kausap n’ya yung tinderang naka-pony tail, tungkol sa isang pagkakakitaan. At bago umalis, humingi s’ya ng sopdrink. Mabilis namang nagbigay ng isang boteng RC ang nakababatang tindera. “Balik ‘ko na lang ‘maya.” Sabi nang malusog na UP Police bago s’ya tuluyang naglakad papalayo. Bigla ko namang naalala, may nauna ding naghingi sa tindera. Isang payat at maitim na batang may bitbit na sakong may lamang mga bote. Nanghingi s’ya ng barya, na tinugunan naman nang nagsungit na tindera, ng taus pusong pagpapalayas. Nakakairita. Hindi yung bata kundi ang ginawa ng tindera. Porke kakilala n’ya yung UP Police ay mas pabor s’ya dito. Kahit na halata namang mas kailangan ng patpating bata ang kan’yang tulong.
Walang paki ang UP Police sa kriminal, walang paki ang kriminal sa ini-snatch-an n’ya, walang paki ang tindera sa pulubi. Nakikita lamang nila sila bilang literal na kriminal at pulubi, hindi bilang mga tao; mga kapwa-tao. Tulad ito nang kawalan natin ng pag-aalala para sa basurerong mate-tetano sa t’wing magtatapon tayo ng bubog, sa tsuper na lubog na sa utang kaya buwakaw sa pasahero, sa babaeng namimigay ng sari-saring flyers, at kay Osama Bin Laden na mahilig pa lang mag-volleyball. Hindi naman kasi natin sila kilala…
Oo nga’t mahirap na mag-alala para sa lahat ng tao, pero ito ang kailangan sa itinayo nating lipunan. Nagtayo tayo ng mga komunidad na binubuo ng sobrang daming tao. Sobrang dami, kaya hindi na natin mapakielamanan ang bawat isa. At hindi na maiwasan ang mga gyera, at kung anu-ano pang makasariling gawain.
‘Wag na tayong mag-taka, pare-pareho lang naman tayo…
[September 17, 2009, assignment]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 12:35 PM
+ + +
Pagbalik Tanaw sa Chiangkangshan, 1965 – Sa himig ng Shiu Tiao Ko T’ou
Ang pina-pangarap na mahawakan ang mga ulap,
muli, sa pagakyat sa Bundok Chingkang.
Matapos ang paglalakbay ng libong hukbo,
ang dating tanawin ay may bago nang mukha.
Sa paligid, ang mga bintana ay umaawit, ang mga layang-layang ay mabilis na lumilipad,
ang umaagos na tubig ay bumubulong,
at ang malalaking puno ay hinahaplos ang mga ulap.
Pagkalagpas ng Huangyangchieh,
huwag tignan ang ibaba ng bangin.
Rumagasa ang hangin at bumangis ang kidlat;
binuklat ang mga bandila;
Ang kaharian ay pinagtibay.
Tatlumpu’t walong taon ang nagdaan,
sa isang kisapmata.
Abutin ang Kaluwalhatian, hagkan ang buwan.
o lusubin ang limang karagatan upang humuli ng pagong: alin man ay posible.
Bumalik sa pagsasaya at kumanta nang maligaya.
Sa ibabaw ng mundo, walang mahirap,
kung sisikaping lang sana.
[September 17, 2009, assignment, translated from Mao Tse-tung's Chingkangshan Revisited, 1965]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 10:46 PM
+ + +
Alas Otso ng Umaga
Nanghihina,
wala pa ngang ginagawa.
Tumatango,
walang naintindihan.
Lumuluha,
'di naman umiiyak.
Pumipikit,
'di dahil nasisilaw.
Yumuyuko,
hindi naman nagtanghal.
Gumigising,
hindi naman natulog.
[written to try to repel drowsiness on September 9, 2009]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 10:43 PM
+ + +
Super Facebook!
“Sawa ka na ba, sa mga hassle ng buhay mo? Pagod ka na bang mag-isip para sa sarili? … Ako ang kailangan mo; isak-sak lang ang modem n’yo! Hindi na dapat maghirap, sa iisang iglap, ang buhay mo ay sasarap. ‘Wag nang magatubili, gumamit na ng super proxy!” Ito ang ilan sa mga linya sa kanta ng Erasereads na Super Proxy, ito rin ang mga linyang kinakanta ko habang nagfe-facebook (pag-gamit ng facebook)…
Ang facebook ay isa sa mga pinakasikat na social-networking sites na naglalayong padaliin at pagbutihin ang komunikasyon at pakikihalubilo sa pagitan ng mga tao sa buong daigdig. Para itong isang ikalawang mundo, sa internet, kung saan magkakaroon ka ng ikalawang buhay...
Halos isang lingo pa lang akong nagfe-facebook (tama rin sigurong sabihin na “nabubuhay sa Facebook), at aaminin ko, para sa isang teenager na nangangarag sa kanyang pag-aaral, isa itong nakakaaliw na pampalipas oras. Nakaka-adik kasi ang mga laro o applications nito. Ako, sa partikular ay nahuhumaling sa Mafia Wars at Who Has The Biggest Brain.
Ang Mafia Wars ay isang laro tungkol sa paggiging kriminal, na kabilang sa isang mafia, na may layuning maging pinakamahusay sa lahat. Ang nakaka-adik sa sistema nito, ay ang pagtira (taking turns) o ang paggalaw ng iyong karakter. Bawat galaw kasi ay limitado kada tatlong minuto. Ibig sabihin, kung magnanakaw ka sa bangko ngayon, pagkalipas ng tatlong minuto, ay maari mo na uli ‘yong gawin! Kaya hindi ko ito maiwan. Ako, na sanay sa totoong mundo, kung saan bihirang sumilip ang oportunidad, ay maghihintay na lang ng tatlong minuto para magkaroon muli ng tsansang palakasin ang aking karakter. Saka lang ako napapatigil kapag wala na talaga akong oras at hindi na kayang dumilat ng mga mata ko.
“Who has the biggest brain?” Title pa lang ay naintriga na ako. Isa itong laro kung saan sasagutan ng user, ako, ang ilang mga pagsubok na tumutulong daw sa kanilang sukatin ang laki ng aking utak (sa cm3). Nakakaakit itong laruin dahil pwede kang makipagkumpetensya sa iyong mga friends na parang kung sino ang may mas mataas na ranking (mas malaking utak) ay s’yang mas matalino at mas magaling. Nung may nalaktawan nga ako sa ranking ay nagkaroon pa ako ng pagkakataon ipagmayabang iyon. “Brag about it.” Sabi nung buton. Alam ko namang hindi ito totoo at na hindi naman iba-iba ang laki ng ating utak, ngunit hindi ko maiwasang magisip ng “haha, wala ka pala *pangalan* eh! Akala ko ba *papuri kay pangalan*?” sa tuwing may lalaktawan ako. Hindi ko alam kung ako lang ang ganito, pero dahil sa pagra-rank sa laki ng ating mga utak, batay sa isang kapanipaniwalang hanay ng mga pagsubok, nababale wala na hindi man lang nga pala ako honor student dahil mas malaki naman ang aking utak kaysa sa isang honor student.
Isa pang kakaibang katangian ng Facebook ay ang opsyon na like.Ginagamit ito para masabi na gusto mo ang isang bagay (picture, video, komento, mensahe, atbp.) Nakakaloko lang dahil maari ka namang magbigay ng kumento imbes na simpleng pagpindot ng like. Gayunpaman, ginagamit ko ito. Mas madali kasi s’ya kaysa mag-isip pa ng komento. Sasabihin ko pa ba kung bakit ko nagustuhan? Magpapatawa ba ‘ko? Ano ang pakulo ko? Napipigilan tuloy ang malikhaing pagiisip ko , imbes na mag-iisip pa ‘ko ng sariling paraan para magpahayag, ay simpleng I like this na lang. Marahil ay isa ito sa mga dahilan kung bakit nauuso ang chuva bilang panghalip sa mga salitang hindi maisip. Hindi kasi sinasanay ang tao sa Facebook sa oral na salitaan, o sa maayos na pagsasalita man lang. Palibahasa, sa Facebook ay pwede mo munang pagisipan ang ikokoment mo at pwede kang magtagal sa pagsagot, na hindi pwede sa totoong buhay, kung saan kailangang mabilisan ang pagsagot sa mga usapan. O kung sa Facebook nga, pwede namang wag mo na lang pag-isapan, i-like mo na lang…
Ang pagfe-facebook ay isang nakahuhmaling na gawain, para akong pumapasok sa ibang mundo kung saan pwede akong gumawa ng mga bagay-bagay na hindi ko naman nagagawa o maggagawa sa totoong mundo. Isang pansamantalang paglipat sa isang maayos na mundo o paglayo sa magulong katotohanang hinaharap ko, natin…
[quickly written on September 3, 2009, assignment]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 8:03 PM
+ + +
Kaya 'Kong I-comment Ngayong Gabi
Kaya kong i-comment ngayong gabi ang aking kalungkutan.
I-post, halimbawa, “Ang gabi ay tahimik
at walang kasing lamig.”
Ang tunog lamang ng aircon ang umaaligid sa buong kwarto.
Kaya kong i-comment ngayong gabi ang aking kalungkutan.
Mahal ko ‘sya, at minsan mahal nya rin ako.
Sa mga gabing tulad nito, magkaharap kami sa webcam.
Ilang ulit ko s’yang hinahalik-halikan sa likod ng monitor.
Kaya kong i-comment ngayong gabi ang aking kalungkutan.
Sino pa bang hindi mahuhumaling sa nagniningning at mapupungay n’yang mga mata?
Kaya kong i-comment ngayong gabi ang aking kalungkutan.
Ang makitang single na pala s’ya. Ang mabaliw kakahintay sa kanyang reply.
Na maging mag-isa, na pinalala ng pagiging offline n’ya.
At pumatak ang aking luha, kasabay ng pagtigil ng aking daliri sa ibabaw keyboard.
Saan ba ako nagkamali?
Para kanyang i-delete.
Ito na ba ang lahat? Sa malayo ay naririnig ko ang choppy n’yang boses. Sa malayo.
Hindi ako mabubuhay ng hindi s’ya nakaka-chat.
Hinahanap s’ya ng aking mga mata, para i-screenshot.
Hinahagilap s’ya ng aking puso, kahit na s’yay nag-log out na.
Sa ganitong karaniwang gabi na kami ay parehong maligaya.
Ngunit ngayon, lubhang hindi na.
Single na rin ako, dapat, ngunit marahil ay complicated na lang.
Pinipilit ng aking text na maghanap ng signal upang sa kanya’y makarating.
Sa iba. Meron na s’yang iba. Gaya ng pagpa-pop oup n’ya sa aking YM.
Ang kanyang tinig, katawan. Ang kanyang walang kapares na mga mata.
Single na rin ako, dapat, ngunit marahil ay complicated na lang.
Ang pag-ibig ay bitin, ang pag-limot ay sobra.
Dahil, sa mga gabing tulad nito ay magkaharap kami sa webcam.
Hindi ako mabubuhay ng hindi s’ya nakaka-chat.
Sana’y ito na ang huling kalungkuta’ng ipapamalas n’ya sa akin.
At sana’y ito na ang huling linya’ng ita-type ko para sa kanya.
[August 30, 2009, assignment, adapted from Pablo Neruda's "Tonight I Can Write"]
Mga etiketa: Tula
pinost ni: Nolram Ateug nang 2:33 AM
+ + +