Huwebes, Setyembre 3, 2009
Super Facebook!
“Sawa ka na ba, sa mga hassle ng buhay mo? Pagod ka na bang mag-isip para sa sarili? … Ako ang kailangan mo; isak-sak lang ang modem n’yo! Hindi na dapat maghirap, sa iisang iglap, ang buhay mo ay sasarap. ‘Wag nang magatubili, gumamit na ng super proxy!” Ito ang ilan sa mga linya sa kanta ng Erasereads na Super Proxy, ito rin ang mga linyang kinakanta ko habang nagfe-facebook (pag-gamit ng facebook)…
Ang facebook ay isa sa mga pinakasikat na social-networking sites na naglalayong padaliin at pagbutihin ang komunikasyon at pakikihalubilo sa pagitan ng mga tao sa buong daigdig. Para itong isang ikalawang mundo, sa internet, kung saan magkakaroon ka ng ikalawang buhay...
Halos isang lingo pa lang akong nagfe-facebook (tama rin sigurong sabihin na “nabubuhay sa Facebook), at aaminin ko, para sa isang teenager na nangangarag sa kanyang pag-aaral, isa itong nakakaaliw na pampalipas oras. Nakaka-adik kasi ang mga laro o applications nito. Ako, sa partikular ay nahuhumaling sa Mafia Wars at Who Has The Biggest Brain.
Ang Mafia Wars ay isang laro tungkol sa paggiging kriminal, na kabilang sa isang mafia, na may layuning maging pinakamahusay sa lahat. Ang nakaka-adik sa sistema nito, ay ang pagtira (taking turns) o ang paggalaw ng iyong karakter. Bawat galaw kasi ay limitado kada tatlong minuto. Ibig sabihin, kung magnanakaw ka sa bangko ngayon, pagkalipas ng tatlong minuto, ay maari mo na uli ‘yong gawin! Kaya hindi ko ito maiwan. Ako, na sanay sa totoong mundo, kung saan bihirang sumilip ang oportunidad, ay maghihintay na lang ng tatlong minuto para magkaroon muli ng tsansang palakasin ang aking karakter. Saka lang ako napapatigil kapag wala na talaga akong oras at hindi na kayang dumilat ng mga mata ko.
“Who has the biggest brain?” Title pa lang ay naintriga na ako. Isa itong laro kung saan sasagutan ng user, ako, ang ilang mga pagsubok na tumutulong daw sa kanilang sukatin ang laki ng aking utak (sa cm3). Nakakaakit itong laruin dahil pwede kang makipagkumpetensya sa iyong mga friends na parang kung sino ang may mas mataas na ranking (mas malaking utak) ay s’yang mas matalino at mas magaling. Nung may nalaktawan nga ako sa ranking ay nagkaroon pa ako ng pagkakataon ipagmayabang iyon. “Brag about it.” Sabi nung buton. Alam ko namang hindi ito totoo at na hindi naman iba-iba ang laki ng ating utak, ngunit hindi ko maiwasang magisip ng “haha, wala ka pala *pangalan* eh! Akala ko ba *papuri kay pangalan*?” sa tuwing may lalaktawan ako. Hindi ko alam kung ako lang ang ganito, pero dahil sa pagra-rank sa laki ng ating mga utak, batay sa isang kapanipaniwalang hanay ng mga pagsubok, nababale wala na hindi man lang nga pala ako honor student dahil mas malaki naman ang aking utak kaysa sa isang honor student.
Isa pang kakaibang katangian ng Facebook ay ang opsyon na like.Ginagamit ito para masabi na gusto mo ang isang bagay (picture, video, komento, mensahe, atbp.) Nakakaloko lang dahil maari ka namang magbigay ng kumento imbes na simpleng pagpindot ng like. Gayunpaman, ginagamit ko ito. Mas madali kasi s’ya kaysa mag-isip pa ng komento. Sasabihin ko pa ba kung bakit ko nagustuhan? Magpapatawa ba ‘ko? Ano ang pakulo ko? Napipigilan tuloy ang malikhaing pagiisip ko , imbes na mag-iisip pa ‘ko ng sariling paraan para magpahayag, ay simpleng I like this na lang. Marahil ay isa ito sa mga dahilan kung bakit nauuso ang chuva bilang panghalip sa mga salitang hindi maisip. Hindi kasi sinasanay ang tao sa Facebook sa oral na salitaan, o sa maayos na pagsasalita man lang. Palibahasa, sa Facebook ay pwede mo munang pagisipan ang ikokoment mo at pwede kang magtagal sa pagsagot, na hindi pwede sa totoong buhay, kung saan kailangang mabilisan ang pagsagot sa mga usapan. O kung sa Facebook nga, pwede namang wag mo na lang pag-isapan, i-like mo na lang…
Ang pagfe-facebook ay isang nakahuhmaling na gawain, para akong pumapasok sa ibang mundo kung saan pwede akong gumawa ng mga bagay-bagay na hindi ko naman nagagawa o maggagawa sa totoong mundo. Isang pansamantalang paglipat sa isang maayos na mundo o paglayo sa magulong katotohanang hinaharap ko, natin…
[quickly written on September 3, 2009, assignment]
Mga etiketa: Sanaysay
pinost ni: Nolram Ateug nang 8:03 PM
+ + +
0 Komento:
Mag-post ng isang Komento
<< Home